Randy Malayao: isang kolektibong pag-alala

0
184

Malumanay pero matikas, malakas tumawa at palabiro pero seryoso sa maraming bagay. Ganito ang pagkilala namin kay Randy Malayao.

Naaalala ko pa noong gitnang bahagi ng dekada ’90, nang mabalitaan na may isang kabataang intelektuwal ang nagnanais na kumilos sa rehiyong Cagayan.  Siyempre, masaya kami, dahil noong panahon na iyon,  mangilan-ngilan lang ang nagpapahiwatig ng kagustuhan na kumilos nang buong panahon sa kanayunan,  sa hanay ng mga magsasaka.

Noong una kong makita si Randy bago siya pumasok sa erya,  nakakuwentuhan ko na siya. “Kumilos na ako sa ibang rehiyon,  panahon naman na kumilos ako sa rehiyong pinagmulan ko,” matatag niyang bigkas.  Mula noon, madalas na namin siyang nakakasalamuha, at nakalikha ng maraming alaala na hindi makakalimutan ng mga kasama at masa sa rehiyon.

Sabi nga ng isang nakasama niya sa isang
gawain,  tila walang kapaguran kung siya
ay magtrabaho. Mula umaga hanggang hatinggabi subsob sa pagsusulat ng mga
polyeto, mga statement at mga artikulo. Ayon sa naturang kasama, “Siya ang
matiyagang nagturo sa akin na magsulat ng mga artikulo,  polyeto. 
Marami akong natutunan sa kanya.”

Isa sa mga proyekto ng kanilang grupo ang
Saniweng iti Tanap ti Cagayan,  isang koleksiyon
ng mga rebolusyonaryong awitin na likha sa rehiyon.  Hindi nakakapagtakang matagumpay na nabuo ang
proyekto dahil bukod sa mahilig din siyang umawit, buo ang kanyang loob na makakuha
ng suporta para sa rehiyon.

“Dumadagundong ang boses niya kapag may mga
kulturang pagtatanghal,” alaala ng isang kasama. “Hindi mo nga maikakaila
na nasa paligid lang siya, dahil sa lakas pero mababang boses niya,” sabi
naman ng isa pa niyang nakasama.  Madalas
kapag may mga bumibiistang aktibista mula sa labas, isa  siya sa mga 
hinahanap dahil naiintriga kung sino iyung matikas, malakas ang boses
pero malumanay na kasamang kinagigiliwan ng marami.

“Wala siyang kapaguran sa pagpopropaganda.
Kadalasan, bumibisita siya sa mga kalapaw (kubo) namin sa gabi, kinukuwento
niya ang pagiging estudyante niya hanggang sa naging aktibista at mag-fulltime,
” sabi naman ng isa niyang nakasama. “Maalala ko nga na minsan napagalitan
tayo dahil kahit gabing-gabi na, 
nagkukuwentuhan pa tayo at sinasabayan pa natin ng malakas na tawanan.”

Sa isa namang pagtatagpo namin sa Isabela,
sa isang tuktok ng matatarik na kabatuhan, naranasan namin ang maligo sa
kakarampot na tubig dahil tag-araw noon at hirap ang tubig.  Kaya naman nang dumating ang unang ulan sa
gitna buwan ng Mayo, para kaming mga batang naligo sa ulan at lahat ng puwedeng
lagyan ng tubig ulan pinuno sa pag-aakalang hindi pa panahon ng tag-ulan.  Resulta, hirap namang magpatuyo ng damit.
Naalala ko nga na ’yung sampayan ng damit malapit sa kanyang kalapaw,  magkakatabi ang kanyang damit at mga pahina
ng publikasyon na bagong kayod mula sa risograph.  Nauuna pa niyang samsamin ang mga pahina ng
diyaryo nung umulan.

Sa kuwento naman ng isa pa niyang
nakasama,  matingkad na katangian ni
Randy ang pagiging maalalahanin sa mga kasama kahit na yaong mga nasa ibang
gawain na o ’yung nangibang bansa para maghanapbuhay. “Naging ninong ko
siya sa kasal. Madalas siyang magbigay ng advice kapag nagkakaproblema kaming
mag-asawa. Kahit nga noong tuluyan kaming naghiwalay na mag-asawa,  isa siya sa mga unang nagbigay ng payo sa
akin,” sabi niya.  Dagdag pa niya,
kahit nasa ibang bansa na siya,  madalas
na nagpapadala si Randy ng mga chat message, 
nangungumusta,  nagbibigay ng
payo.

Kahit nga nung nasa kulungan, hindi niya
nakakaligtaang mangumusta sa mga kasama, 
kaibigan at kakilala na nasa labas ng kulungan.  Minsan nga nagulat na lang ang asawa ko,  bigla siyang nagpadala ng mensahe,  “kumusta…. ,  jail aide ako ngayon,  kaya medyo maluwag.  Kumusta si lakay mo?”  patungkol sa akin.  

Ganundin nang makalabas siya mula sa
kulungan at kumilos bilang peace consultant. Hindi nagbago ang kanyang
pakikisalamuha sa mga dating kasama. 
“Madalas siyang dumaan sa bahay, 
nag-aalaga sa mga anak ko,”  kuwento
naman ng isa pa niyang nakasama.  Hindi
rin mapili sa pagkain  si Randy, “kahit
anong pagkain sa bahay kakainin niya, 
hindi siya namimili.”

Pero may paborito namang lutuin si Randy,
ang pansit cabagan na nauna kong matikman sa isang selebrasyon na aming
inilunsad sa isang lugar sa Bulacan.

Siyempre, hindi rin naman nawawala ang
mumunting kahinaan, kung maituturing man na kahinaan.  Naalala kasi ng isa niyang nakasama na sa
isang pulong pag-aaral, nakatulog siya at nahulog sa upuan.  Malakas din siyang humilik, “masa din
siya,  masandal tulog.”

Ganundin, marunong din siyang humanga sa
kababaihan,  isa sa mga nakasama niya ang
nagsabi na naging “crush” daw siya 
ni Randy.

“Meron ’yung time na pumupunta siya sa kubo
naming mga babae, nakipagkuwentuhan, nagbabahagi sya ng mga karanasan niya sa
pagkilos niya, karanasan niya bilang studyante, bilang aktibista, bilang manunulat.  Isang beses na may nasabi siya sa akin nung
kami lang ang nag-uusap sa isang kubo.  Kuwentuhan
kami, hanggang may ipinagtapat sya sa akin. Nung una pala niya akong makilala
sa bahay namin sa Tuguegarao, may crush na pala siya sa akin,” kuwento ng isa.
Pero hindi sila naging magkarelasyon. Si Randy pa nga ang tumayong ninong nang
ikasal siya.

Naalala ko nga na may pormal din siyang
niligawan, ‘yung kasamang babae, may alagang puting aso.  Kasama sa panunuyo sa babae, si Randy ang
nagpapaligo sa aso, at nagpapainit pa siya ng tubig na pampaligo ng aso.

Maraming nakasama pero iisa lang ang
pagkilala sa kanya:  Matikas pero malumanay,
palabiro, at palatawa pero seryoso, maalalahanin at responsableng kasama.

Kaya naman, kahit nangungulila kami, kasama
ng karamihan,  dadagundong pa rin ang
boses ni Randy Malayao sa mga lansangan at mga bulwagan hanggang sa mga ublag
na kampuhan sa kanayunan.

Mabuhay ka kasamang Randy!