Rehimeng umaatake, paglabang umaabante

0
221

Tutol sa pagpapalawak ng plantasyon ng palm oil sina Datu Walter España, lider ng tribung Manobo, at Rommel Romon sa San Francisco, Agusan del Sur. Noong Oktubre 23, pinagbabaril ng armadong kalalakihan ang dalawa. Hindi na nakaligtas pa si Romon, habang si Datu Walter nama’y nasa kritikal na kondisyon.

Parehong miyembro ng Nagkahiusang Maguuma sa Agusan del Sur (Namasur) ang dalawa. Maingay nilang nilabanan ang pagpapatayo ng oil palm plantation ng Davao San Francisco Agricultural Ventures, Inc.

Ayon sa Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura (UMA), lumalabas sa fact-finding mission na dinaluhan pa mismo ni Datu Walter na umabot na sa siyam ang kaso ng pampulitikang pagpatay, 23 na ang kaso ng pagbabanta, at 467 na ang kinailangan lumisan sa komunidad dahil sa presensiya ng militar na dala na rin ng batas militar sa Mindanao.

Pero latag sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang atake ng militar at pulisya sa mga komunidad at grupong lumalaban sa rehimeng Duterte at mga proyektong “pangkaunlaran” na pinagkakakitaan ng iilang malalaking negosyante at panginoong maylupa.

Noong 2014 pa lamang, mariin nang tinutulan iba’t ibang grupo sa Mindanao, Bohol, at Palawan ang binalak ng gobyerno na paggamit ng aabot sa isang milyong ektarya ng lupa para sa palm oil. Sa Mindanao at iba’t ibang probinsiya rin ng Luzon at Visayas, nilalabanan din ang malawakang komersiyal na pagmimina, gayundin ang mga proyektong imprastraktura tulad ng mga dam sa ilalim ng programang Build, Build, Build ng rehimen.

Sa hanay ng organisadong mga manggagawa, ramdam din ang tumitinding panghaharas at paniniktik. Iniulat ng mga unyon ng mga manggagawa sa ilalim ng Kilusang Mayo Uno (KMU) na Rehimeng umaatake, paglabang umaabante nilalapitan na ng mga militar ang mga kompanya at empresang pinagtatrabahuan ng mga unyonista. Sinasabihan ang mga kompanyang ito na sibakin ang mga manggagawang nag-uunyon o nalalapitan ng KMU.

Sa mga eskuwelahan, naiulat din ng Anakbayan at League of Filipino Students (LFS) ang panghaharas at paniniktik sa mga organisasyong pangkabataan at instistusyong pang-eskuwela. Binansagan pa ang 18 unibersidad sa Kamaynilaan na nagrerekluta raw para sa mga rebelde.

Task Force vs taumbayan

May sistematikong plano nga ba ng pandarahas ang rehimeng Duterte sa progresibong mga organisasyon? Nitong Nobyembre, inanunsiyo ni Duterte sa midya ang planong pagtatayo ng isang “Task Force to End Communist Insurgency”. Layunin daw ng plano na wakasan ang insurhensiya sa bansa hanggang katapusan ng taong 2018 o sa kalagitnaan ng susunod na taon.

Sa panayam sa midya noong Setyembre, sinabi ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Gen. Carlito Galvez Jr. na sa AFP nagmula ang panukalang Task Force, na gusto nilang ilegalisa ni Duterte sa pamamagitan ng isang executive order.

Sa pagsisiyasat ng Pinoy Weekly hinggil sa planong Task Force, napag-alamang katulad din ng nakaraang “National Internal Security Plan” ng nakaraang mga rehimen, target ng naturang planong kontra-insurhensiya ang legal na mga organisasyong masa tulad ng mga grupo ng mga magsasaka, manggagawa, katutubo, kabataan, kababaihan, propesyunal at maging midya. Nakabalangkas sa plano ng naturang Task Force ang pagbabara sa pagrerekluta ng progresibong mga organisasyong “lumalaban sa gobyerno.”

Buong makinarya ng burukrasya ng gobyerno ang pinakikilos ng naturang Task Force para sa naturang programa kontra-insurhensiya. Sa isang press conference sa Malakanyang noong Setyembre, ginamit pa mismo ng dating tagapagsalitang si Harry Roque ang terminong “whole-of-government approach” para durugin diumano ang insurhensiya. Lumalabas na ang approach o estratehiyang ito’y halaw sa mismong Counterinsurgency Guide (COIN Guide) na inilabas ng gobyernong US noong 2009.

Bahagi ng planong ito ang diumano’y mas mahigpit na kontrol sa lokal na mga pamahalaan (na ngayo’y nakapailalim sa Department of Interior and Local Government na pinamumunuan ni dating AFP Chief of Staff Gen. Eduardo Ano) para kontrahin daw ang pagrerekluta sa mga probinsiya at ang lumalawak na impluwensiya ng mga progresibo at ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).

Target din ng naturang Task Force na labanan ang mga pandaigdigang kampanya para isiwalat sa mundo ang mga paglabag sa karapatang pantao. Kasama sa natukoy na naaabot ng mga grupong pangkarapatang pantao ang mismong United Nations (UN). Matatandaang sa listahan ng Department of Justice na mga miyembro raw ng CPP na sinumite nito sa lokal na korte para mabansagan ang nasabing partido na “terorista”, nakasama pa si Victoria Tauli Corpuz, UN Special Rapporteur on the Rights of Indigenous Peoples.

Militarisasyon, atake

Noong Nobyembre 22, naglabas ang Malakanyang ng Memorandum Order No. 32, na nag-uutos diumano sa AFP at Philippine National Police (PNP) na “gumawa ng kinakailangang mga hakbang” para supilin ang “lawless violence” na kumakalat diumano sa Mindanao, rehiyon ng Bicol, Samar, at isla ng Negros.

Sa mga panayam sa midya, binigay na halimbawa ni Galvez ang masaker ng siyam na manggagawang bukid sa Sagay, Negros Occidental na isinisisi nito sa NPA—kahit na napagalaman ng independiyenteng fact-finding mission ng mga grupong pangkarapatang pantao na mga grupong paramilitar ang pinakasuspek sa masaker.

Noong Nobyembre 27 naman, sa pagpapasinaya sa isang pampublikong pabahay para sa mga pulis at militar sa Camp Rajah Sikatuna sa Carmen, Bohol, sinabi ni Pangulong Duterte na plano niyang magtayo ng isang “Duterte Death Squad” na naglalayong tapatan daw ang “sparrow units ng NPA”. Ito ang mga yunit partisano ng mga rebelde noong dekada ‘80 na tumarget sa matataas na opisyal ng pulis at militar, gayundin sa mga despotikong negosyante at korap opisyal ng gobyerno.

Kakatwang binansagan pa ng Pangulo na “Duterte Death Squad” o DDS ang grupong gusto niyang magsagawa ng ekstrahudisyal na pamamaslang. Bukod sa pagiging katunog ng katawagan sa mga tagasuporta ni Duterte (Duterte Diehard Supporters o DDS), katunog din nito ang “Davao Death Squad” na sinasabing tumarget sa maliliit na mga kriminal at adik sa ilegal na droga sa Davao noong alkalde pa sa lungsod na ito si Duterte.

Ang naunang DDS na ito ang tinuntungang karanasan ni Duterte sa paglunsad niya ng pambansang madugong kampanya kontra sa mahihirap, ang Oplan Tokhang at Double Barrel, na nagdulot ng pagpatay sa humigit-kumulang 25,000 katao (at dumarami pa).

Hindi humihina, lumalakas

Sa kasaysayan ng mga pasistang rehimen sa buong mundo, kadalasa’y hindi nakapagpahina kundi’y nagdulot ng lalong pakapagpalakas sa paglaban ng mga mamamayan ang pasistang mga atake.

Ganito ang naging karanasan ng bansa sa ilalim ng batas militar ng diktadurang Marcos. Ganito rin ang nagaganap ngayon sa ilalim ni Duterte. Nakita ang pambihirang pagkakaisa ng lahat ng pampulitikang puwersang tutol sa pasistang diktadurang Duterte noong State of the Nation Address (SONA) ni Duterte. Sa kabila ng mga atake niya sa pandaigdigang mga grupo na tumutuligsa sa kanyang madugong pamumuno, hindi napigilan ni Duterte ang higit na pagkondena sa pandaigdigang komunidad sa kanyang pamumuno sa bansa.

Hindi napigilan ng rehimen ang pambihirang pagkakaisa sa hanay ng mga manggagawa, sa iba’t ibang unyon, pederasyon at organisasyon, na nagbuklod para labanan ang kontraktuwalisasyon sa paggawa na pinangako niyang papawiin. Pambihira ang dami ng mga protesta’t welga ng mga manggagawa ngayon sa kabila ng mga banta ng pasismo. Hindi napigilan ang mga okupasyon sa mga lupaing agrikultural ng mga magsasakang natulak ng kahirapan. Hindi napigilan ang pagkakaisang nabubuo sa mga kabataan at mga eskuwelahan. Hindi napigilan ang pagkakaisa ng kababaihan laban sa misogyny o panghahamak ng Pangulo sa kababaihan. Patuloy na isinasagawa rin ng mga maralitang lungsod ang okupasyon sa tiwangwang na pampublikong mga pabahay— kahit na ilang beses na pinagbantaan ng karahasan ng Pangulo.

Siyempre, hindi mapipigilan ang paglaban ng mga katutubo at magsasaka ng Agusan del Sur at iba pang lugar sa panghihimasok sa kanilang lupain ng malalaking plantasyon at komersiyal na pagmimina ng malalaking lokal at dayuhang kapitalista.

Nitong Nobyembre 27, naglakbay ang mahigit 300 manggagawang bukid ng plantasyon ng saging na Sumifru Corp. mula sa Compostela Valley patungong Kamaynilaan para magtirik ng kampuhan sa paanan ng Malakanyang sa Mendiola. Layon nilang ipagkaisa ang kanilang boses sa lumalakas na pagkondena sa pasismo sa bansa—at pangakong napako ng pangulong naging pasistang diktador.

May ulat ni Jobelle Adan