Unang beses humarap si Dennis David sa publiko. Kinakabahan, pero nakakapagpalakas ng loob ang makasama ang iba pang magulang. Ang gagawin nila: iaanunsiyo sa midya ang paghabla sa International Criminal Court (ICC) kay Pangulong Duterte.
Humarap si Dennis, 45, asawa niyang si Cathy, 36, sa ngalan ng kanilang anak na si John Jezreel, 21, isa sa libu-libong biktima ng giyera kontra droga ng rehimen.
Enero 20, 2017, nagtatrabaho si John Jezreel sa Manhattan Inn sa Pasay bilang room boy. Pauwi na sana mula sa trabaho nang biglang natsekpoint siya. Di na siya nakauwi. Kinabukasan, natagpuan na lang siya nina Dennis at Cathy sa Krus Funeral, wala nang malay. Halos di na siya makilala, liban sa hugis ng mukha at tangos ng ilong ng bata. Sugatan ang buong katawan.
“(Kinaumagahan) na namin nalaman ang sinapit ng bata sa kamay ng mga kapulisan ng Pasay. Pagdating namin dun nagkaila pa ang mga kapulisan. Nang itsek namin sa record book, walang naiulat hinggil kay John. Biglang sumigaw ang mga preso na puntahan niyo sa Delpan, Tondo. May tatlong natagpuan dun baka isa sa kanila. Kinutuban ang magasawa na maaaring natokhang si John,” kuwento ni Cathy.
Nagpabalik-balik sila. Isang pulis ang nagsabi “Hindi n’yo ba alam na nagdodroga ang anak niyo? Nagulat sila Dennis. Kailanman, di nalulong sa droga ang anak. Hiling nilang mag-asawa ang hustisya para sa kanilang anak.
“Ang kasong sinampa sa ICC ay primarily dinala ng mga mismong pamilya at kaanak ng mga biktima ng war on drugs. Hindi ito matatakasan ni Presidente Duterte,” ani Neri Colmenares, abogadong umayuda sa mga biktima sa pagsampa ng kaso sa ICC.
Asunto vs Pangulo
Kasama rin ng mga biktima ang Rise UP for Life and for Human Rights (Rise Up) at National Union of People’s Lawyers (NUPL) sa mga nagsampa ng kaso sa ICC.
Ang Rise Up ay isang network ng mga taong-simbahan at mga pamilya ng mga biktima ng mga pamamaslang dulot ng gera kontra droga na nananawagan ng katarungan at tunay na solusyon sa problema sa droga at kahirapan sa bansa.
Isinampa nila ang Communication and Complaint sa Office of the Prosecutor ng ICC sa ilalim ng Article 7 paragraph 8 ng Rome Statute kung saan miyembro ang Pilipinas nitong Agosto 28. Ayon sa NUPL, sinampahan nila si Duterte dahil hindi umano siya kayang panagutin ng korte sa Pilipinas dahil sa immunity nito bilang presidente at sa mga kaso.
Bagamat ninanais kumalas ng Pilipinas sa Rome Statute nitong Marso 16, aabutin pa ng isang taon bago tuluyang matanggal dito ang bansa ayon sa Article 1 paragraph 27 nito.
Mula nang manalo si Duterte bilang Pangulo noong 2016, nasa 4,410 na ang napaslang sa lehitimong operasyon ng Pulisya ayon sa Philippine National Police. Pero, ayon sa Rise Up, aabot sa 23,000 ang kabuuang bilang ng mga napaslang (kasama ang mga biktima ng sinasabing death squads) sa war-on-drugs sa ilalim ng Oplan Double Barrel ng administrasyong Duterte.
Ayon kay Colmenares, malinaw sa mga naging pahayag ni Duterte na siya mismo ang nag-utos sa pamamaslang upang sugpuin ang problema sa droga mula pa noong kumakandidato pa lamang ito bilang presidente noong 2016.
“Nang manalo si Duterte, muli niyang binigyan-diin ang mga polisiyang ito sa iba’t ibang media sa maraming beses. Ang aming alegasyon dito ay direkta niyang inutos ito,” ani Colmenares.
Isa pa sa ipinunto ni Colmenares, iisang disenyo umano ang modus operandi ng pamamaslang at sistematiko sa buong Pilipinas. Karaniwan sa mga kaso ang pagpasok ng mga pulis sa mga bahay tapos sasabihing ‘nanlaban’ ang mga ito. Sa mga extra-judicial killings, sinasabing unidentified o di makilala ang mga suspek. Pero may mga direkta umanong ebidensiya ang NUPL na nagsasabing mga pulis umano ang nasa likod ng mga ito.
Dagdag pa niya, nangyayari ang mga krimen na walang takot na kahit sa umaga o tanghali at sa harap ng maraming testigo. Maging si Duterte, hindi kailanman kinondena ang mga pamamaslang na ito at sinasabi pang poproteksiyunan ang mga pulis sa kanilang “trabaho.”
“Kasama din sa mga reklamo ang malawakan, libu-libong ilegal na searches na pinasok ang mga bahay. Hindi pa nangyari sa kasaysayan ang Pilipinas ang ganito karaming ilegal na paghahalughog. Maliban sa illegal searches ay illegal arrests. Wala ka lang damit pantaas, huhulihan ka na,” ani Colmenares.
Para sa hustisya
“Kami po ay nangangarap lagi ng pagbabago na matulungan kami ng namumuno sa bayan. Pero ang nangyari po ay kabaligtaran. Hindi po tulong ang aking natanggap kundi lungkot at nangungulila dahil sa pinatay nila kahit nagmamakaawa na ang aming mga anak. Walang napaparusahan,” ani Dennis.
Bagamat may takot at limitadong kakayanan, determinado ang mga biktima na gawin ang lahat ng paraan at larangan para makamit ang hustiya.
Kasabay ng iniwang babala ng grupo kay Duterte at sa PNP sa lumalaking pananagutan ng mga ito sa mamamayan, nanawagan sila sa mamamayang Pilipino at kaya nilang nagsusulong ng karapatang pantao sa ibang bansa na makiisa sa mga pamilya at suportahan ang kanilang laban sa paghahanap ng katarungan.