Iyan sa itaas ang katagang sinabi raw ng brodkaster at host na si Ariel Ureta sa ere noong Martial Law ng diktador na si Ferdinand Marcos noong dekada 1970. Paglalaro umano ito mula sa islogan ng Martial Law na “Sa ikauunlad ng bayan, disiplina ang kailangan.” Dahil sa birong ito, ayon sa kuwentu-kuwento sa panahong wala pang social media, pinakulong ng diktador si Ureta at pinagbisikleta raw bilang parusa.
Siyempre, sabi ni Ureta sa isang panayam noong 2019, hindi ito totoo. Hindi niya sinabi ang katagang iyan sa ere, at hindi siya naparusahan dahil dun. Kinuwento niya ito sa isang kapwa brodkaster sa GMA-7 (nasa programang Twelve O’Clock High siya sa ABS-CBN bago pinasara ni Marcos ang huli nang ideklara ang batas militar). Kuwento niya, may batang nagkamali raw sa islogan ni Marcos. Iyung “disiplina” ginawang “bisikleta.” Kumalat ito, hanggang umabot sa Makalanyang, na aniya’y nairita sa biro kaya nagpakalat din ng fake news na kinulong daw nila si Ureta at pinarusahan ng pagbibisikleta — para magtanim ng takot sa mga tao na huwag gawing biro ang diktador at ang islogan niya.
* * *
Parang bumabalik tayo sa sitwasyong ito, hindi ba? Puwersahang tinanggal muli sa ere ang ABS-CBN. Mistulang batas militar ang nilagdaan ni Pangulong Duterte na Anti-Terrorism Act of 2020. Host pa rin si Ureta sa isang programa sa Dos. At ginagamit ang coronavirus disease-2019 (Covid-19) para idikdik ang ayon sa gobyerno’y disiplinang gusto nito — huwag umangal at sumunod na lang sa mga pulis, militar at awtoridad. Parang gulong ng bisikleta na paikot lang ang kasaysayan.
Sa totoo lang, hindi na nga disiplina ang kailangan. Bisikleta nga. Dahil sa pagbabawal ng gobyerno sa mayor na mga pampublikong transportasyon sa panahon ng general community quarantine (GCQ), biglang umusbong ang pagbibisikleta bilang mayor na porma ng transportasyon ng mga manggagawa patungo ng trabaho. Di uunlad ang bayan sa pagbibisikleta, pero kahit papaano’y maitatawid ang pangangailangan ng mga manggagawa sa transportasyon.
Tila naobliga ang National Task Force on Covid-19 at Metro Manila Development Authority (MMDA) na sa salita’y suportahan ang pagbibisikleta ng mga manggagawa. Pero bukod sa makipot at walang-proteksiyong “bike lane” daw sa EDSA na ginawa nito (hindi pa buong EDSA), walang malinaw na plano para sa imprastraktura na magsusuporta sa pagbibisikleta ang gobyerno. Kahit kaunting proteksiyon sa bike lanes ng EDSA, wala. Pana-panahon ang balita ng aksidente ng mga siklistang manggagawa sa EDSA. At iyung grupo pa ng mga bike advocates na gumawa ng sariling DIY imprastraktura sa Commonwealth Avenue, pinagbantaan pa ng MMDA na kakasuhan o pagbabayarin.
Noong nakaraang linggo, isang balita ang nagbigay-lawaran sa kung ano ang aktitud ng gobyerno sa pandemya at pagbibisikleta. Nabalita noon ang paghuli sa isa pang brodkaster at mamamahayag na si Howie Severino dahil saglit niyang binaba ang kanyang face mask para uminom matapos ang pagbibisikleta. Matapos mahuli, pinadalo siya sa isang seminar hinggil sa Covid-19 — ang mismong sakit na dinanas at nalampasan na niya noong Marso. Nanghuhuli ang mga pulis at awtoridad sa ngalan ng paglaban sa sakit — kahit pa hindi nito ginagawa ang matagal nang panawagang libreng mass testing sa populasyon na sinasabi ng mga eksperto na unang hakbang para masugpo ang Covid-19.
May ordinansa raw kasi sa Quezon City na bawal ang walang face mask. Sa parehong lungsod, sa mga nagbibisikleta — mga nagdidiskarte ng sariling transportasyon kasi ipinagkait sa kanila ang mga jeepney — pinagbabawal na rin ngayon ang walang helmet. Multa hanggang kulong ang parusa, katulad ng di-pagsuot ng mask. Tulad ng pagpapaubaya (o pagpapabaya?) ng gobyerno sa mga Pilipino na tugunan ang pandemya (“mag-mask kayo, manatili sa bahay, magkuwarantina”), ganun din ang aktitud nito sa mga manggagawang nagbibisikleta. Parang sinasabi: Kayo lang, hindi ang gobyerno, ang may responsabilidad na harapin ang pandemya. Ang tungkulin lang ng gobyerno, manita at manghuli.
* * *
Sa totoo lang, dapat naman talagang suportahan ang pagbibisikleta bilang isang moda ng transportasyon sa bansa. Sa maraming pag-aaral ng mga urban planner at eksperto sa transportasyon, sinasabing mahalagang bahagi ang pagbibisikleta sa dapat sana’y pagpaplano ng gobyerno sa mga lungsod para maging mas maka-kalikasan at mabawasan ang carbon emissions. Papainit na ang mundo, may climate change, at malaking bahagi sa paglaban dito ang pagtungo sa mga moda ng transportasyon na di naglalabas ng maruming usok (tulad ng mga kotse) o kaya’y nagbabawas ng usok, sa kalikasan.
Siyempre, bahagi ng sinasabing “intermodality” ng isang tunay na maka-kalikasan, episyente at abot-kayang mass transport sa bansa. Isipin mo: Nakatira ka sa Rizal o Cavite. May pampublikong tren (di tulad ng LRT o MRT na pinatatakbo at pinagkakakitaan ng malalaking dayuhang kompanya) na masasakyan mula rito hanggang EDSA. Dala mo ang folding bike mo. Mula sa estasyon ng tren sa EDSA, maaari kang mag-bike papunta sa lugar-trabaho. O kung walang bike o di kaya magbisikleta, may rapid bus transit (na pampubliko at di pribado) na maaaring masakyan papuntang trabaho. Bilang polisiya, hinihikayat dapat ng gobyerno na huwag nang gumamit ng pribadong sasakyan tulad ng kotse. Siyempre, mahihikayat lang ang private car owners na huwag gamitin ang sasakyan nila kung episyente o mabilis, malinis at abot-kaya ang intermodal na pampublikong transportasyon.
Sa mga lungsod tulad ng Los Angeles sa California, USA, at Beijing sa China, at siyempre, Kamaynilaan, malaking problema ang trapiko. Tinuturo ng maraming pag-aaral na ang paglaganap ng pribadong sasakyan ang dahilan ng trapikong ito. Kung may imprastraktura para sa pampublikong transportasyon ang lungsod at bansa (tulad halimbawa ng Amsterdam sa The Netherlands o Copenhagen sa Denmark na tinaguriang mga “Mecca” ng pagbibisikleta), tiyak na walang trapiko. Gaganda ang kalidad ng hangin sa mga lungsod na ito (LA, Beijing at Manila ang ilan sa may pinakamalupit na polusyon sa hangin).
Mahalagang bahagi nga ang pagbibisikleta sa pagpapaunlad sa kalidad ng buhay ng mga tao sa lungsod. Siyempre, maisasakatuparan lang ang magandang mass transport sa bansa kung maganda ang ekonomiya, hindi lang ng iilang elite at dayuhan sa bansa, kundi ng mayorya, lalo na ng manggagawa. Nangangailangan ng tunay na repormang agraryo na magpapalaya sa mga magsasaka para mapaunlad ang kanayunan. Kailangan ng pambansang industriyalisasyon na magpapaunlad sa batayang mga industriya na kailangan ng bansa para mapaunlad ang mga imprastraktura at serbisyo-publiko, at mabigyan sapat at nakabubuhay na trabaho ang mga manggagawang Pilipino. Kasama sa industriyalisasyon ang pagdebelop ng industriya ng bisikleta, na dapat ay may suporta ng gobyerno.
Lahat nang ito, pangarap pa lang na ipinaglalaban ng mga progresibo. Samantala, araw-araw, makikita ang laksa-laksang manggagawa, nagbibisikleta, sinusuong ang trapiko at panganib ng mga kalsada ng Kamaynilaan, para lang makapagtrabaho at makakuha ng kakarampot-na-ngang suweldo. Hindi biro ang gumising ng alas-tres ng umaga, umalis sa bahay sa Rizal, Laguna o Cavite nang alas-kuwatro, magbisikleta hanggang makarating sa lugar-trabaho sa Kamaynilaan. Disiplina iyun ng manggagawa. Kailangan nilang gawin ito dahil walang silbi sa kanila ang gobyerno — panahon man ng naunang diktador o ng bagong usbong.
Disiplina nga ba ang kailangan? Mayroon na tayo niyan. Sa ikauunlad ng bayan? Rebolusyon ang kailangan.