Sa krisis sa ekonomiya, #MayMagagawa

0
197
Mula sa Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)

Sa pagtatapos ng taong 2018, lalong lumala ang krisis sa ekonomiya. Pinakamataas ang inflation sa loob ng isang dekada. Dumami ang nakakaranas ng gutom at nagsasabi na sila ay mahirap. Hirap ang tao na makahanap ng murang bigas. Humihina ang palitan ng piso kontra dolyar. Lumalaki ang depisito sa kalakalan. Bumabagal na ang ipinagmamalaking “pag-unlad” sa Gross Domestic Product (GDP). Kakarampot naman ang umento sa sahod na ibinigay sa mga manggagawa.

Bagama’t humupa ang inflation sa huling kuwarto ng 2018, sinalubong naman ng mas mataas na buwis sa produktong petrolyo ang mga konsiyumer. Gayundin, halos lingguhan ang pagtatas ng presyo ng langis mula Enero hanggang Pebrero. Nanganganib na pumalo uli ang inflation.

Pinirmahan na rin ni Pangulong Duterte ang Rice Tariffication Law na nagluluwag sa pag-aangkat ng bigas, para diumano pababain ang presyo ng bigas, pero makasisira naman sa lokal na agrikultura. Wala ring katiyakan na kapag kontrolado na ng pribadong interes ang pag-import at pagbenta ng bigas ay bababa ang presyo nito sa mga lokal na pamilihan.

Madalas sabihin ng pamahalaan, lalo na ni Duterte, na wala tayong magagawa sa nagtataasang presyo ng mga bilihin. Sadyang hindi raw tayo nabiyayaan ng kalikasan sa langis. Sadyang kailangan daw nating mag-angkat ng langis at pati na rin bigas at iba pang pangangailangan. Obligado raw tayong itaas ang buwis para pondohan ang mga proyekto ng gobyerno.

Ang masaklap pa, ang mga sektor na kumikilos laban sa kahirapan, gutom at pambubusabos ay lalo pang ginigipit at sinusupil. Totoo nga bang wala tayong magagawa? Sadya bang nakapako na tayo sa kahirapan? Pagsang-ayon sa gobyerno at pagtitiis na lang ba ang tanging pagpipilian?

May magagawa

Ang mga problema natin sa ekonomiya ay nakaugat sa mga patakaran at sistema ng ekonomiya. At gaya ng maraming bagay, ang mga patakaran ay maaring palitan batay sa ano ang pangangailangan ng mga mamamayan, kapag ang mga namumuno ay daladala ang interes ng nakararami. Sa kongkreto, maaaring tugunan ang nagtataasang presyo sa pamamagitan ng mga sumusunod:

  1. Bawasan ang pabigat sa mga mamamayan. Tanggalin ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (Train) Law at dagdag na mga buwis na pahirap sa mga mamamayan. Una na rito ang excise tax sa langis. Pag-aralan din ang pagtanggal o pagbawas sa Value-Added Tax (VAT) sa panahong nagtataasan ang presyo ng langis. Pag-aralan ang pagpataw ng windfall tax sa mga kompanya ng langis na sobra-sobra ang kita.
  2. Mura at sapat na suplay ng pagkain. Lagyan ng ceiling ang presyo ng pangunahing mga bilihin. Labanan ang mga nagsasamantala sa presyo, halimbawa ang rice cartel na nagmamanipula ng suplay at presyo ng bigas. Ibasura ang Rice Tariffication Law at paunlarin ang lokal na agrikultura. Lakihan ang binibiling bigas ng National Food Authority (NFA) mula sa lokal na mga magsasaka at tiyakin ang suplay nito sa mga merkado. Bigyang prayoridad ito kaysa sa malawakang importasyon ng bigas para matiyak ang murang bigas sa merkado habang suportado ang mga magsasaka na nagtatanim ng palay
  3. Serbisyo, hindi negosyo. Itigil ang mga planong pagtaas ng singil sa tubig at pamasahe ng LRT. Itigil ang pagsasapribado ng public utilities upang hindi ito pagkakitaan ng pribadong mga kompanya. Tanggalin ang mga hindi makatwirang bayarin sa singil sa kuryente. Itigil ang pagbabayad ng maanomalyang mga utang.
  4. Regular na trabaho, nakabubuhay na sahod. Kagyat na regularisasyon at direct hiring ng mga manggagawang nagtatrabahong mahigit anim na buwan na gumagampan sa mga trabahong esensiyal sa produksiyon. Pagpasa ng batas para sa P750 pambansang minimum na sahod.
  5. Itigil ang korupsiyon. Alisin ang nakatagong pork barrel sa Kongreso at Ehekutibo, at habulin ang mga kurap at malalaking tax-evaders upang matiyak ang koleksiyon ng kita ng gobyerno at ilaan ito sa mahahalagang serbisyo publiko. Lalo pa’t panahon ng krisis, napakalaking krimen ang pagwawaldas ng pondong publiko na dapat sana’y magagamit ng bulnerableng mga sektor.

* * *

Pero hindi dapat tumigil dito. Mas malalim at pundamental ang problema ng ekonomiya. Upang malutas ang krisis, kailangan ng pagbabago sa kabuuang direksyon at programang pang-ekonomiya. Kailangan ng makabayang programa sa ekonomiya.

  1. Bigyang prayoridad ang pagpapalakas ng agrikultura bilang economic base, pagkukunan ng kabuhayan ng nakararaming Pilipino at tagapagtiyak ng suplay ng pagkain ng bansa. Nakaangkla ito sa seryosong pagpapatupad ng reporma sa lupa.
  2. Simulan ang programa para sa pambansang industriyalisasyon na may layong tugunan ang batayang mga pangangailangan ng bansa, lumikha ng trabaho at bawasan ang pag-asa sa imported na produkto. Gawing prayoridad ng gobyerno ang pagpapalakas sa lokal na industriya. Bigyang ng pansin ang pagmamanupaktura para sa lokal na pangangailangan. Gamitin nang tama ang likas yaman ng bansa para sa pagpapaunlad ng ekonomiya sa halip na pang-eksport o pangangailangan ng pandaigdigang pamilihan.
  3. Magpatupad ng progresibong patakaran sa pagbubuwis kung saan hindi sa karaniwang tao, higit lalo sa mahihirap, nakapasa ang mabigat na tax burden sa pamamagitan ng indirect taxes tulad ng VAT.
  4. Palitan ang economic managers na sunud-sunuran sa dayuhang interes ng mga makabayan na magtataguyod ng makabayan at maka-mamamayang patakaran sa ekonomiya.

* * *

Kung may malakas na tulak mula sa mga mamamayan, maaaring ipatupad ng gobyerno ang mga pagbabagong ito. Dapat ding gawing election issue ang krisis sa ekonomiya, at hamunin ang mga kumakandidato na ilahad ang tindig nila sa usapin. Huwag tayong pumayag sa sagot na “wala tayong magagawa”. Kailangan ng agaran at pangmatagalang aksiyon sa mga problema ng bayan. #MayMagagawa para ibsan ang krisis, kung babaguhin lang ang pananaw sa ekonomiya at paglilingkurin ito sa interes ng mas nakararami. #MayMagagawa kung mamamayan, hindi mga dayuhan at iilan, ang uunahin ng pamahalaan.

#MayMagagawa kung magtitiwala sa kakayanan ng mga Pilipino na tumayo sa sariling paa at hindi palagiang nakaasa sa mga dayuhan.