May dalawang taon na lang ang administrasyong Duterte. Subalit tila wala itong balak na lisanin ang poder. Sa nagdaang apat na taon, inasikaso nito ang pagpapayaman ng mga dayuhang mamumuhunan at mga oligarkiya sa ekonomiya, kasama na rin ang sirkulo ng pangulo, gayundin ang pagpapatibay ng kamay-na-bakal sa pamumuno.
Lalo pang namalas ang ganitong direksyon ng gobyernong Duterte sa kung paano nito hinarap ang COVID-19. Tumampok ang maka-dayuhan, maka-negosyo, awtoritaryan at pansariling tunguhin ng kanyang rehimen sa gitna ng pinakamalalang krisis na kinakaharap ng bansa. Tahasan ding ginamit ng gobyerno ang pandemya upang ipagtulakan ang mga batas at patakaran na magsisilbi pa sa kanyang mga layunin.
Malubha ang krisis pang-ekonomiya at ang malawakang ligalig na dulot nito. Lalo lang itong sinasalubong ng administrasyong Duterte ng higit pang panlililang, panunupil at kontrol upang manatili. Lalo lang din lalala ang panlipunang krisis, at ito mismo ang magsisilbing hadlang sa balakin ni Duterte at ng kanyang pangkatin na maghari sa mahabang panahon.