Sa ngalan ng tubig

0
327

Ang tubig ay buhay, tulad ng pag-agos nito sa iba’t ibang anyong tubig, ng pagdaloy nito sa ating katawan. Sabi nga nila, mawalan na ng kuryente ‘wag lang ng tubig”.

Sa panahong nararanasan ang kawalan ng tubig sa ilang mga lugar sa Pilipinas, hindi maitatanggi ang realidad ng lipunan na puno ng problema na tila walang makapitan at pag-asa na pinagmumulan ng kawalan ng pag-aari ng mamamayan sa sariling likas na yaman ng bayan.

Ang kasalukuyang kalagayan sa tubig ay tulad nang nangyari sa isyu ng bigas, nagkaroon ng rice shortage at ilang buwan lamang ang nakalipas, nagkaroon ng rice tarrification law na mas lalong papatay sa kabuhayan ng uring magsasaka.

Sa nangyayaring kawalan ng tubig ay ang nagsusulputang proyektong iniaalok na pautang ng mga pribado at multinasyonal na kumpanya mula sa ibang bansa lalo ng Tsina para sa paglikha ng bagong dam. Isang solusyon na lumilikha na panibagong problema sapagka’t maaaring makasira sa kalikasan at magpalayas sa libu-libong mga katutubo mula sa kanilang lupang ninuno. Maaaring gamitin ang diumano’y water shortage bilang katwiran upang ituloy ang anti-mamamayan at makadayuhang proyekto.

Isang solusyon—ang pribatisasyon—na inalok na sa atin sa krisis sa tubig tatlong dekada ang nakaraan at ngayo’y tumatambad na wala rin namang tunay na nasolusyunan. Dahil umano hindi episyente ang paggana ng gobyerno, kailangang mga pribadong kumpanya ang magpatakbo ng pagdadala ng tubig sa mga kabahayan—isang batayang serbisyo at pampublikong utilidad na dapat gobyerno ang mamahala upang matiyak ang abot-kayang presyo at kalidad ng serbisyo. Ngayon, negosyo hindi serbisyo ang patubig sa Metro Manila at kalakhan ng bansa; tubo, hindi tao, ang inuuna ng mga negosyong ito.

Ang krisis sa tubig ay problemang dulot ng pribatisasyon.

Sa konteksto ng Pilipinas, monopolyo ng mga pribadong pagmamay-ari o malalaking pribadong kumpanya ang access at kontrol sa pinagmumulan ng tubig. Kung totoo man ang kakulangan sa tubig (water shortage) dahil sa El Niño, binibigyang prayoridad ng mga kumpanyang may kontrol tulad ng Manila Water at Maynilad ang malalaking konsyumer tulad ng mga mayayamang negosyante at ang kanilang negosyo kumpara sa pagbibigay serbisyo sa mga ordinaryong konsyumer.  Hindi rin maitatanggi na ang mga may kontrol sa negosyo ng tubig ay lumilikha ng artipisyal na krisis upang mas higit na makontrol ang access at tuluyang kakuntsaba ng pamahalaan sa kanilang makasariling polisiya. Ilang ulit na rin sinasabi ng ahensya ng gobyerno sa tubig, ang Manila Waterworks and Sewerage System na walang kakulangan sa tubig—ngunit may hatian na 60-40 sa dalawang pribadong kumpanya sa mga tubig na kinukuha nito sa mga mga dam at imbakan ng tubig at dinadala sa mga kabahayan at maaaring hindi absoluto ang hatian sa panahon na mas mataas ang demand sa isang panig.

Samantala, sa paghahanap ng higit pakinabang ng mga pribadong korporasyon, ang mga ordinaryong mamamayan naman ay pinagdurusa bukod sa binibigyan ng kawalang pag-asa at desperasyon upang mapapayag lang sa anumang panibagong solusyong inaalok.

Noon pa nararanasan ang problema sa tubig, hindi lang sa Metro Manila, kundi sa buong bansa. Marami pa ring mga sitio at liblib na lugar sa mga probinsya at maging sa ilang bahagi ng mga siyudad ang kawalang aksesibilidad sa malinis at maayos na sistema ng patubig. Ang ganitong kalagayan ay nagdudulot atrasadong pamumuhay at kabuhayan at pagkakait sa karapatang mamuhay nang marangal.

Ang isyu sa tubig ay isyu ng buhay. Karugtong ng kawalang tubig ang pagkasira sa sistema ng pamumuhay ng isang indibidwal. Manipestasyon din ng kawalang tubig ang bulok na pamamahala ng gobyerno, dahil kahit ang pinakabatayang pangangailangan ng kanyang mamamayan ay hindi maipagkaloob. Matagal nang nagbababala ang mga eksperto at ilang pag-aaral hinggil sa anila’y lumalalang problema sa tubig, laluna sa malinis na inu­ming tubig sa malaking bahagi ng bansa.

Sa pagkakataong ito, panahon na para gumawa ng kagyat na hakbang ang pamahalaan para sa komprehensibong pag-aaral na makamasa at siyentipikong pamamaraan upang hindi na maulit pa sa hinaharap ang matinding diumano’y kakulangan sa tubig. Dapat nang rebisahin ang mga polisiya na tumatapak sa mga batayang karapatan ng mamamayan na mabuhay nang may dignidad—kung ano na ang inabot na kasakiman ng pribatisasyon sa kasalukuyan. Dapat nang isabansa ang mga batayang serbisyo at pampublikong utilidad sa bansa upang tunay na makapagsilbi sa interes ng mamamayan.

The post Sa ngalan ng tubig appeared first on Manila Today.