Sa pagitan ng buhay at kamatayan

0
364

Pinaghinalaan. Pinagbintangan. Sa hukay ang hantungan.

Iyan ang kwento ng isang kapatid na nawalan ng kapatid sa North Cotabato. Ayon sa salaysay ni Jennilyn Baguio ng North Cotabato, isa sa mga lider ng Tinanaon Kulamanon Lumadnong Panaghiusa (TIKULPA) sa North Cotabato, isang organisasyon ng mga magsasaka, ang kanyang kapatid ay napagbintangan na kasapi ng New People’s Army.

Enero 12 ngayong taon nang kausapin ng kanilang barangay chairman ang kapatid ni Jennilyn at pinapasama sa batalyon upang sumuko at para matanggal ang pangalan sa mga inakusahang mayroong itinatagong baril.

Pagkatapos nito ay bumalik si Jennilyn sa barangay hall noong Enero 16 upang kumuha ng cedula at barangay clearance. Ngunit nagulat ito nang sabihing hindi siya bibigyan nito dahil utos ng military.

“Kasi sabi ng military na ayaw kaming bigyan ng cedula at barangay clearance kasi subjected kami na patayin.”

Inabisuhan siya ng isang barangay kagawad na umalis na dahil may mga military na pupunta kinagabihan para damputin siya. Samantalang ang kanyang kapatid naman ay nakatanggap ng isang text message na nagsasabing papatayin sila dahil sila daw ay mga tagasuporta ng New People’s Army.

Sumapit ang Enero 28. Tumawag ang kanyang kapatid sa ganap na alas otso ng umaga at sinabing magtungo sa isang barangay upang makapagbigay ito ng konting pera pambili ng bigas ng kanilang mga magulang. Nang tawagan niya ito noong alas diyes ng umaga ay hindi na ito sumasagot.

Nabalitaan na lamang niya na namatay na pala ito. Nagtamo siya ng 13 tama ng baril sa katawan at sa ulo.

“ ‘Yun pagka 10 am tumawag ako sa kanya. Hindi na sumagot kasi ‘yun na pala nangyari. Patay na siya. Sinundan siya ng dalawang nakamotorsiklo d’un malapit na sa barangay. D’un na siya binaril at thirteen na ano sa katawan niya at sa ulo. Gan’un ang nangyari sa kanya.”

Hindi pa dito natatapos ang pagpapasakit na naranansan ng pamilya nila Jennilyn. Maging ang kanyang ama na nai-stroke at nakahiga na lamang ay tinatanong nila tungkol sa mga armas na di-umano’y itinatago nila bilang mga pinaghihinalaang tagasuporta ng New People’s Army.

“Tinatanong nila ‘yung papa ko kaya kahit nakahiga na tinatanong kung saan ‘yung mga baril, saan nakalagay ‘yung baril, saan inilibing ‘yung baril kasi d’un sila nakatira sa bahay.”

Ang mga bahay na iniiwan ng mga tao ay tinitirhan ng mga sundalo. At iniipit nila ang mga taong natira pa sa bahay na tinutuluyan nila.

“Kasi ‘yun nga n’ung nangyari ‘yung August nangyari ‘yung nag-operasyon ‘yung Third IB (Infantry Batallion). D’un pa nga sila tumira sa bahay.”

“Kaya ‘yung mga kapatid ko tumawag ng ano, tumawag siya naghingi sa barangay captain namin na puntahan niyo naman kami dito kasi hindi kami makalabas dito. Kahit magpunta lang d’un sa tindahan magbili ng asin. Kasi sabi nila pumunta kayo d’un kasi magsumbong kayo sa mga NPA na nandito kami ganun ‘yung nangyari. “

Maging ang mga bata ay hindi ligtas sa panggigipit ng mga sundalo sa magsasaka. Ang mga anak ni Jennilyn ay isang buwan nang hindi pumapasok sa eskwelahan dahil sa martial law at tinatanong din ukol sa mga itinagong armas.

“Kahit ‘yun ngang ano eight years old atsaka five years old, three years old. Tinatanong nila saan nilibing ng mama niyo ‘yung baril kaya nga ‘yung mga bata akala nila ‘yung mga laruan. ‘Yung mga baril barilan ganun. Inilibing nila. “

Hindi nagtangkang magsumbong sa mga pulis sina Jennilyn dahil mismong ang mga pulis ay takot din.

“ Walang pulis na pumunta d’un kasi natakot din sila. Sabi nila natatakot din sila.”

Maging ang kabuhayan nina Jennilyn ay naapektuhan na. Hindi sila nakakapagtanim ng mga pananim dahil sa takot sa mga sundalo at takot na mapagbintangan na kasapi ng New People’s Army.

“Kasi kapag magpunta ka d’un talaga, nakita ka ng mga military, pinagsasabihan ka na. Pagbibintangan ka na NPA so ganun ang nangyari. Hindi talaga nakabubuti ‘yung martial law na nangyayari ngayon dito sa Mindanao. “

“Kahit nga ‘yung mga ano mga kabayo namin naiwan d’un, wala nang nag-aalaga. Ang sabi ko sa kapatid ko pumunta na lang kayo dito kasi ang buhay isa lang. ‘Yung mga pananim hindi naman makatulong sa atin lalo na ‘yung mga kalabaw kahit iwan niyo na lang d’un basta ‘yung mga buhay natin ma-safe lang. “

Sino ba ang tunay na kakampi? Sino na ang ating kaaway? Habang tumatagal ang martial law sa Mindanao ay mas lumalala ang mga pasakit na nararanasan ng mga tao rito. Ito ba ang pagbabago na sinasabi ni Duterte? Ito ba ang pagbabago na inihanda niya para sa atin?

Pinatay ang kapatid ni Jennilyn Baguio nang pinaghinalaan silang kasapi o tagasuporta ng New People’s Army. Larawan ni Sarah de Leon

The post Sa pagitan ng buhay at kamatayan appeared first on Manila Today.