Peste, gutom at militarisasyon. Ito ang mga problemang dinaranas ng mga magsasaka sa Silangang Bisayas sa kanilang mga sakahan.
Ang pananalanta ng mga ito ang nagtulak sa mga magsasaka sa pangunguna ng Samahan han Gudti nga Parag-uma – Sinirangan Bisayas (Sagupa), para bagtasin ang katubigan at magtungo sa kalunsuran upang irehistro sa rehimeng Duterte ang dinaranas na hirap sa kanilang lugar. Pebrero 22 nang dumaong sa National Capital Region ang mga magsasaka ng Silangang Bisayas.
Peste ang isa sa pangunahing pasanin ng mga magsasaka ng Sagupa. Anila, higit sa P140-Milyong pananim ang sinira ng mga peste na kung tawagi’y bacterial leaf blight (BLB) brown hoppers, cocolisap at black bug o “kumawkumaw” Simula pa taong 2016 ay pinepeste na nito ang malawak na palayan sa probinsiya ng Samar.
“Kapag umatake ang blight pest sa aming palayan, nagiging brown ang mga dahon ng palay at ang rice kernels, nagiging pulbos. Ang tanging natitira na lamang sa aming palay ay ipa,” ani Jun Berino, pangkalahatang kalihim ng Sagupa.
Mahirap sa mata ng isang magsasakang tignan na pinepeste ang kanilang palayan subalit mas mahirap sa kanilang pakiramdam nakikitang walang pakialam ang Estado. subalit nang kanilang irehistro ang problema nila sa pinesteng palayan sa Department of Agriculture (DA), pulis ang isinagot sa kanila ng gobyerno na siyang nagpalayas sa kanila.
Hindi lang peste at kawalang pake ng gobyerno ang pumatay sa kanilang pananim. Sinalanta sila ng maraming bagyo, mula sa bagyong Yolanda, Seniang, Ruben, Glenda, Nona hanggang bagyong Urduja.
Subalit ang ipinangako at napag-usapang milyun-milyong pondo sa mga biktima, hindi pa nararamdaman ng maraming nasalanta kabilang ang mga magsasaka.
Gutom sa mga mamamayan ng Silangan Bisayas ang naging resulta.
Militarisasyon
“Imbes na tulong at rehabilitasyon, militar ang ipinapadala sa amin,” kuwento ni Marissa Cabaljao, tagapagsalita ng People’s Surge. Katulad ng nangyayari sa maraming lugar sa Luzon at Mindanao, talamak din ang nangyayaring militarisasyon sa Kabisayaan.
Iba’t ibang klaseng paglabag sa karapatang pantao ang nagaganap dahil sa pagkampo ng militar sa Brgy. San Miguel, Las Navas, Northern Samar. Kinakampuhan ng 8th Infantry Division ng Philippine Army ang naturang lugar.
Aniya, kaya pinapadala ang mga militar sa kanilang lugar ay upang kamkamin ang kanilang mga lupa at kunin ang likas na yaman na mayroon ang Rehiyong VIII. Pero kanyang pinagdiinan na hindi sila papayag na makuha ang kanilang lupain at patuloy ang kanilang paglaban sa pagdepensa sa kanilang lupa at karapatan.
Dalawang linggong namalagi ang mga magsasaka ng Kabisayaan sa National Capital Region. Matapos ang protesta noong Marso 8, Pandaigdigang Araw ng Kababaihan, bumalik sila sa kanilang probinsiya ang mga pesante. Sa dalawang linggo, ipinakita nila sa sambayanan na ang pagtatanim ay hindi biro –hindi dahil sa maghapong pagkakayuko, kundi dahil sa pansariling interes ng mga nasa gobyerno at panginoong maylupa na pumepeste at sumasalanta sa kanilang mga pananim.