Sampung pinakamatinding kampanya para sa kalikasan (Part 2)

0
345

kalibutan

(Panghuli sa 2-bahaging Serye)

Ni CLEMENTE BAUTISTA
Kalibutan

MANILA — Inihahandog ng Kalikasan ang sampu sa pinakamahuhusay at matagumpay na pagkilos at pangkalikasang kampanyang isinagawa sa taong 2018. Ang listahan ay nagpapakita ng lakas ng kolektibong pagkilos upang ipagtanggol ang ating kalikasan at itaguyod ang ating karapatan para sa isang malinis, malusog, at mapangalagang kapaligiran.

Bibilib ka talaga sa mga Pinoy environmental defenders sa walang pagod at walang sawa nilang pagkilos. Ito ay sa kabila ng matinding kahirapan, lumalalang panganib para sa aktibismo, paglipana ng sandamakmak na buwitre at buwaya (pasingtabi sa mga tunay hayop) sa gobyerno ni Duterte, at tumitinding pakikialam ng mga dayuhan sa ating bansa.

Ito na ang huling lima sa sampu! [Pakibasa rin ang unang lima.]

6) Paglaban sa Oceanagold

Matampok ang paglaban sa Oceanagold sa pandaigdigang antas, isang kumpanya na may rekord ng pagsira sa kalikasan at paglabag sa karapatan ng mamamayan. Noong 2018, naghain ng kaso laban sa Oceanagold ang mga makakalikasan sa United Nations Special Procedures mechanism. Hinggil ito kanilang mga paglabag sa karapatang pantao na may kinalaman kanilang operasyon ng pagmimina.

Sa kasalukuyan nasa ilalim ng isang suspension order mula sa DENR ang kumpanya at kanila itong inaapela.

Lumaya na rin ang natitirang nasa piitan na kabilang sa Kasibu 5 na si Vicente Ollagon matapos ang isang taon ng pagkakakulong. Siya kabilang ang iba pa ay mga aktibong lumalaban sa operasyon ng pagmimina sa Kasibu, Nueva Vizcaya na inaresto at sinampahan ng gawa-gawang kaso.

Inaasahan na mas titindi pa ang panawagan na ipasara ang Oceanagold ngayon 2019 dahil  ito ang taon kung kailan magtatapos ang kontrata ng kumpanya at hihiling ng pagpapahaba pa.

Kailangang mas matibay ang pagkakaisa ng mga mamamayang katutubo, magsasaka, manggagawang minero at propesyunal upang mapalayas na ang OceanaGold sa Nueva Vizcaya.

7) Kampanya laban sa New Centennial Dam

Kasabay ng pagbuhay ni Duterte ng mapanirang proyektong New Centennial Water Source o kilala ring Kaliwa-Kanan dam, ang pagbuhay ng kampanya ng mamayan laban dito. Sisira sa kagubatan ng Sierra Madre, magpapalayas sa mga mamamayan at magbabaha sa mga komunidad kapag natuloy ang  proyektong ito.

Binuo ang isang koalisyon laban Kaliwa-kanan dam na tinawag na Network Opposed to Laiban Dam. Kasama rito ang mga katutubo, propesyunal, taong-simbahan, komunidad na tatamaan ng proyekto, at iba pang mga organisasyon.

Network Opposed to NCWSP
At the launch of Network Opposed to New Centennial Water Source Project, women and other supporters mark their vow to oppose the new dam projects. (Photo by M. Salamat / Bulatlat)

Nagsagawa ng  pagkilos ang Network Opposed to Laiban Dam noong bumisita si Chinese President Xi Jin Ping sa bansa. Ipinanawagan ng alyansa ang pagtutol sa proyektong ito na popondohan ng utang mula sa Tsina na nagkakahalaga ng 18.724 bilyong piso.

8) Defend Daguma Range

Naglabas ng desisyon ang Commission on Human Rights (CHR) na nagdidiin sa dalawang opisyal ng Philippine Army na sina Lt. Col. Harold Cabunoc, kumander ng 33rd Infantry Battalion (IB) sa probinsya ng Sultan Kudarat at Lt. Col. Benjamin Leander,  dating kumander ng 7th sa South Cotabato sa pagmasaker sa walong (8)  katutubong T’boli Manobo noong 2017.

Ang mga katutubong ito ay matagumpay na nakapag-okupa sa lupain na nasasakupan ng plantasyon at minahan ng DMCI. Ang konsensiyon ng minahan at plantasyong ito ng DMCI ay nasa Daguma range, isa sa mga bulubundukin sa Mindanao na nananatiling may mataas na biodiversity.

9) Save Taliptip

Pinatunayan ng mga Bulakenyo ang kanilang tapang at pagmamahal sa kalikasan sa papamagitan ng pagprotekta sa Bgy. Taliptip   Bulakan, Bulacan. Ito ay bahagi ng lugar  kung saan binabalak na itayo ang proyektong Aerotropolis ng San Miguel Corporation. Ang Aerotropolis ay isang proyektong reklamasyon na tatabon sa 2,500 na ektarya ng mangrove at magpapalayas sa libong pamilyang sa Manila Bay upang magtayo ng isang paliparan.

No to Bulacan Aerotropolis

Dahil dito nagkaisa at itinayo nila Alyansa para sa Pagtatanggol ng Kabuhayan, Paninirahan at Kalikasan sa Manila Bay o AKAP KA-Manila Bay. Naglunsad sila ng serye ng mga pagkilos at isa na rito ang 1 Million signature for the future campaign: No to Manila Bay Reclamation, No to Bulacan Aerotropolis.

Para lumahok sa kampanyang petisyon, i-click ito.

10) Pagtutol sa Okada Balloon Drop

Bago matapos ang 2018, tumampok online na kampanyang tumututol sa Balloon Drop event ng Okada Manila. Binatikos ng mga netizens ang tangkang ng Guiness World Record sa pinakamaraming papakawalang lobo (130,000 piraso)  sa isang balloon drop event bilang pagsalubong sa 2019. Matindi ang batikos na inabot ng Okada dahil sa paggigiit nito noong una na ituloy ang nasabing aktibidad. Ngunit dahil na rin sa pressure ng netizens, naglabas ang DENR ng pahayag na naghihikayat sa Okada na ikansela ang event. Kalaunay, umatras ang Okada at kinansela nila ang nasabing aktibidad.

2019, mas maraming tagumpay!

Ngayong taon inaasahan ang matinding laban na kakaharapin ng maka-kalikasan at mamamayan dahil sa agresibong pagtutulak ng gobyerno ng mga mapanirang proyekto. Malaki ang maiaambag ng publiko upang depensahan ang ating likas na yaman laban sa pandarambong at pagkasira. Umaasa tayo ng mas mahabang mga listahan ng tagumpay ngayong 2019.

Clemente Bautista is the national coordinator of the Kalikasan People’s Network for the Environment in the Philippines, as well as International Network Coordinator for Kalikasan. For comments, email him at [email protected].
(http://bulatlat.com)

The post Sampung pinakamatinding kampanya para sa kalikasan (Part 2) appeared first on Bulatlat.