“Daig pa ang kapeng 3-in-1, 5-in-1 siya.”
Pagbibiro ni Kathryn, isang 25 anyos na kabataang kababaihan na apat na taon nang kasapi ng Bagong Hukbong Bayan, nang tanungin siya kung ano ang kanilang samahan. Binubuo raw ng gawaing produksyon, medikal, pandigma, kultural at propaganda ang hukbo.
Namulat siya sa kalagayan ng mga kabataan dahil sa isa sa mga mayor na usapin sa edukasyon, ito ay ang hindi makatarungang matrikula sa ilan sa mga unibersidad. Ito nga ay isa sa mga naging problema ni Kathryn kaya napilitan siyang tumigil sa pag-aaral.
Magmula doon ay unti-unti na niyang nalalaman ang kapabayaan ng gobyerno sa mga kabataan kaya sila napapariwara, mas napabubulok ng bulok na lipunan. Ang kapabayaan ng gobyerno sa mamamayan naman, kapalit ang pakinabang ng mamamayan at iilan, nagdudulot ng malawakang pagdurusa, kagutuman, maging kamatayan. Naging malinaw sa kanya ang pangangailangang baguhin ang lipunan, at hindi lamang maghanap ng pansariling kaginhawaan.
Mensahe niya sa kabataan na gamitin ang mga matutunan sa pamantasan upang maibalik ito sa bayan. Punong-puno raw sila ng enerhiya na lubos na kinakailangan upang mapaglingkuran ang sambayanan, lalo na ang masang api. Ito raw ang tamang panahon para sa kanila upang maging bahagi ng rebolusyunaryong kilusan. Nag-iwan din siya ng katanungang, “Para kanino ka dapat kumilos?”
Para naman sa kapwa niya kababaihan, nais niya ring makilala ang papel ng mga ito sa lipunan at rebolusyon. Dapat daw ay kumilos din sila at mapatunayang kaya rin nilang humawak ng armas at magtanggol ng masa.
Sapagkat masa raw ang pinakasandigan ng rebolusyon. Kahit gaano pa raw kahirap ang sakripisyo nila, masaya naman daw sila dahil napaglilingkuran nila ang masa.
Hinding-hindi rin daw sila magpapagapi sa rehimeng US-Duterte na lalong nagpapalayo sa agwat ng mahirap at mayaman. Lalo raw lumalakas ang partido dahil sa mga patuloy na sumasapi at sa kagustuhan ng mamamayan ng tunay na pagbabago.