Silip sa buhay ng kababaihang manggagawa ng UniPak

0
307

Bagama’t maliit at napapaligiran ng pinaghalong tubig-baha at tubig-dagat, matayog ang kampuhan ng mga manggagawa ng Slord Development Corporation, tagagawa ng mga produktong UniPak.

Ang kampuhan ng mga manggagawa ng Slord Development Corp. Kuha ni JC Gilana.

Ang SLORD Development Corporation ay isang toll packing company sa Navotas. Ito ang nagpoproseso ng mga pagkaing-dagat na galing sa Korea at Japan at pati na ng mga produktong gulay upang maging de-latang pagkain.

Dumating kami bandang alas-1 nang hapon sa kampuhan sa tarangkahan ng Navotas Fishport Complex, saktong-sakto dahil mainit pa ang tinolang tahong na pinag-ambagan at niluto ng mga manggagawa para sa kanilang mga bisita. Ilang sandali lang matapos ang tanghalian, nagsimula na silang magbahagi ng kanilang buhay at pakikibaka sa UniPak.

Kuha ni Shawey Jasmaine Reyes

Malou, 55

May walo akong anak, iba sa kanila may mga asawa na at may kanya-kanya nang pamilya. Ngayon, may dalawa pa akong pinapaaral.

Noong una parang nakakaluwag-luwag pa ako dahil may trabaho ako. Sa ngayon, hirap talaga ako dahil wala na akong trabaho. Dalawampu’t pitong taon na ako dito nagtatrabaho pero wala man lang akong nakuhang benepisyo tapos isa pa ako sa mga natanggal.

Hindi pantay ang kinikita ng mga manggagawa sa Slord. Nakabatay ang kanilang sahod sa katayuan nila sa paggawa. Ang mga manggagawang regular ay tumatanggap ng P512, katumbas ng minimum wage na itinakda para sa Metro Manila. Tumatanggap rin sila ng mga benepisyo, libreng uniporme, at safety gear. Dahil may unyon sila, maluwag silang nakakapag-usap sa management.

Ang mga regular extra tulad nina Nanay Malou ay sumasahod ng P370 bawat 8 oras; ngunit hindi tulad ng regular, hindi sila binibigyan ng pay slip. Hindi rin sila iniisyuhan ng management ng company ID. Navotas Fishport Complex ID lang ang meron sila. Bago ang inspeksyon ng Department of Labor and Employment (DOLE) ngayong taon, P320 ang sinasahod nila bawat araw – P192 mas mababa kaysa sa minimum wage.

Tulad ng mga regular extra, parehong P370 ang sinasahod ng mga manggagawang casual sa kumpanya. Natatapos ang kanilang kontrata pagkatapos ng limang buwan at maghihintay sila ng tatlong buwan bago sila makapag-apply muli ng trabaho sa Slord. Kapag na-“endo” ang mga manggagawang casual, naghahanap sila ng iba pang mapapasukang pagawaan.

Ang isa pang klase ng manggagawa sa Slord ay ang mga extra. Sila ay tumatanggap ng arawang sahod na P350, o P280 bago ang inspeksyon ng DOLE. Kung ang unang tatlong klase ng manggagawa ay pumapasok sa trabaho ng 7:30 nang umaga, ang mga extra ay pumapasok nang madaling araw. Alas-tres pa lamang nang umaga, pumipila na sila sa tarangakahan ng pagawaan at magbabakasakaling kulang ang bilang ng mga manggagawang dumating at sila ang magsisilbing kapalit. Walang katiyakang makakapasok sila sa planta. Nakasalalay ang pagkain ng kanilang pamilya para sa araw na iyon sa pagiging absent ng kapwa nilang manggagawa.

Iba pa ang sistema ng pasahod sa cutting department. Imbes na arawan, pakyawan ang sahod nila o P23 bawat isang timba ng tambang nahihiwa. Nagdedepende pa ang kundisyon ng paggawa sa pagiging senior, junior, o extra ng cutter.

Sa tagal ng isinilbi nila sa kumpanya, ni isang beses ay hindi nila naranasan ang kaluwagan sa mga kundisyon sa paggawa. Hindi tinatakda ng batas ang pagbibigay ng mga benepisyo sa mga manggagawang kontraktwal, tulad ng double pay kapag pumapasok sila tuwing holiday. Kung tumatanggap man sila ng overtime pay, binabayaran lamang sila ng P57 bawat oras; umaabot ng apat hanggang limang oras ang overtime dahil sila pa ang naglilinis ng mga makina at paligid ng pagawaan.

Wala ring konsepto ng sick leave ang management ng kumpanya para sa mga hindi regular. At kapag naaksidente o nagkasakit man ang isang manggagawa, sariling sikap na lang dahil wala rin silang hinuhulugang Philhealth. Ganoon din para sa Social Security System (SSS) at Pag-ibig. Kuwento nila, may nakatatandang kasamahan siyang nadulas sa filling area habang naglilinis pagkatapos ang walong oras na trabaho. Bagama’t dinala siya ng management sa isang ospital sa Tondo, hindi na siya sinahuran para sa araw na iyon. Wala rin siyang natanggap na tulong-pinansyal para sa gamot o kabayaran para sa mga araw na hindi siya nakapasok.

Bukod sa mababang sahod at kawalan ng benepisyo, pasan pa ng mga manggagawa ang gastos para sa kanilang sombrero, face mask, apron, guwantes, at bota. Ang mga manggagawa rin ang umaamoy ng isda na lumalabas mula sa steamer upang matiyak nilang walang amoy ang isda. Ginagawa nila ito na walang goggles at iba pang kagamitan samantalang ang isda ay may formalin. Para raw makatipid, hinihingi nila ang mga pinaglumaang gamit ng mga regular. Libre kasing binibigay ng management ang kagamitang ito para sa mga regular.

Kuha ni Shawey Jasmaine Reyes

Sherly, 46

Sana pabalikin na lang nila kami tsaka kahit papaano manlang taasan din ang sweldo kahit kaunti lang. Kasi ang tagal-tagal na namin d’yan at wala kaming nakukuhang benepisyo. Ito na lang kasi ang trabahong inaasahan namin, eh may mga pamilya pa kami, may mga anak na pinag-aaral. Buti sana kung wala kaming mga pamilya.

Noong Mayo 12, nawalan ng hanapbuhay ang 44 manggagawa ng Slord. Isang araw bago no’n ay ibinaba sa kanila ang isang memorandum na pinapirma sa kanila pagkatapos maglunsad ng walkout ang mga manggagawa para sa naunang paabot hinggil sa compressed working work week. Malilimitahan na lang raw ang kanilang pasok sa tatlong araw mula sa anim. Imbes na Lunes hanggang Sabado, binago ng management ang kanilang iskedyul sa Lunes, Miyerkules, at Biyernes.

Bago ito, aktibo silang nangangampanya upang magkondukta ng inspeksyon ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa pagawaan sa paggigiit ng kanilang karapatang maging regular.

Karamihan ng mga manggagawa sa Slord ay kababaihan at ‘breadwinner’ ng pamilya. Ayon sa kanila, sinabihan ng management ng Slord ang mga kalapit-pagawaan ng produktong dagat na bawal ipasok sa trabaho ang mga natanggal na mga manggagawa nila. Sa ngayon, salitan ang kababaihan, kasama si Nanay Sherly, sa pagtitinda sa karinderya ng kaibigan.

Basahin: #UniPakCampout | Kalagayan ng mga manggagawang kontraktwal sa Uni-Pak Sardines

Salitan ang mga manggagawa tulad ni Nanay Sherly sa pagtitinda sa karinderyang malapit sa kanilang kampuhan. Kuha ni Erika Cruz.

Sa mga batas na nagpapahintulot ng kontraktwalisasyon sa Pilipinas, bukod sa ipinagbabawal ang pag-uunyon ay wala ring kapasidad ang mga manggagawang umugnay sa management; maglunsad ng welga; magtamasa ng maayos sa sahod at benepisyo; kumuha ng maternity o paid leave; at masiguro ang kaligtasan sa paggawa.

Dinadaing rin ng iba’t ibang grupo ang piniramahan ni Pangulong Duterte na Executive Order N0. 51 noong Mayo 1 dahil lalo raw lamang nitong paparamihin ang retrenchment, re-alignment, at re-hiring ng mga manggagawa sa pamamagitan ng third-party contracting agencies.

Kuha ni Shawey Jasmaine Reyes

Maribes, 51

Mininum wage ang hinihiling namin, ngunit hindi pa rin nangyayari. Ang tagal tagal na.

Sana hindi na lang din kame pina-ban sa [ibang pagawaan]. Lalo kaming pinahirapan maghanap-buhay. Ang hirap po kaya ng walang trabaho tapos pinag-aaral ko pa anak ko.

Sa kasalukuyan, inaabangan ng mga manggagawa ang sagot ng DOLE sa inihain nilang reklamo laban sa Slord. Nakakabalita rin sila sa mga kasamahan nilang hindi tinanggal na pinupuwersa ang mga manggagawang pumirma ng quit-claim document upang hindi na habulin ang laban nila sa back wages. Mayroon nang 21 pang dagdag na tinanggal ng kumpanya dahil hindi sila pumirma sa dokumento.

Kulang ang isang araw upang alamin nang buong-buo ang kuwento ng mga manggagawa sa UniPak. At hindi tulad ng endorser nito na si Kris Aquino, walang mapapanood o mababasang balita tungkol sa laban nila tungo sa regularisasyon. Gayunpaman, sa araw na iyon ay malinaw ang isang bagay: handa silang ipaglaban ang kanilang karapatan sa hanapbuhay, hindi lang para sa pamilya kundi para sa kapwa nilang manggagawa.

Mga manggagawa ng UniPak. Kuha ni Shawey Jasmaine Reyes.

The post Silip sa buhay ng kababaihang manggagawa ng UniPak appeared first on Manila Today.