Isinalang ang Endo o kontraktuwalisasyon sa isang masining na pagguhit ng mga artista sa pangunguna ng UGATLahi Artists Collective at Sining Bugkos sa pakikipagtulungan ng Defend Job Philippines, Kilusang Mayo Uno at Kilos Na! Manggagawa ang End ENDO.
Isang eksibit ang End ENDO na alay ng mga alagad ng sining sa manggagawang Pilipino sa gitna ng kanilang laban sa iba’t ibang uri ng kontraktuwalisasyon. Laman man ng balita ang tulad ng mga laban sa NutriAsia, Jollibee at iba pang kompanya, tila hindi pa rin tumatagos sa madla ang lagim ng mga masasamang dulot ng kontraktuwalisasyon.
Lalo na’t nasa uring manggagawa ang karamihan ng mga Pilipino, sinisikap ng koleksiyon ang pagpapakita sa patuloy na pagsasamantala ng mga negosyo sa mga mangaggawang Pilipino sa tulong ng sining biswal.
Sa isang bahagi, matutunghayan ang malalaking mga dibuho na nagsasalarawan ng mga manggagawang Pilipino. Sa pagitan, makikita ang ilang instalasyon na naisama na sa naunang mga eksibit.
Sa ilan pang dingding, nakapaskil ang mga dibuho ng nagsipaglahok na mga artista. Ngunit kapansin-pansin ang iisang sukat ng mga dibuho – sukat ito ng legal size paper, 8×13. Ayon sa kanila, biswal na representasyon ito ng instrumento ng mga negosyo sa panunupil sa mga manggagawa, lalo na nang ibaba na ng mga ito ang mga memo o desisyon ng tanggalan sa trabaho.
Bukod sa mga mga artista, isinama na rin ang mga salaysay at naiguhit na mapa ng mga manggagawa ng NutriAsia – kung saan-saan nangyari ang mga karahasan noong binuwag ang kanilang hanay nang nagpiket sila. Hindi na lang salaysay ito, at lalong hindi na kailangan ng alusyon o anupamang artistikong sangkapan.
Representasyon na ito ng aktuwal na nangyari sa mga manggagawa ng NutriAsia.
Hindi lamang nakulong ang eksibit sa sining bisuwal. Dalawang materyal na audio-video ang nakalagak sa magkabilang sulok ng eksibit. Ang isa, mga boses ng dating mga politiko’t pangulo na paulit-ulit nangangako ng trabaho. Sa kabila naman, ang karahasan ng dispersal sa mga manggagawa. Ibinahagi ng mahigit 50 artista ang kanilang sining para sa pagsuporta sa mga manggagawa. Kasama rito sina Aldy Aguirre, Frances Abrigo, Renz Baluyot, Isobel Francisco, Kay Aranzanso, Fr Jason Dy SJ, Cian Dayrit, Christopher Zamora, Karl Castro, Iggy Rodriguez, Dead Balagtas, Odoi Villalon, Nathalie Dagmang, Demosthenes Campos, at iba pa. Kasama rin ang mga grupong sining na Tambisan sa Sining, UgatLAHI Artist Collective.
Sabi nga, isa sa layunin ng sining ay “Comfort the disturbed, disturb the comfortable.” Maaari nga. Sa panahon ng ligalig, lalo na sa hanay ng mga manggagawa, maaaring mabisang paraan ang sining laluna kung likha ng mga nakikiisa sa kanilang laban para ipaabot na hindi sila nag-iisa sa laban. Kailangang bulabugin ang mga nang-aapi para ibigay ang nararapat sa mga manggagawa.
Pinasinayaan ang eksibit nitong Oktubre 8, at matutunghayan ito sa Atelyer Gallery, Bulwagan ng Dangal, UP Diliman Library. Tatakbo ang eksibit hanggang sa ika-31 ng Oktubre.