“Kami pong mga Muslim, hindi po ito usapin ng mga lahi, hindi po usapin ng kulay, kung bakit kami nandito. Kapag nasasaktan, sinaktan ang isang kasamahan naming Muslim, kami ring mga Muslim ay nasasaktan,” ani Jerome Aba ng Sandugo.
Ika-17 ng Mayo, pasado alas-10 nang umaga, naganap ang isang pagkilos sa pangunguna ng iba’t ibang progresibong grupo, kasabay sa unang araw ng Ramadan. Sa ilalim ng araw ay matiyaga nilang binagtas ang daan patungo sa Embahada ng U.S. mula sa harapan ng National Library. Ngunit ‘di pa man din nakalalapit sa embahada ay hinarangan na agad ang daan ng mga pulis.
Nais sana iparating ng grupo sa Embahada ng US ang kanilang pakikiisa sa mga Palestinong pinatay ng mga puwersang Israeli noong Mayo 14 habang nagpoprotesta sa Gaza. Kinundena rin nila ang pisikal at sikolohikal na torture na dinanas ni Jerome Succor Aba, isang human rights defender, sa ilalim ng U.S. Homeland Security sa San Francisco Airport noong Abril 17-18.
“Hindi kami papayag na ganito ang gawin sa hanay namin. Bilang mga Muslim ay ipagpapatuloy namin ang pakikipaglaban para sa aming mga karapatan at kagalingan ng aming mga kababayan,” sabi ni Amirah Lidasan ng Suara Bangsamoro.
Dahil din sa kagustuhan ng gobyernong Amerika sa mga likas na yaman na matatagpuan sa Mindanao ay lalong pinapalakas nito ang kanyang presensya sa Pilipinas. Ayon kay Aba, ang giyera na nangyari sa Marawi laban sa ISIS-inspired Daulah Islamiyah o Maute Group ay naging mitsa upang mamatay ang libu-libo nilang kapatid na Moro at mawalan ng kabahayan ang halos kalahating-milyong Meranaw. Pinaigting pa ng batas-militar ang takot na nararamdaman ng pambansang minorya dahil sa sapilitang pagpapabakwit na nagtulak sa pagsasara ng mga paaralan, paghinto ng kabuhayan, at pag-iwan sa kanilang lupang tinatamnan. Binigyang diin din ng pagkilos na itigil ang batas-militar sa Mindanao.
“Hindi niyo ba naiisip na doon sa Mindanao, kahit hindi pa Ramadan walang makain ‘yung mga kababayan natin? At ‘yung mga kapatid natin na binobomba at ‘yung pagpatay sa kanila. Pinipigilan ang pagpasok ng kahit anong porma ng tulong, pagkain, tubig, kahit anuman. Doon sa pagsira sa kanilang pamayanan, sa kanilang komunidad, nasisira yung kanilang mga taniman, ‘yung kanilang sakahan, nasisira ‘yung kanilang mga kabuhayan. Wala silang pambili ng kahit na ano para mapakain ‘yung mga sarili nila, mga anak nila. Ganyan ang ginagawa ng estadong ito kasama ang imperyalismo ng Estados Unidos,” ayon kay Kara Taggaoa ng League of Filipino Students.
Nagpahayag din ng simpatya ang mga grupo sa mga mamamayan ng Palestine na pinagbabaril at binomba ng mga sundalong Israeli na nagdulot ng 55 patay at libu-libong sugatan.
Ani ni Amirah Lidasan, ang imperyalistang Estados Unidos ang nag-udyok sa Israel na gumamit ng dahas laban sa mga Palestinong naghahangad lamang ng karapatan sa sariling pagpapasya at sariling lupa.
“Hindi lang sa Palestine, hindi lang sa Pilipinas kundi sa napakaraming bansa ang pinakikiaalaman ng US. Sa usapin ng politika, ekonomiya, kultura, at iba pa. Kaya dapat lamang po tawagin No. 1 terrorist sa buong mundo. Makatarungan ang ginagawang pagkondena, makatarungan ang ginawang pagrehistro natin laban sa America, laban sa Martial Law, laban sa paghihimasok nito sa ating bansa,” ani Ryan Amper ng Barug Katungod Mindanao.
At bilang pagpapakita ng suporta sa mga kasamahan nilang Moro at mga kasamang Lumad na hanggang ngayon ay patuloy pa ring nakararanas ng opresyon na sinasapit sa panghihimasok ng US gamit ang mga military, tinapos nila ang programa sa pamamagitan ng pagsigaw ng “Mabuhay ang mamamayang Moro! Mabuhay ang mamamayang Lumad! Mabuhay ang mamamayang lumalaban!”
Text by Marisse Bunag, Maricel Tan, Psalm Calienta
The post Sino ang terorista? appeared first on Manila Today.