Sino’ng terorista?

0
300

Ilang araw pa bago magkabisa ang kapipirma lang na Anti-Terrorism Act of 2020 ni Pangulong Duterte. Pero ngayon pa lang, sunud-sunod na ang mga bagong kaso ng pag-aresto at red-tagging laban sa mga tagapagtanggol ng karapatan at mga aktibista.

Tila nagpapatunay ang mga ito sa pangamba ng maraming tutol sa ATL, na gamitin ang batas para supilin ang mga kritiko at lumalaban sa administrasyon.

Pag-aresto

Inaresto si Jen Nagrampa, national vice-chairperson ng Gabriela at halal na konsehal ng barangay sa Nabua, Camarines Sur, noong Hulyo 7 para umano sa kasong murder kaugnay umano ng naganap na ambush sa bayan ng Ragay na ikinamatay ng dalawang sundalo noong Mayo 13, 2018.

Pero giit ng Bicolano- Gabriela, tsapter ng alyansang pangkababaihan pa pinamu-munuan din ni Nagrampa, gawa-gawa lang ang kaso dahil sa panahong nangyari ang ambush ay abala siya sa kampanya sa pagkakonsehal at kapapanganak pa lang.

Sa bisa rin ng parehong kaso, inaresto si Pastor Dan San Andres ng United Church of Christ in the Philippines at tagapagsalita ng Karapatan- Bicol noong Hulyo 9 sa Sipocot, Camarines Sur.

Ayon sa grupong pangkarapatang pantao na Karapatan, sa araw ng naturang ambush ay nagmimisa si Pastor San Andres sa simbahan ng United Church of Christ in the Philippines (UCCP)-South Centro sa bayan ng Sipocot.

Disyembre 2019 pa lang, naghain na sina Nagrampa at Pastor San Andres ng counter-affidavit para pabulaanan ang kanilang pagkasangkot sa ibinibintang na kaso.

Mariing kinondena ng Karapatan ang pag-aresto kina Nagrampa at Pastor San Pedro na anila’y bahagi ng crackdown at kriminalisasyon ng administrasyong Duterte sa mga tagapagtaguyod ng karapatang pantao.

“Sa pagsasabatas ng Anti-Terroism Act of 2020, inaasahang titindi pa ang ganitong mga insidente at padron ng paglabag sa karapatang pantao, sa hibang na pag-aalburoto ng administrasyon sa mga tagapagtanggol ng karapatan, mga tumututol at mga kritiko,” ani Cristina Palabay, pangkalahatang kalihim ng Karapatan.

Red-Tagging

Bigla namang nagsulputan sa mga kalsada ng probinsya ng Isabela at Cagayan ang mga karatulang gawa sa sako na may nakasulat na “GABRIELA, AMIHAN, KADAMAY NILOLOKO ANG MGA KABABAIHAN UPANG ABUSUHIN NG NPA,” noong Hulyo 8.

Kasabay nito sa lungsod ng Tuguegarao, may namahagi naman ng mga polyeto na nagbabansag sa mga aktibista bilang mga “terorista” at “rekruter ng NPA”.

Higit 29 kasapi at lider ng mga legal na organisasyon sa rehiyon ng Cagayan ang biktima ng mga kasong ito ng red-tagging, harassment at pagbabanta.

Kabilang sa mga pinangalanan sa mga mapanirang lathalain sina Jacquiline Ratin, pambansang pangalawang tagapangulo ng National Federation of Peasant Women (Amihan); Nenita Apricio, national council member ng Amihan at tagapangulo ng Amihan- Tumauini at ng Asosasyon Daguiti Mannalon a Babbai ti Isabela (AMBI Amihan-Isabela); at sina Cita Managuelod at Pacita Chop-eng na matagal nang pinupuntirya ng red-tagging ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Binansagan din bilang mga rekruter ng NPA ang mga progresibong partylist na Anakpawis, ACT Teachers at Kabataan gayundin ang mga organisasyong Kagimungan, Dagami, Timiq, Unyon ng Manggagawa sa Agrikultura  (UMA), Gabriela at Anakbayan.

Itinuro ng Amihan ang 5th Infantry Division at 17th Infantry Division ng Armed Forces of the Philippines bilang nasa likod ng serye ng red-tagging sa rehiyon ng Cagayan.

“Inihahanda na namin ang ihahaing reklamo sa Commission on Human Rights at itutulak ang imbestigasyon ng Kamara laban sa terrorismo ng estado laban sa demokratikong karapatan ng mamamayan. Kailangang tugunan ito ng harapan para mapigilang tumindi pa,” ani Zenaida Soriano, national chairperson ng Amihan.

Panganib ng ATA

Hindi na bago ang mga insidente ng ilegal na pag-aresto at red-tagging sa mga tagapagtanggol ng karapatan, mga kritiko at mga lumalaban sa administrasyong Duterte.

Pero ang pinanga-ngambahan ng marami, tumindi pa ang mga ito ngayong ganap nang batas ang Anti-Terrorism Act of 2020 na mariing tinutulan ng iba’t ibang grupo at personalidad dahil sa bantang gamitin lang ang batas sa panunupil sa mga kritiko at kalaban ni Duterte.

Sa tala ng Karapatan, umaabot na sa 3,399 ang ilegal na inaresto mula nang manungkulan si Duterte noong July 2016 hanggang Abril 2020. Umabot sa 383 sa mga ito’y mga bilanggong politikal na ilegal na inaresto dahil sa kanilang pagtutol at paglaban sa administrasyon.

“Ang paggawa ng mga kaso na nag-uugnay sa mga tagapagtanggol ng karapatan sa mga enkwentro sa NPA ay luma at gasgas nang taktika na paulit-ulit na pinapakana ng military para iharass, pagbantaan, takutin at ikriminalisa kami at para siraan kami sa publiko bilang mga terorista o taga-suporta ng terorista. Nangyayari na ito bago pa man mapirmahan ang Anti- Terrorism Act,” ani Palabay.

Lantaran naman ang ginagawa ng administrasyon na red-tagging at pagbansag na terorista sa mga aktibista, tagapagtanggol ng karapatan at mga progreisbong organisasyon.

Kamakailan umani ng batikos ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), Philippine National Police at AFP dahil sa paggamit ng mga ito sa kanilang social media accounts sa red-tagging at terrorist-taging sa legal na mga organisasyon at personalidad.

Para sa Amihan, ang matinding red-tagging sa mga aktibista sa Cagayan Valley ay nagpapatunay sa lehitimong batayan para tutulan ang anti-terror law na hindi naman umano naglalayong solusyunan ang terorismo kundi gagamitin lang na sandata laban sa mga legal at demokratikong aktibista at organisasyon na lumalaban sa kontra-mamamayang programa at patakaran ng gobyerno.

“Ang red-tagging ay terorismo ng estado dhil naghahasik ito ng takot sa mamamayan laban sa pagsakatuparan nila ng kanilang mga konstitusyunal na karapatan sa kalayaan sa pamamahayag, pagsasalita, mapayapang pagtitipon at pag-organisa,” giit ni Soriano.

Habang ginagarantiya ng mga tagapagtanggol ng Anti- Terror Act na walang dapat ipangamba sa batas ang mga hindi terorista, nakikita naman ng mga tuol dito na lubhang mapanganib na ibinibigay lang sa kamay ng iilang opisyal ng gabinete ang paghusga kung sino ang terorista at hindi.

Sa kabila naman ng paggiit na hindi kinikilala bilang teroristang organisasyon ang Communist Party of the Philippines ng United Nations, sinabi ni Duterte na “terorista sila dahil dineklara ko sila bilang terorista.”

Sa bisa ng Anti- Terrorism Act, sinumang pinaghihinalaang terorista ay maaaring arestuhin nang walang mandamyento mula sa mga korte, isadlak sa pisikal at elektronikong paniniktik, at panghimasukan ang mga personal na impormasyon at record sa mga bangko.

Umaabot na sa walong petisyon ang naihain ng iba’t ibang grupo sa Korte Suprema para ideklarang labag sa konstitusyon at para ibasura ang Anti-Terrorism Act. Kabilang sa naunang naghain ng mga petisyon ang blokeng Makabayan, mga abogado, mga eksperto sa Saligang Batas, mga akademiko, mga pederasyon ng manggagawa, at mga tagapagtaguyod ng karapatang pantao.