“It is part of my religious mission to stand with the poor” – Sr. Patricia Fox.
Mga pahayag mula kay Sr. Pat, mother superior ng Our Lady of Sion Congregation sa Pilipinas. Kamakailan lamang ay naging laman siya ng mga balita sa loob at labas ng bansa dahil sa iligal na pagdakip at pagkulong ng Bureau of Immigration sa kanya.
Si Sr. Pat ay 27 taon nang nagsasagawa ng kanyang missionary work sa hanay ng mga magsasaka at katutubo sa Gitnang Luzon. Pinaparatangan siya ngayong ‘undesirable alien’ ng gubyernong Duterte dahil umano sa kanyang pagsali sa mga ‘political activity’. Ngayon ay nahaharap siya sa posibleng deportasyon. Naglabas na ng kautusan ang Bureau of Immigration na kailangan ng umalis ng bansa ni Sr. Pat sa loob ng 30 araw.
Nakadaupang palad ko si Sr. Pat taong 2014. Ito ang panahong nagkaroon ako ng interes na tumungo sa Hacienda Luisita sa Tarlac upang alamin ang tunay na kalagayan ng mga magsasaka roon. Sa araw ng sabado at linggo kung saan walang trabaho ay nakakadalaw ako sa Hacienda. Minsan sa aking pagbisita ay nataon na nagaganap ang isang Peasant Women International Fact Finding Mission na pinangunahan ng AMIHAN National Federation of Peasant Women at Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura o UMA upang imbestigahan ang direktang pagkamkam sa lupa ng mga Cojuanco-Aquino sa pamamagitan ng tambiolo (raffle draw) lot allocation scheme sa ilalim ng nakaraang gobyerno Aquino.
Ang IFFM ay dinaluhan ng mahigit 20 katao, 8 rito ay observers mula sa iba’t ibang international organizations mula sa mga bansang Australia, Indonesia, Malaysia at Taiwan. Dito ko unang nakita si Sr. Fox. Kapansin-pansin kay Sr. Pat ang pagkamababang loob nito, hindi naiinip sa mga diskusyon na ‘tila palaging kalma at marunong naring magsalita ng tagalog.
Mapalad akong makadaupang palad ang mga taong katulad ni Sr. Pat. Isa sa mga unang taong nagpatunay sa akin, na may mga nilikha sa mundo na handang ialay ang kanilang oras, lakas at talino para iangat ang interes ng mga magsasaka at katutubo, ang uring madalas inaapi sa klase ng sistema o lipunan na mayroon tayo ngayon. Ang kanyang pagsama kung nasaan man ang mga magsasaka at katutubo ay patunay lamang na tinutupad nito ang kanyang sinumpaang tungkulin sa kanyang pananampalataya na kalingain ang mga mahihirap.
Para sa iilan madali lamang manghusga sa kung ano ang pagkatao ni Sr. Pat, madali lamang ipagkibit-balikat ang inhustisyang kanyang naranasan sa bayan na kanya mismong minahal lalo na’t kung sa telebisyon at Facebook lamang ang batayan ng kuro-kuro at opinyon. Pero para sa mga taong nakasalamuha ni Sr. Pat at sa mga magsasaka na kanyang walang imbot na pinagsilbihan, hindi matatawaran ang kanyang ipinamalas na pagmamahal para sa mga mamamayang hindi naman niya kadugo o kalahi.
Mabuhay ka Sr. Pat at ang libong taong katulad mo nanagsisilbi sa interes ng mga mahihirap.
The post Sister Pat appeared first on Manila Today.