Solido sa Sumifru

0
419

Marahas na binuwag ng elemento ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) ang welga ng mga manggagawa ng Sumitomo Fruits (Sumifru) Corp. Philippines sa Compostela Valley noong Oktubre 11. Naganap ang pagbuwag sa welga ilang araw matapos maparalisa ng mga manggagawa, sa pangunguna ng Nagkahiusang Mamumuo sa Suyapa Farm (Namasufa), ang operasyon ng pitong planta ng Sumifru sa Compostela Valley. Sa kabila nito, lumalaban pa rin ang mga manggagawa.

Ayon sa Kilusang Mayo Uno (KMU) sa Southern Mindanao Region, pinangunahan ng mga puwersa ng AFP at PNP, kasama ang daan-daang “strike breakers” o mga bayarang tagabuwag ng welga, ang pandarahas sa mga manggagawa. Dagdag pa ng KMU-SMR, pinasok ng mga sundalo, pulis at “strike breakers” ang mga piketlayn ng manggagawa at pinagsisira ang mga suplay at kagamitan at sinunog ang kampuhan. Sinaktan din nila ang nakawelgang mga manggagawa at pinuntahan pa sa kanilang kabahayan para takutin. Ang resulta, tinatayang aabot ng 400 manggagawa at lider ng unyon ang nasaktan. Dalawa sa mga nasaktan ang dinala sa pagamutan. Naaresto din si Errol Tan, board member ng unyon. Ninakaw din ng “strike breakers” ang generator set, gamit sa pagluluto, suplay ng pagkain at personal na mga pag-aari ng mga welgista.

Naganap ang pagbuwag isang araw matapos ilabas ng RTC Branch 56 ang pagbasura sa preliminary injunction na inihain ng Sumifru para “pigilan ang mga miyembro ng KMU na responsable sa pagharang ng pagpasok at paglabas sa plantasyon ng saging.”

“Kami’y nagngangalit sa bagsik ng pagbuwag sa welga. Kami’y ordinaryong mga manggagawa na naipanalo ang kaso sa Korte Suprema at ipinagkakamit ang tagumpay sa pamamagitan ng paggigiit ng isang CBA. Laging bukas ang aming linya ng komunikasyon. Handa kaming makipag-usap sa Sumifru. Pero isinara nila ang pinto sa amin at sa halip, ginamit nila ang kanilang pampulitikang lakas para makakuha ng Assumption of Jurisdiction (AJ), na agad ibinigay ng Department of Labor and Employment (DOLE) at ni Sec. Silvestre Bello III. Hindi ito patas at hindi makatarungan, “ ani Paul John Dizon, presidente ng Namasufa.

Inilabas ng DOLE noong Oktubre 5 ang kautusang AJ sa pamamagitan ng Department Order No. 40-H-13 na nagsasabing nalulugi ang Sumifru ng may kabuuang PP38-Milyon kada araw at ang anumang paghinto sa operasyon ng kompanya’y nakakaapekto at sumasalungat sa kabutihan at interes ng publiko.

Kinuwestiyon naman ng KMU ang mabilisang paglalabas ng kautusang AJ para ipatigil ang welga ng mga manggagawa. Ani Lito Ustarez, pangalawang tagapangulo para sa panlabas at pampulitikang pakikipag-ugnayan ng KMU, “Napapaisip kami na bakit ang mga pambansang ahensiya ay mabilis magpalabas ng kautusan sa Namasufa para itigil ang welga. Paanong ang Sumifru, isang dayuhang kompanya na nagpapatakbo ng isang plantasyon ng saging, ay mabilis na nakakuha ng kautusang AJ mula sa DOLE? Karaniwang nakareserba ang AJ para sa sa mga industriya na ‘kailangang-kailangan sa pambansang interes.’ Malinaw na wala ito sa kasong ito na kung saan ang AJ ay tumutulong sa isang dayuhang kompanya para labagin ang karapatan ng mga manggagawa na magwelga.”

Karaniwang inilalabas ang kautusang AJ sa mga kaso na imbuwelto ang mahahalagang industriya tulad ng kuryente, yutilidad, pagamutan, at kontrol sa daloy ng trapiko sa himpapawid. Hinala ni Ustarez, may basbas ni Pangulong Duterte, bilang makapangyarihan ang kanyang pamilya sa rehiyon ng Davao, ang mabilisang paglalabas ng kautusang AJ para sa Sumifru.

Ayon naman kay Anakpawis Rep. Ariel Casilao, pinoprotektahan umano ng administrasyong Duterte ang Sumifru. “May hinuha kami kung bakit ang administrasyong Duterte ay pinoprotektahan ang interes ng dayuhang monopolyong kompanya. Itong mga Japanese fruit firm ay nangako ng P12.9-Bilyong pamumuhunan sa pagpapalawig ng operasyon ng mga plantasyon.”

Tila wala ring nakuhang simpatya o pakikiisa sa lokal na gobyerno at DOLE ang mga manggagawa sa nangyaring pagbuwag sa welga. Ayon sa Namasufa, sinisi pa ni Mayor Lema Bolo ang mga welgista sa karahasan habang sinabi naman ni OIC DOLE Regional Directior Jason Balais na wala siyang manggagawa dahil ang pangyayari ay isang police matter.

Kinondena din ng Namasufa ang red-tagging ng AFP sa unyon at ang martial law sa Mindanao. Sa ulat ng fact-finding mission sa Compostela Valley noong Abril 2018, napag-alamang tinatarget at binabansagang komunista ng 66th Infantry Battalion ng Army ang mga manggagawa ng Sumifru at pinipigilang sumapi sa Namasufa o anumang organisasyon na may kaugnayan sa KMU, o makilahok sa mga aktibidad ng unyon. Dagdag pa ng unyon, tumaas ang bilang ng harassment sa mga manggagawa at kasapi ng unyon nang ipatupad ang martial law. Pinaparatangan silang terorista o rebelde at kasapi ng New People’s Army o NPA. May insidente rin noong Agosto 2018 ng tangkang pagpatay kay Vincent Ageas, miyembro ng board of directors ng unyon.

Inilinaw din ng KMU na ang mga welga tulad ng sa Sumifru ay dulot ng mga kontra-manggagawang polisiya, hindi ng pekeng planong destabilisasyon na tinagurian ng militar na “Red October.” Ayon kay Elmer “Bong” Labog, pambansang tagapangulo ng KMU, ang mga welga ay resulta ng papalalang kalagayan ng mga manggagawa sa ilalim ng rehimeng Duterte. “Imbes na tugunan ang kahilingan ng mga manggagawa para regularisasyon at dagdag-sahod, naglunsad si Duterte ng panibagong atake sa kilusang unyon at karapatang pantao,” ani Labog.

Inilunsad ang welga noong Oktubre 1 at nilahukan may 900 manggagawa. Isinagawa ang ito sa antas munisipal at sumaklaw sa pitong planta ng Sumifru. Pangunahing dahilan ng pagwewelga ng mga manggagawa ang hindi pagharap ng maneydsment sa anumang negosasyon para sa Collective Bargaining Agreement (CBA). Iginigiit ng Namasufa ang regularisasyon ng mga manggagawa at dagdag-sahod. Ayon kay Dizon, “Arogante at tahasang binalewala ng Sumifru ang karapatan ng mga manggagawa, hindi pinapansin ang aming matagal nang lehitimong mga panawagan para sa regularisasyon at para sa makabuluhang dagdag-sahod.”

“Sa milyun-milyong tubo ng Sumifru, ang hinihiling lang nami’y halos P1-M para sa dagdag-sahod at mga benepisyo para sa amin na mga manggagawa sa plantasyon ng saging,” ani Melodina Gumanoy, kalihim ng unyon. Sa datos ng unyon, kumikita ang Sumifru ng P19-M kada araw mula sa mga operasyon nito sa Compostella Valley. Sa isa pang datos na nakalap, umabot ng P18.53-B ang kabuuang kita ng kompanya noong Marso 2016.

Samantala, inakusahan naman ng KMU-SMR ang Sumifru na lumalabag sa Labor Code. Anila, ang hindi pagharap ng Sumifru sa unyon, bilang kinikilala ng batas na mga empleyado ng kompanya, ay paglabag sa Artikulo 262 ng Labor Code.

Naglabas ang Korte Suprema noong Hunyo 2017 ng desisyon na kumikilalang may umiiral na relasyong employer-employee sa pagitan ng mga manggagawa sa ilalim ng Namasufa at ng Sumifru. Sumakatwid, ang kontraktuwal na mga manggagawa ay dapat ituring na empleyado ng kompanya at hindi lang bilang empleyado ng third-party labor cooperatives.

Ayon sa Namasufa, ang kanilang unyon ang certified sole and exclusive bargaining representative ng mga manggagawa sa Sumifru. Sa katunayan, nakapagpasa na sila ng CBA proposal sa Sumifru noong Agosto 13 pero walang aksiyong ginawa ang maneydsment at binalewala lang ang kanilang ipinasa. “Nilalabag nila ang aming karapatan sa kaseguruhan sa trabaho sa pamamagitan ng hindi pagreregularisa sa amin at ang pagtanggi sa pakikipag-usap sa aming unyon sa kabila ng desisyon ng Korte Suprema noong 2017,” ani Dizon.

Ani Dizon, “Nilabag ng Sumifru ang aming karapatan sa asosasyon sa pamamagitan ng pakikipagsabwatan sa mga militar at sa pagharas sa mga miyembro ng unyon na lumalaban sa kanilang mga unfair labor practice.”

Ipagpapatuloy ng umano ng unyon ang paggigiit ng kanilang mga karapatan, pero hinihingi din nila ang suporta ng publiko laban sa isang gahaman na dayuhang kompanya. Inihahanda nila ang paghahain ng kaso laban sa pag-abuso sa kanilang karapatan at magsasampa ng reklamo sa International Labour Organization.

Isang Japanese multinational company (JMNC) ang Sumifru Corp. Philippines. Lumalahok ito sa sourcing, produksiyon, pag-aangkat at pagbebenta ng iba’t ibang prutas, pangunahin ng pang-eksport na mga saging, pinya at papaya. Pinapatakbo ng kompanya ang kanilang operasyon sa mahigit sa 12,000 ektarya sa Mindanao. Sa Compostela Valley, mayroong siyam na planta sa 2,200 ektarya na may kakayahang maglabas ng 19,000 kahon. Ayon sa kompanya, mahigit-kumulang 4,700 ang kanilang empleyado at 3,000 nito’y mula sa mga nag-aalaga ng pananim habang ang 1,700 ay nasa planta.