#SONA2018 | Estado ng bansa, danas ng maralita

0
216

Sa dalawang taong panunungkulan ni Pangulong Duterte, naglipana ang iba’t ibang numero sa bansa:

12,000 mahigit ang patay dahil sa Oplan Tokhang at extra-judicial killings;

1607 Manobo ang nagbakwit dahil sa military encampment;

74 menor-de-edad ang namatay dahil sa giyera kontra droga;

72 paaralang Lumad ang hindi agad makapagsimula nitong Hunyo dahil sa militar;

41 ang namatay dahil sa paglaban para sa lupa at kalikasan noong 2017;

Ikalawa sa pinakamapanganib na bansa sa buong mundo para sa land at environmental defenders ang bansa; at

Una sa pinakamapanganib na bansa sa buong mundo para sa mga peryodista.

Sa likod ng mga numerong ito ang imahe ng pamilyang Pilipino: ang imahen ng lumulubhang kahirapan, mababang sahod, tumataas na mga bilihin, sumasahol na serbisyo. Ito rin ang mga bilang at katotoghanang malabong marinig sa State of the Nation Address ni Pangulong Duterte.

Kaya naman nagtipun-tipon ang iba’t ibang sektor sa SONA State of Tyranny noong Hulyo 7. Kasama sa mga dumalo sina Sr. Pat Fox, National Artist for Literature Bienvenido Lumbera, Mae “Juana Change” Paner, dating Rep. Neri Colmenares, at marami pang iba.

Ayon pa kay Sr. Mary John Mananzan, hindi makatatapat ang anumang SONA na pinaplano ni Duterte sa naging mga talakayan sa State of Tyranny. Halos lahat ng sektor mula sa mga manggagawa hanggang sa mga relihiyoso ang dumalo at nakiisa sa pagtitipon.

Saan pa nga ba mas makatatamasa ng makatotohanang State of the Nation Address, kundi sa nation o masa na mismo.

Ekonomiya

Kung gulat ang iba sa 5.2 porsiyentong inflation (o pagtaas ng presyo ng mga bilihin) na ibinahagi ng Philippine Statistics Authority, mas kalunus-lunos pa ang danas ng ibang rehiyon tulad ng Autonomous Region for Muslim Mindanao (ARMM) na umabot na sa 7.7 porsiyento ang inflation.

“Sa pagtaas ng mga presyo ng bilihin, ang mga mahirap ay titindi ang kagutuman na kanilang nararamdaman,” ani Noel Leyco, dating Department of Social Welfare and Development officer-in-charge.

Ayon pa sa kanya, mas tataas pa kumpara rito ang inflation ng mga pagkain, kung kaya’t mas dama ng mga tao ang pagsikip ng mga pitaka pagdating sa pagbili ng maihahapag sa kainan. Aabot umano ng 9 porsiyento ang inflation sa presyo ng pagkain sa ARMM at 8 porsiyento naman sa Bicol.

“Ito ang mga lugar na dapat bigyang ayuda ng gobyerno,” dagdag ni Leyco.

Bahagi ang kaguluhan sa ARMM sa dahilan kung bakit higit na mas mataas ang inflation sa lugar. Para naman sa Bicol, kinakailangan pa ring bumangon ng rehiyon mula sa dinanas nito dahil sa bulkang Mayon.

Kung hindi matutugunan nang mas maaga, masasadlak lalo sa kahirapan ang mga mamamayan ng rehiyon, pati na rin ang iba pang mahihirap at panggitnang uri sa bansa.

Hindi matiyak ni Leyco kung Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law ang pangunaning dahilan ng inflation, pagkat ayon sa kanya ang ekonomiks ay hindi “exact science”. Pero tiniyak ito ng progresibong mga ekonomista mula sa Ibon Foundation, na nagsabing direktang resulta ng pagpataw ng dagdag-buwis sa langis ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin—na binibiyahe kaya kumokonsumo rin ng langis. Apektado rin ang presyo ng mga bilihin ng pagtaas ng pamasahe.

Sigalot sa teritoryo

Kawalan ng mariing tugon naman ang nakikita mula sa gobyerno ng Pilipinas pagdating sa isyu ng South China Sea o West Philippine Sea, kung saan matatagpuan ang gawa-gawang mga islang minimilitarisa na ng China.

“Kailangan po nating umangal nang umangal,” giit ng abogadong si Florin Hilbay, dating solicitor general.

“Sabi ng ating Secretary on Foreign Affairs, umangal raw siya ng 50, 100, 200 beses,” dagdag ni Hilbay. Pero nang hanapan na nila ito ng papeles, nakitang panay salita lang pala ang pag-angal na ito, mahina at walang pangil.

Kung hindi igigiit ng Pilipinas ang karapatan nito sa mga isla sa West Philippine Sea, hindi raw malayo na mapasailalim ang bansa sa “i” sa ilalim ng China. Ang ibigsabihin nito, isusuko na ng bansa ang ilan nitong karapatan sa China dahil sa dami ng ating utang dito.

Oras na manatiling kimi ang Pilipinas, parang isinuko na rin nito sa China ang mga isla at ang mga karapatang tinatamasa sa mga isla na ito. Kaya namang lalong malaki ang mawawala sa small-scale na mangingisda. Marami na nga ang tumalikod sa pangingisda noong 2013 pa lang matapos itaboy paalis sa Panatag Shoal ng mga Tsino, ngayon pa bang mas higit na nagmilitarisa na ang China.

Muli, isa itong tinik para sa mga mamamayan.

Human Security Act

Sa kabila naman ng mga problemang kinakaharap na ito, mukhang binabalak ng gobyerno na kitilin ang karapatan ng mga mamamayang tumutol at manawagan ng hustisya.

Ayon kay ACT Teachers Rep. Antonio Tinio, ang ipinapanukalang pagrepaso sa Republic Act 9372 o Human Security Act of 2007 ay nagpapalawak sa depinisyon ng terorismo sa bansa.

“Halimbawa, ‘yung transport strike,” giit ni Tinio, “papasok ito sa ilalim ng banta sa ‘kritikal na imprastraktura.” Ibig sabihin, sa ilalim ng panukalang amyenda sa batas na itinutulak ng rehimeng Duterte, maituturing nang “terorismo” ang karapatan ng mga tsuper at mamamayan na magwelga sa transport.

Pati welga ng mga manggagawa sa NutriAsia, at kung ano pang pagigiit ng karapatan, ay maaari nang tawaging terorismo ng gobyerno.

Oras naman na masampahan ng kaso at mapagkamalang terorista, wala na ang mga batas na poprotekta sa mga mamamayan. Balak rin kasing patanggal ang magiging parusa sa gobyerno oras na mapatunayang mali ang paghihinala nito ng terorismo.

Sa pamamagitan nito, at sa pagkakaroon ng konsolidasyon ng kapangyarihan ng pangulo, maaari na nitong sampahan ng terorismo ang mga aktibista at gamitin itong sapat na dahilan upang isailalim ang bansa sa batas militar.

Kasabay pa nito ang pagtigil sa usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno ng Pilipinas at National Democratic Front of the Philippines (NDFP) matapos hinging kondisyon ni Duterte ang pagtitipun-tipon ng mga miyembro ng New People’s Army (NPA) sa iisang lugar habang isinasagawa ang usapang pangkapayapaan.
Makikita sa hakbang na ito ang tahasang pagpapatahimik sa mga mamamayang lumalaban.

Pederalismo

Dagdag pa riyan, ginagamit na rin ang batas para sa interes ng iilan.

Iginigiit ng mga nagpapanukala sa pederalismo na ito’y para sa mga mamamayan. Pagkapasa nito, anila, mas matutugunan na ang problema sa mga rehiyong naghihirap at mas bibilis na rin ang pagproseso sa mga pangangailanagn ng mga mamamayan.

Pero mariin na ginigiit ni dating Chief Justice Ma. Lourdes Sereno na hindi ito makatotohanan.

“Wala pong hindi kayang gawin ang Kongreso ngayon (gamit ang kasalukuyang mga batas),” ani ni Sereno, “wala silang hindi kayang gawin upang tulungan ang mga probinsiya, kung gugustuhin lang nila.”

“Ano po ba ang tanong? Ano po ba ang problema na gusto nilang solusyonan?” tanong ng dating punong mahistrado. Kasama kaya rito ang ekstensiyon ng kanilang panunungkulan dahil ng posibilidad ng “no el” o no election sa 2019 dala ng nagbabadyang pagbabago sa konstitusyon.

Kung nanaisin naman ng Kongreso at gobyerno maghanap ng sosolusyunan, may mangilan-ngilang problemang mabilis nilang marerespondehan.

Lagay ng bayan

Isa na rito ang pananatili ng militar sa kanayunan, partikular na kung saan namamalagi ang mga pambansang minorya. Naantala ang pag-aaral ng mga batang Lumad, halimbawa, dahil sa pagggamit ng militar sa kanilang mga eskuwelahan.

Nariyan din ang pagpapalaya sa higit 300 bilanggong pulitikal sa bansa. Noong 2017, mayroong 10 pinalaya si Duterte ngunit kalakhan pa rin sa mga ito, kasama na ang mga matatandang bilanggo, dekada na ang inabot sa kulungan para sa pagiit ng kanilang karapatan.

Daan-daang manggagawa naman ang patuloy na nananawagan para sa regularisasyon at pagkilala sa kanilang karapatan. Kabi-kabila na ang piket at martsa upang marinig ang panawagan ng mga manggagawa mula sa iba’t ibang pabrika at empresa tulad ng Jollibee, NutriAsia, Middleby, Monde Nissin, PLDT, at marami pang iba.
Sa isang salita rin ng pangulo, matitigil at mababago ang Oplan Tokhang at Oplan Tambay, ilang proyekto ng kapulisan na nagdulot ng pagkakabilanggo at pagkakapatay sa mga inosente at menor-de-edad.

Kung nakakayan naman ng gobyerno makapaglaan ng bilyon para sa mga kalsada sa ilalim ng “Build, Build, Build”, kakayanin rin nito na makapaglaan para sa imprastrakturang tutugon sa tunay na pangangailangan ng mga mamamayan tulad ng mga ospital, eskuwelahan sa nayon, at iba pang nabanggit sa nakaraang mga diskusyong pinangunahan ng Ibon Foundation.

Ito’y ilan lang sa mga dinaranas ng mga Pilipino na maaaring solusyonan ng gobyerno kung nanaiisin lang. Ito rin ang ilan sa mga kuwentong inaasahang mapakinggan ng mga mamamayan sa tunay na SONA—sa labas ng Batasan Pambansa, sa kalsada—para makita kung tunay na kalagayan at kahilingan ng masang dapat sineserbisyuhan ng gobyerno, hindi pinapatay o inaagrabyado.


Featured image: Larawan ng pagbakwit ng mga komunidad ng mga Lumad mula sa Lianga, Surigao del Sur, matapos ang muling pag-okupa ng militar sa kanilang mga komunidad. Kuha ng The Breakaway Media