#SONA2018: Jonathan

0
173

Inihakbang ni Jonathan Doringo sampu ng kanyang mga kasamahan sa Sun Logistics Labor Union mula sa Southern Tagalog ang kanilang mga paa papunta sa Kamaynilaan upang makiisa sa SONA ng Bayan.

Wika niya, “ Nakikiisa kami ngayon araw na ‘to sa kapwa namin Pilipino upang ipanawagan sa estado ang pagbabasura sa kontraktwalisasyon at ang TRAIN Law na ‘yan na talagang pasakit sa aming mga manggagawa.”

“Nais din naming ipanawagan ang dagdag sahod at magkaroon ng national minimum wage. Kasi alam naman natin ang totoo. Hindi nakakabuhay ang sahod sa probinsya. Isa pa ang pinakasinisigaw talaga namin ang pagbabasura sa TRAIN Law dahil ‘yan talaga ang pahirap hindi lamang sa aming mga manggagawa, pati na rin sa mamamayang Pilipino,” dagdag pa niya.

Isa si Mang Jonathan sa libu-libong Pilipino na nagdudurusa dahil sa TRAIN Law na ipinasa ni Pangulong Duterte. Hindi raw ito nakakatulong sa mga manggagawa bagkus ito’y nagpahirap pa lalo sa kanilang mahirap na kalagayan.

“Kaya naman sumama kami rito sapagkat sobra-sobra na ang mga kasinungalingan ng estado. Sobra-sobra na ang pagpapahirap.  Imbis na protektahan ang interes naming mga manggagawa ay hinahayaan lang nila na alipustahin kami ng mga kapitalista na ‘yan,” wika ni Mang Jonathan.

Sa huli may iniwang hamon si Mang Jonathan sa mga kabataan, kapwa manggagawa, at sa sambayanang Pilipino:

Ang hamon ko sa mga kabataan na sumama at nakiisa sa SONA ngayon ay magmulat pa ng maraming kabataan upang isulong ang interes ng mamamayan. Nanawagan din kami na panahon na para muling magkaisa ang lahat upang isulong ang interes ng mamamayan.

The post #SONA2018: Jonathan appeared first on Manila Today.