#SONA2018 | Ligalig at laban ng mga manggagawa sa PLDT atbp.

0
203

“Biyernes ng hapon (Hunyo 29), nagtrabaho pa naman kami (sa PLDT),” kuwento ni Jhona. Sumunod na araw, pinatawag sila ng management. “Sinabi na lang (nila) na biglaan: Wala na kaming trabaho.”

Naglabas na noong araw na iyon, Hunyo 30, ng cease and desist order sa kompanya ng telekomunikasyon na PLDT ang Department of Labor and Employment (DOLE) para dapat sana’y matigil ang ilegal na pag-empleyo ng kontraktuwal na mga manggagawa sa mga manpower o third-party agency. Pero sa halip na i-absorb ng naturang kompanya ang mga manggagawa ng mga agency—na siya naman talagang diwa ng utos ng DOLE—hinayaan ng PLDT na mawalan ng trabaho ang mahigit 12,000 manggagawa, kasama ni Jhona.

Apat na buwang buntis si Jhona, may 4-anyos na isa pang anak. Kailangang kailangan niya ng trabaho para sa pamilya niya. Nakaempleyo si Jhona sa SPi, isa sa mga ahensiyang kumukuha ng mga manggagawa para sa PLDT. Dapat, dahil sa utos ng DOLE, gawin na siyang regular na empleyado ng PLDT. Pero sa halip na sundin ng kompanya ang utos ng gobyerno, nagmatigas ito. Mistulang tinanggal pa sina Jhona sa trabaho.

“Ipaglalaban ko (ang trabaho ko), para sa magiging baby ko, at para sa apat na taong-gulang na anak ko,” sabi niya.

Kaisa siya sa kampuhang protesta ng kontraktuwal na mga manggagawa ng PLDT, Kilos Na Manggagawa-PLDT, Defend Job Philippines at Kilusang Mayo Uno (KMU) sa harap ng tanggapan ng kompanya sa Espana, Manila. Ang giit nila: iregularisa ang mahigit 12,000 manggagawa.

Inutil

Bahagi dapat ang desisyon sa PLDT ng mga hakbang ng DOLE para isakatuparan ang pangako ni Pangulong Duterte na wawakasan ang lahat ng porma ng kontraktuwalisasyon sa paggawa sa bansa. Katunayan, kontraktuwalisasyon sa PLDT ang pinakauna niyang pinangakong papawiin.

Sa bisa ng DOLE Order 174 at mismong Executive Order No. 51 ni Duterte, iniutos nga ng gobyerno ito sa PLDT. Pero katulad ng nangyayari ngayon sa maraming empresa o pabrika na may utos ang DOLE na iregularisa ang mga manggagawa, nagmamatigas ang mga kapitalista. Alam nila, walang pangil ang gobyerno para ipatupad ang naturang mga utos. Alam nila, sa kadulu-duluha’y sa kanila pa rin papanig ang gobyerno.

“Mula nang pirmahan ni Pangulong Duterte ang EO 51 (at sinasabing) ito na raw ang katuparan ng kanyang pangako na wakasan ang kontraktuwalisasyon, iniikutan lang ito ng mga kompanya, sa anyo ng restructuring,” paliwanag ni Jerome Adonis, pangkalahatang kalihim ng KMU. Pinakamalinaw na halimbawa nito ang PLDT.

Kinumpirma ni mismong DOLE Sec. Silvestre Bello III ang taktikang ito ng mga kompanyang tulad ng PLDT. Sa press conference para ianunsiyo ang clarificatory statement ng ahensiya kaugnay ng DOLE, tahasang inamin ni Bello na di sinusunod ng PLDT ang utos nila. “Para ikutan ang utos (ng DOLE), ang ginawa nila, inutusan nila ang mga empleyado na itinuturing na nating regular na empleyado ng PLDT na mag-aplay…Na hindi tamang aksiyon sa bahagi nila,” sabi ni Bello, sa wikang Ingles.

Magmula Hunyo 5 hanggang sa huling desisyon ng DOLE noong Hunyo 30, nawalan na ng trabaho ang 7,306 na empleyado dapat ng PLDT na dating nasa ilalim ng listed agencies (may mahigit 5,000 pang iba nasa ahensiya na unlisted o hindi pa naisasama sa listahan ng DOLE).

Dahil dito, natulak na ang maraming manggagawa, sa suporta ng Kilos Na Manggagawa at iba pang grupo, na magtirik ng kampuhan sa harap ng tanggapan ng PLDT sa Espana, Manila noong Hulyo 9. Unti-unti, naabot nito ang mga manggagawang kontraktuwal na tinanggal, hindi lang sa naturang tanggapan, kundi sa iba pang opisina ng PLDT sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Noong Hulyo 12, nagsagawa ng malaking pagkilos din sa Mendiola, Manila—malapit sa Malakanyang—ang maraming kontraktuwal na mga manggagawa para igiit ang regularisasyon nila.

Pagkakaisa sa SONA

Sa isang media forum ng KMU hinggil sa kalagayan ng mga manggagawa sa ilalim ng rehimeng Duterte, nagsalita ang mga manggagawa ng PLDT, gayundin ang mga manggagawa ng NutriAsia, Monde Nissin, Middleby, Albert Smith Signs (gumagawa ng billboards ng malalaking kompanya), at iba pa, para ipakita na tumitindi lang ang ligalig sa kanilang hanay sa ilalim ni Duterte.

Nagsasagawa ang mga manggagawa sa mahigit 30 pabrika ng mga welga o piket-protesta ngayon, ani Elmer “Ka Bong” Labog, tagapangulo ng KMU. Ang hiling ng mga welga o protestang ito, igiit ang regularisasyon ng mga manggagawa, gayundin ang pagkakaroon ng nakabubuhay na sahod at kilalanin ang karapatan nilang mag-unyon. Kalakhan sa mga pabrikang ito, ani Labog, may desisyon na ang DOLE na iregularisa ang mga manggagawa, pero hindi ipinapatupad ng mga kapitalista at bagkus ay nagtatanggal pa ng mga manggagawa.

Samantala, ipinagmamalaki ng DOLE na nakapagparegular na raw ito ng mahigit 100,000 manggagawa. Posibleng mabanggit pa nga ito ni Duterte sa kanyang State of the Nation Address o SONA sa Hulyo 23. “Ang tanong namin, bilang nagkakaisang kilusan sa paggawa: Nasaan ba ang 100,000 na iyan? At kung totoo man iyan, ito ay tinatawag na ‘drop in the bucket‘ (patak lang sa balde). (Umaabot sa) 0.4 porsiyento lang ito ng 25 milyong manggagawang kontraktuwal…Aabot sa 60 porsiyento ng labor force participation ang kontraktuwal,” paliwanag ni Labog.

Para sa KMU at iba pang grupong maka-manggagawa, bigong bigo si Duterte na maisakatuparan ang pangako niya na wakasan ang kontraktuwalisasyon. “Wala namang nilalaman yung EO 51 (ni Duterte) kundi pag-uulit lang ng mga probisyon na nasa Labor Code na,” aniya.

Kaya makakaasa lang umano ang mga manggagawa sa sarili nilang lakas, sa mga welga at piket-protesta para igiit ang kanilang mga karapatan. Sa araw ni SONA, muling tutungo sa lansangan ang mga manggagawa, sa pangunguna ng nagkakaisang hanay ng iba’t ibang organisasyon nila, para ipakita ang lakas na ito.