Madalas ipagmalaki ng nakalipas na mga Pangulo ang sinasabing economic growth ng kanilang administrasyon lalo na tuwing ihahayag niya ang State of the Nation Address (SONA). Hindi kaiba ang administrasyong Duterte nang maitala nito ang sinasabing 6.8 porsiyentong “paglago” sa ekonomiya ng Pilipinas sa unang kuwatro ng 2018.
Pero ramdam ng mga mamamayang Pilipino mula noon hanggang ngayon na hindi para sa kanila ang sinasabing pag-unlad sa ekonomiya. Sa kasalukuyan, ramdam nila ang bigat ng taas-presyo ng langis, kasabay ng taas-presyo ng bilihin dahil sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (Train) Law, pagtaas ng pasahe, at pagbagsak ng halaga ng piso na nasa P53.52 nitong Hunyo 2018–ang pinakamababang tala sa loob ng 12 taon.
Ekonomiyang umuunlad?
Sinasabing tuluy-tuloy ang pag-angat ng ekonomiya ng Pilipinas na may taunang 2.0 porsiyentong average na pagtaas sa gross domestic product (GDP) noong 1980s, nasa 2.8 porsiyento noong 1990s, 4.5 porsiyento noong 2000s, at 6.4 porsiyento mula 2010 hanggang 2017.
Pero wala sa mga ito ang tunay na nagpaunlad sa kalagayan ng mga Pilipino. Lalo na kung titignan ang lagay ng empleyo sa Pilipinas.
Isa sa sukatan ng pag-unlad ng ekonomiya ang paglikha ng sapat na trabaho at kabuhayan sa lumalaking populasyon. Kasama na rito ang pagkakaroon ng nakabubuhay na sahod at seguridad sa trabaho. Wala sa mga ito ang nangyayari sa kasalukuyan. Bagkus, lalo pa itong lumalala.
Nitong nakaraang taon, lumago ang ekonomiya nang 6.7 porsiyento. Pero nasa 663,000 trabaho ang nawala. Hindi lang hindi nakalikha ng trabaho ang ekonomiya, kundi mayroon pang aktuwal na daang libong walang trabaho. Ito ang pinakamalaking tapyas sa trabaho sa loob ng 20 taon mula 1997, sabi ng Ibon Foundation.
Hindi rin nagpapakita ng matibay na pundasyon ang nalikhang trabaho. Nasa konstruksiyon ang 465,000 naidagdag na trabaho at nasa 260,000 naman ang nalikha sa pampublikong sektor na siyang bumubuo sa di-bababa sa kalahating nalikhang trabaho. Pero panandaliang lang ang trabaho sa konstruksiyon at hindi sinyales ng matatag na ekonomiya ang dagdag-trabaho sa pampublikong sektor na kadalasa’y dulot ng patronage politics.
Inaasahan din maging ng National Economic and Development Authority ang taunang pagbagal sa industriya ng business process outsourcing o BPO pagdating ng 2022.
Mababang sahod
Samantala, nananatiling mababa ang sahod na natatanggap ng mga manggagawa nasa nasa P512 ang minimum sa National Capital Region na nasa P447.94 lang ang tunay na halaga. Higit na mas mababa pa ang natatanggap ng mga nasa rehiyon.
Walang kongkretong hakbang na ginagawa ang administrasyong Duterte para tuluyang matigil ang kontraktuwalisasyon. Sa kabila ito ng paglabas ng Department Order 174 ng Department of Labor and Employment at Executive Order No. 54 ni Duterte na pawang walang pangil. Sa listahang inilabas ng DOLE ng mga kompanyang lumalabag sa labor-only contracting (LOC), pinuna ng iba’t ibang grupo bakit wala rito ang mga kompanya ni Henry Sy tulad ng SM.
Matatandaang itinuturing ng mga grupong maka-manggagawa si Sy bilang “contractual king” dahil sa dami at lawak ng paggamit niya ng kontraktuwal na paggawa sa kanyang mga negosyo lalo na sa SM malls. Matatandaan ding naging malapit ang rehimeng Duterte sa mga Sy—na sumasama pa sa mga biyahe ni Duterte sa China noong nakaraang taon.
Di rin maganda ang ipinakikita ng sektor ng agrikultura kung saan matatagpuan ang mayorya ng mahihirap. Nasa 803,000 trabaho ang nawala noong 2017, samantalang sa huling datos nitong Abril 2018, nasa 723,000 ang nawala, ayon sa Ibon.
Ito ang dahilan kung bakit paparaming Pilipino ang sapilitang nangingibang-bayan at iniiwan ang kani-kanilang pamilya. Noong 2016, nasa 2.1 milyong Pilipino o 5,771 kada araw ang umalis ng bansa at nasa 2 milyon naman o 5,460 kada araw noong 2017. Sa huling anim na taon, mas maraming Pilipino ang umaalis ng bansa kumpara sa bagong trabahong nalilikha ng lokal na ekonomiya.
Imprastraktura, lumulobong utang
Ang ipinagmamalaking programang “Build, Build, Build” ng administrasyong Duterte ang sinasabing magiging daan para mapaunlad ang ekonomiya ng bansa. Pero kinukuwestiyon ang karamihan sa mga imprastraktura na ito ang hindi nakasentro sa mahihirap na rehiyon.
Ayon sa Ibon, bagamat may malaking puwang pagdating sa imprastraktura, hindi sapat na magtatayo lang ng mga ito na walang malaking estratehikong plano para paunlarin ang agrikultura at pambansang industriya.
Laging agresibo ang gobyerno padating sa pagpapaunlad ng imprastraktura para mag-enganyo ng dayuhang mga mamumuhunan. Mabilis ang pagtaas ng paggasta ng gobyerno para sa mga imprastraktura sa nakalipas na mga taon. Tumaas ito mula 1.8 porsiyento ng GDP noong 2011 tungong 5.1 porsiyento noong 2016, at 5.4 porsiyento noong 2017. Target itong pataasin nang 7.3 porsiyento sa 2022 sa ilalim ng Build, Build, Build.
Kaya naman malaking negosyo para pagkakitaan ang mga proyektong pang-imprastraktura ng gobyerno na magbubukas ng mga proyekto para sa mga dayuhan at pribadong kapital.
Kasabay nito ang paglobo ng utang ng Pilipinas na nasa P6.83-Trilyon nitong Mayo 2018 mula P5.95-T noong Hunyo 2016. Nangangahulugan na nasa P38.5-Bilyon kada buwan ang pagtaas ng utang sa ilalim ni Duterte na higit na doble kumpara sa nakalipas na administrasyon.
Tugon ng bayan
Inaasahang sa State of the Nation Address ni Duterte’y ipagmamalaki ang paglago ng ekonomiya at mga programa para rito. Tulad ng naunang mga administrasyon, walang binago si Duterte sa ekonomiyang sumusunod sa neoliberal na mga polisiyang dikta ng mga dayuhang monopolyo-kapitalistang kumokontrol ang takbo ng ekonomiya ng Pilipinas.
Para sa Ibon, tiyak na walang ibang ibubunga ito kundi lalong pagmonopolyo ng iilan sa yaman at ibayong kahirapan sa karamihan.
Pero tulad ng dikta ng kasaysayan ng mga mamamayan, hindi mapipigilan ng anumang panunupil ng Estado ang kanilang paglaban para sa karapatan na magkaroon ng ekonomiyang tunay na tutugon sa pangangailangan ng bayan at kapakinabangan ng lahat.