#SONA2018: Panawagan ng Kabataan

0
274

Hindi nagpahuli sa pagmartsa at pagsigaw ng kanilang bitbit na panawagan ang sektor ng mga kabataan sa naganap na United People’s SONA 2018 nitong ika-23 ng Hulyo kasabay naman ng State of the Nation Address ni Duterte sa Commonwealth Avenue, Quezon City.

Taon-taon ay mayroong malaking bilang ng mga estudyante ang nakikiisa sa SONA protest. Sa bisa ng sining-pangprotesta, mga sigaw at plakard, matagumpay na inilatag sa kahabaan ng nasabing abenida ang kanilang mga hinaing. Ang kilos-protesta ngayon ay may mas malaki pang bilang ng lumahok mula sa kanilang sektor. Naririto ang kanilang mga bitbit na isyung nais nilang ipanawagan.

 

Rejhon Modesto, 20, National Union of Students of the Philippines

Si Rejhon ay National Deputy Secretary ng National Union Of Students of the Philippines (NUSP). Si Rejhon ay kabilang sa sektor ng kabataan at nananawagan sa tunay na libreng edukasyon.

Ayon sa kanya, hindi tunay ang libreng edukasyon na pinapatupad dahil sa Return Service Policy kung saan kailangan magbalik ng serbisyo ang kabataan sa mga state universities and colleges (SUCs) na kanilang pinagtapusan. Ang polisiya na ito ay isang pamamaraan upang pagkakitaan ang kabataan. Nararanasan ito sa Cagayan State University, Palawan State University, at Negros State University. Samantala sa Polytechnic University of the Philippines, University of the Philippines, at Philippine State College of Aeronautics, nangyayari rin ito sa pagbibigay serbisyo ng mga estudyante ng 10 hours bawat linggo.

Patuloy din ang paniniil ng other school fees na labas sa resibo dahil ayon sa implementing rules and regulations (IRR) ng batas, hinde ito kasama at dapat bayaran ng mga estudyante. Naging mas matagal ang pagpoproseso sa pagkuha ng badyet sapagkat ang pondo ng mga student organization ay manggagaling mismo sa gobyerno na nagreresulta sa paghaba ng oras na ginugugol ng proseso.

Paula Mae C. Balones ng Tanggol Wika, 18, Tanggol Wika

Unang paglusong ito ni Paula ng PUP sa daluyong ng masang Pilipinong nakikibaka. “[I]pinaglalaban namin na huwag tanggalin ‘yong [kursong] Filipino sa kolehiyo kasi mawawalan kami ng [program] at mawawalan din ng subject ‘yung ibang estudyante,” aniya. Panawagan pa niya, “´Yung Tanggol Wika kasi, gusto namin na, itinataas kasi ngayon ‘yung lebel ng pag-aaral ng Filipinolohiya [ng PUP] para ipantay sa UP kaso ngayon, sinasabing tatanggalin na naman daw ulit. So, maaaring mawawalan kami ng [programa] at hindi namin alam kung saan kami mapupunta kung mawawala ‘yong [kursong] Filipino.”

Cerio Solage, 20

Wala siyang kinakabibilangang organisasyon at katatapos lang niya ng kurso na Bachelor of Secondary Education Major in Social Studies. Sabi niya, nais niyang maging guro sa hinaharap at alam niya ang hinaing ng mga guro kung saan nagtratrabaho ng sobra ngunit sila’y hindi nababayaran ng sapat sa kanilang serbisyo. Nakikiisa siya sa panawagang pagtaas  ng sweldo ng mga guro sa pambulikong paaralan. Naudyok din siya na sumama sa United People’s SONA dahil sa mga sinasabi ni Duterte na laban sa mahihirap at kababaihan. Maging ang mga polisiya niya na hindi tumutupad sa kanyang mga pinangako. At higit sa lahat ang mga direksyon na tinutulak ng pangulo na mala-diktador sa bayan.

Mula sa mga panayam nina Emmanuel Salamanca, Coleen Gonzales, James Michael Benitez ng Liga ng Kabataang Propagandista

The post #SONA2018: Panawagan ng Kabataan appeared first on Manila Today.