Nagbunyi ang grupong pangkababaihan na Gabriela sa pansamantalang paglaya ng bilanggong pulitikal na si Hedda Calderon matapos siyang payagang magpiyansa ng Sta. Cruz Regional Trial Court nitong Hunyo 3.
“Ang ibig sabihin nito, kahit yung korte, hindi mapasubalian na mahina yung kaso laban sa kanya, dun sa ‘illegal possession of firearms (and) explosives’,” ani Joms Salvador, pangkalahatang kalihim ng Gabriela.
Nanawagan ang grupo na matapos mapalaya si Calderon, kailangang sundan din ito ng pagpapalaya sa tinaguriang “Sta. Cruz 5” na biktima diumano ng gawa-gawang kaso na illegal possession of firearms and explosives.
Noong Oktubre 15, 2018, hinuli ang lima, kasama si Calderon, 64, habang bumibiyahe patungo sa isang konsultasyon kay Adelberto Silva, konsultant pangkapayapaan ng National Democratic Front of the Philippines. Pag-uusapan sana umano nila ang mga panukala para sa programang Comprehensive Agreement on Socio-Economic Reforms (Caser).
Nanggaling sa iba’t ibang sektoral na organisasyon ang apat na kasamahan ni Calderon na sina Edisel Legaspi, Ireneo Atadero at Julio Lusania.
Ang hinala ng mga hinuli, ginawa ito sa kanila ng pulisya ng rehimeng Duterte para “may ipakitang mga sangkot” diumano sa planong “Red October.” Ito ang planong sinasabi ng rehimeng Duterte na isinagawa raw ng mga kalaban ng gobyerno para mapatalsik si Duterte.
Ayon kay Salvador, patuloy lang ang grupo sa kanilang paglaban upang mapawalang-sala ang Sta. Cruz 5. Malakas umano ang tsansa na mapalaya ang apat, kung patas lang na titimbangin ang ebidensiyang ipiniprisinta laban sa kanila.