Stop the Attacks

0
283

Kaliwa’t kanan ang atake sa karapatan ng mga mamamayang Pilipino  ng rehimeng Duterte. Dito, tatalakayin ang mga isyu at kaso na nagpapamalas ng mga atake ng rehimen sa karapatanng mga Pilipino, mula sa karapatan sa kabuhayan at serbisyo, hanggang sa karapatang sibil at pampulitika, hanggang kolektibong karapatan ng mga Pilipino bilang nagsasariling lahi at bansa.

Edukasyon, lalong di-natatamasa ng mahihirap

Libre na raw ang edukasyon sa Pilipinas, sabi ng rehimeng Duterte?

Itinulak ng deka-dekadang paglaban ng estudyanteng Pilipino sa bansa ang libreng matrikula sa state colleges and universities mga . Nagresulta ito sa paglagda ng Republic Act No. 10931, o ang Universal Access to Quality Tertiary Education Act—mga panukalang mga batas na pangunahing itinulak nina Kabataan Rep. Sarah Elago sa Kamara at Sen. Bam Aquino sa Senado. Iniutos ng naturang batas na hindi na maaaring mangolekta ng tuition ang pampublikong mga kolehiyo at pamantasan.

Malinaw na tagumpay ito para sa kabataang Pilipino. Pero simula’t sapul, malinaw ring malaking bahagi ng kabataan ang wala pa ring akses sa edukasyon. Ito’y dahil wala naman kakayahan ang SCUs sa bansa ngayon na pag-aralin ang mas malaking bilang ng kabataang dapat na nag-aaral sa kolehiyo. Mas marami ang bilang ng pribadong mga pamantasan at kolehiyo. Sa mga institusyong ito, walang interes o walang kapangyarihan ang gobyerno na pigilan ang pagtaas ng mga matrikula.

Samantala, sa elementarya at hayskul, hindi rin maampat ng gobyerno ang pagtaas ng mga matrikula. Sa tantiya ng Anakbayan, mahigit 500 pribadong eskuwelahan ang nagtaas ng matrikula at iba pang singilin nang lima hanggang 15 porsiyento.

“(M)alupit, di-makatwiran at kontra-mamamayan ang pagtaas ng matrikula sa pribadong mga eskuwelahan lalo na’t nagdagdag pa ng dalawang taon ng pag-aaral (ang mga estudyante) sa programang K-to-12 at dahil walang-katapat ang pagtaas ng presyo ng batayang mga bilihin tulad ng pagkain at langis dahil sa Train (Tax Reform for Acceleration and Inclusion) Law,” sabi ni Einstein Recedes, tagapangulo ng Anakbayan.

Sa madaling salita, nagkaroon man ng RA 10931, lumalabag sa karapatan ng kabataang Pilipino sa edukasyon ang rehimeng Duterte. Ipinagpatuloy nito ang implementasyon ng pabigat na K-to-12, pinayagan ang pagtaas ng matrikula sa pribadong mga paaralan (hindi naman kasi kayang iabsorb ng SCUs ang lahat ng kabataang dapat mag-aral), at lalong pinahirapan ang kabataan at mga magulang sa mga gastusin dahil sa Train Law.

Galit sa kababaihan, o takot sa kababaihan

Sa usapin ng panghahamak ng kababaihan, saan ba dapat magsimula kay Pangulong Duterte?

Bukod sa tahasang pagtapak sa karapatang pantao, regular rin kung yurakan ni Duterte ang karapatan ng kababaihan. Isa sa mga nagpasikat sa kanya noong eleksiyon ng 2016 ay ang pagpapahayag na “dapat meyor muna ang nauna” sa paggahasa sa pinaslang na Australian missionary taong 1989.

Maraming pagpapalusot ang pangulo, mula sa pagsabing “freedom of expression” niya ang pagpasuwit sa isang reporter noong 2016 kahit labag ito sa iba’t ibang ordinansa hanggang sa pagpilit na biro lang ang paghalik niya sa isang Filipina sa Korea noong Hunyo. Nagparamdam din ng hindi pagkilala sa Republic Act No. 9262 o Anti-Violence Against Women and Their Children Law ang pangulo matapos nito sabihin sa talumpati na nararapat mabaril sa kanilang ari ang kababaihang miyembro ng New People’s Army o NPA.

Sa dalas at tagal na niyang paghahamak sa kababaihan, nasisiguro nating hindi na lang simpleng biro ang misogyny o pang-aalipusta niya sa kababaihan na nakaugat sa kanyang pagkatakot dito. Ayon sa grupong pangkababaihang Gabriela, direktang kaugnay ang pagkatakot niyang ito sa kababaihan sa tindi ng batikos na inaabot niya sa kababaihan sa kanyang dipagtupad sa mga pangako noong tumatakbo siya. Ang grupong Gabriela ang isa sa pinakaunang binuntunan niya ng galit noong panahon ng eleksiyon dahil binabatikos siya nito–hindi lang sa usapin ng pang-aalipusta sa kababaihan, kundi dahil sa mga polisiya nitong maka-dayuhan at maka-mayayaman tulad ng Train Law at iba pa.

Bukod sa Gabriela, nagkataon namang mga babae rin ang marami sa tradisyunal na mga pulitiko at lider na nagpakita ng pagtutol sa kanyang pamamalakad–mula kay Bise Presidente Leni Robredo, hanggang kay Sen. Leila de Lima, hanggang kay Ombudsman Conchita Carpio Morales at dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno. Dahil dito kaya siya nakabuladas ng kontra-kababaihang pahayag na “hindi para sa kababaihan ang ilang posisyon (sa gobyerno).”

Kontraktuwalisasyon, nananatili pa rin

Kahit pa pumirma si Duterte sa Executive Order 51 noong Mayo 1, 2018 para wakasan daw ang kontraktuwal na paggawa, di pa rin natitigil–at sa halip ay pinagtibay lang–ito. Malinaw, taliwas ito sa hiling ng mga manggagawa.

Agad na inilantad ito ng Kilusang Mayo Uno na peke ang naturang kautusan na nagpapanggap na wawakasan ang kontraktuwalisasyon. Sinisingil ng mga manggagawa ang pangulo lalo na’t ipinangako niya ito noong eleksiyong 2016.

Marso 2017, inilabas ni Department of Labor and Employment Sec. Silvestre Bello III ang Department Order 174 na nagtakda ng mahigpit na pamantayan sa kontraktuwalisayon. Ipinag-uutos nito na gawing regular ang mga manggagawa–pero maaaring maging “regular” sila sa mga ahensiya, at hindi direkta sa mga kompanya. Umalma ang mga manggagawa dahil isa itong pag-atras mula sa ipinangako ng pangulo.

Mahigpit na nagbuklod ang grupo ng mga manggagawa ng KMU at koalisyong Nagkaisa! para itulak ang isang ng isang draft EO na tunay na wawakas sa kontraktuwalisasyon at magsisilbing alternatibo sa DO 174 ni Bello.

Mayo 1, 2017, muling nangako si Duterte na pipirma ng kautusang magwawakas sa kontraktuwalisasyon. Ipinasa ng mga manggagawa ang kanilang borador na kautusan sa Malakanyang noong Mayo 9, 2017. Itinakda itong talakayin noong Mayo 15, 2017, hanggang nausad sa Hunyo 27, taong iyon. Pero hindi na naituloy mula noon. Ni hindi na ito nabanggit ni Duterte sa kanyang ikalawa at ikatlong State of the Nation Address.

Lalong nagalit ang mga manggagawa dahil sa kabila ng mga utos ng DOLE na iregularisa ang kontraktuwal na mga manggagawa sa maraming empresa, balewala ito sa mga kapitalista. At walang nagagawa ang gobyerno rito.

Naglulunsad ang mga manggagawa sa iba’t ibang empresa at rehiyon ng mga protesta at welga para igiit ang karapatan sa seguridad sa trabaho at itigil ang malawakang tanggalan. Kasama sa mga naglunsad ng welga o protesta: mga manggagawa ng NutriAsia, na ilang beses nang dinahas ang piketlayn, at PLDT, na sa halip na iregularisa o i-absorb mula sa mga ahensiya ay tinanggal sa kanilang mga trabaho

Dalawang taong krisis sa sistema ng pabahay

Karapatan ng Pilipino ang magkaroon ng disente at maayos na tirahan. Pero sa dalawang taong panunugkulan ni Pangulong Duterte, patuloy na naipagkakait ang maayos na matitirhan sa mga maralita. Sa kabila ng mga pangakong pagbabago ni Duterte noong panahon ng kampanya, marami pa ring mga Pilipino ang walang tirahan. Kabilang dito ang renters at sharers. Ang mas malala, marami pa rin ang pawang sa mga bangketa at gilid ng kalsada naninirahan.

Pinalalala lang ang reyalidad na ito ng walang tigil na taas-presyo ng mga bilihin, habang nanatiling di-nakabubuhay ang sahod ng mga nakaempleyo.

Sa unang taon ni Duterte, naging matunog sa bansa ang Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) dahil sa pangunguna nito sa pagokupa ng tiwangwang na mga pabahay sa Bulacan. Walang pinto, walang bintana, puro damo at ang iba’y sira ang pawang inokupa ng mga maralita. Ang dahilan ng pag-okupa: igiit ang kanilang karapatan sa pagkakaroon ng sariling tahanan.

Napasakamay ito ng mga maralita hindi dahil ipinagkaloob ito sa kanila ng gobyerno. Anila, ang kanilang sama-samang pagkilos ang naging dahilan ng kanilang tagumpay.

Dahil sa paggiit ng Kadamay, natulak ang Kongreso na magpasa ng Joint Circular No. 2 na nagpapayag sa pamamahagi ng mahigit 55,000 tiwangwang na pabahay ng pulis at militar para ipamahagi sa mga maralita at empleyado ng gobyerno. Pero hanggang ngayon, “tiwangwang” pa rin ang implementasyon nito.

Dahil dito kaya’t sa inisyatiba ng ilang samahan, nagsagawa sila ng “Bantay Bahay” kung saan kanilang babantayan ang mga pabahay. Pero ipinamalas ni Duterte na wala siyang simpatya sa mga maralita; pinagbantaan pa niya ang Kadamay ng dahas sa Montalban, Rizal.

Mahihirap ang naging target ng administrasyon mula sa gera kontra droga nito hanggang sa pinakahuling atake nito sa mga ‘tambay’. Pero nakikita nila na halaga sa paggiit ng kanilang karapatang mabuhay, lalo na ang karapatan sa maayos na pabahay.

Migrante api pa rin, kaanak nila naghihirap pa rin

Isa ang sektor ng mga Pilipinong manggagawa sa ibang bansa o overseas Filipino workers (OFW) sa mga pinangakuan ni Pangulong Duterte. Aniya, hindi na nila kailangan lumabas nang bansa para magtrabaho. Aniya pa, papabalikin sila sa Pilipinas at dito na lang magtrabaho.

Ngunit isa sa mga pangako ito na tila wala siyang planong tuparin. Ano ang ibibigay niyang trabaho sa mga uuwi sa Pilipinas, lalo pa’t nananatili ang mga OFW kahit sa mga bansang may sigalot? Anila, may kikitain sila doon kaysa bumalik sa Pilipinas na walang maaasahang trabaho o pagkakakitaan.

Nailagay rin ng pangulo ang mga OFW sa panganib. Hindi naging suwabe ang kanyang diplomasiyang pakikitungo sa mga bansang may mga OFW, tulad sa Kuwait. At hanggang ngayon, hindi pa rin nakakauwi ng bansa ang mga OFW na may problema na sa empleyo (tulad ng sa Saudi Arabia) o nasa bingit ng bitay o panganib.

Nailalagay din ng pangulo sa seksuwal na panganib ang mga kababaihan dahil sa kanyang misogyny. Maaaring mailagay sa seksuwal na panganib ang kababaihang OFW dahil sa ipinakitang paghalik ni Duterte sa isang babae sa talumpati niya sa Korea kamakailan, ayon kay Arman Hernando ng Migrante Pilipinas.

Hindi pa rin naaawat ni Duterte ang labor export policy. Patuloy ang pangingibang bansa ng mga Pilipino sa kawalan ng trabaho at nakabubuhay na sahod. At sa hinaba ng panahon, patuloy na makararanas ng kahirapan at kawalan ng garantiya na tutulungan sila ng gobyerno ng Pilipinas sa panahon ng panganib.

Bungkalan sa panahon ni Duterte 

Tila walang maaasahan ang mga magsasaka sa rehimeng Duterte sa pagpapatupad ng tunay na repormang agraryo kundi ang umasa sa sariling lakas.

Sa dalawang taon ni Duterte, wala ni isa mang asyendang nabuwag bagkus ibayong paghihirap pa ang nararanasan ng mga magsasaka.

Kaya naman isinulong ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas ang pambansang bungkalan na ipinatutupad ng mga balangay nito sa mga probinsya at rehiyon.

Karaniwan ito sa mga ipinaglalabang lupain gaya ng 372-ektaryang Lupang Ramos sa Dasmarinas, Cavite.

Nakaranas ng serye ng pananakot at pandarahas mula sa grupo ng mga Herrera at Pangilinan na nagsimula noong Mayo 28 nang tangkain umanong itaboy ang mga magsasaka mula sa bungkalan. Nitong gabi ng Hunyo 4, pinaputukan ang mga magsasaka mula sa Katipunan ng Lehitimong Magsasaka at Mamamayan sa Lupang Ramos (Kasama-LR) malapit sa lugar ng bungkalan.

Samantala, nagsagawa ng dalawang araw na bungkalan ang mga manggagawang bukid sa Negros Occidental, isa sa Silay City na pinangunahan ng Aidsisa Farmworkers Association at ang isa naman ang 487-ektaryang Asyenda Maasin sa bayan ng Murcia.

Ayon sa Tanggol Magsasaka, ang sektor ng pagsasaka ang pinakabulnerable sa pang-aabuso mula sa estado. Nakapagtala ang grupo ng hindi bababa sa 150 pamamaslang sa mga magsasaka sa buong bansa.

Ayon sa Anakpawis Party-list, kung nais ng gobyerno na maiwasan ang pag-aaklas ng mga magsasaka sa bansa, dapat makinig ito sa kanilang petisyon at, mas higit, sa pagkawala nito sa interes ng dayuhang monopolyo, oligarkiya, at malalaking asyendero, at maipatupad ang tunay na repormang agraryo.

Dagdag pa, dapat hindi tumalikod ang gobyernong Duterte sa usapang pangkapayapaan sa National Democratic Front of the Philippines na isa sa pangunahing agenda ang repormang agraryo. Sapagkat nananatiling ang kawalan ng lupang sinasaka ang isa sa pangunahing dahilan ng armadong paglaban ng mga mamamayan.

Nakatali pa rin sa dikta ng US

Noong 2016, inanunsiyo ni Pangulong Duterte na hihiwalay na siya sa United States (US) hindi lamang sa usaping militar kundi maging sa ekonomiya. Ipinagmalaki niya ito sa harap ng mga opisyal ng gobyerno ng China sa Philippines-China Trade and Investment Forum na ginanap sa Beijing.

Sinabi niya ito na tila humihingi ng saklolo sa China at nagpasaring na pupunta rin siya sa Russia para kausapin ang lider nitong si Vladimir Putin.

Pinangalandakan pa ni Duterte na hindi siya pupunta sa Amerika. Nagbanta pa siya na iyon na ang huling Balikatan Exercise na magaganap sa Pilipinas, pero ilang taon lamang ang lumipas, tila lumabnaw ang paninindigan ng pangulo laban sa makapangyarihang bansa.

Ang Balikatan ang ehersisyong militar sa pagitan ng Pilipinas at US na naisasagawa sa bisa ng mga kasunduan ng dalawang gobyerno tulad ng Military Defense Treaty (1951), Visiting Forces Agreement (VFA) (1999) at pinakahuli, ang Enhanced Defense Coperation Agreement (EDCA) (2014) simula nang palayasin ang mga base militar ng mga Amerikano sa bansa noong 1992.

Nitong nakaraang Mayo lamang, 3,000 sundalong Amerikano, kasama ng 5,000 sundalong Pilipino ang nagsagawa ng Balikatan sa karagatan ng Zambales, malapit sa teritoryong inaangkin ng China. Dagdag pa rito ang mga sundalong mula sa Australia, Japan, at South Korea bilang mga taga-obserba.

Layunin umano ng EDCA, na susog sa MDT at VFA, na panatilihin ang kapayapaan at seguridad sa rehiyon.

Umalma ang mga progresibong grupo dahil sa masamang epekto ng Balikatan. Kabilang dito ang mga mangingisda na hindi makapaghanap-buhay kapag may isinasagawang ehersisyo-militar.

Kaduda-duda rin umano ang layunin ng US na protektahan ang Pilipinas dahil may sariling adyenda ito sa rehiyon sa harap ng panghihimasok na ginagawa ng China sa karagatan ng bansa.

Sinisisi ng mga progresibo si Pangulong Duterte dahil sa pangayupapa nito – hindi naninindigan laban sa direktang paglabag sa soberanya ng Pilipinas, maging ng US o China – taliwas sa pag-aastang nitong matapang na pinuno habang labas-masok sa karagatan ng Pilipinas ang mga barko at eroplanong pandigma ng dalawang higanteng mga bansa.

Kainutilan sa West Philippine Sea

Tulad ng isang asong kahol nang kahol ang mga matatapang na pahayag ni Duterte sa mga kritiko nito na kapwa niya Pilipino. Tila walang sinasanto ang Pangulo sa kaniyang mga pahayag mula sa mga protektor at sangkot sa droga, mga korap na opisyal, mga kritiko nito lalo na ang nasa Kaliwa, at maging sa simbahan.

Isang ‘matapang at matigas’ na tila hindi matitinag na Pangulo ng Pilipinas ang nais nitong ipakita.

Pero walang saysay ang katapangang ipinakikita ni Duterte pagdating sa usapin ng kainutilan nito sa isyu ng West Philippine Sea. Kung tila isang matapang na asong tagapagbantay si Duterte sa mga tumutuligsa sa kaniyang gobyerno, mistula namang isang asong nabahag naman ang buntot ang mga pahayag nito sa China.

Sa kabila nang tagumpay ng Pilipinas sa Permanent Court of Arbitration sa The Hague, Netherlands noong Hulyo 16, 2016, walang malinaw o konkretong ginawa ang administrasyong Duterte upang gamitin ito upang igiit ang karapatan ng Pilipinas sa sarili nitong teritoryo.

Bagkus, mistulang naging tagapagsalita pa ang Malakanyang ng China sa usapin ng pinaglalabanang teritoryo. Halos ipagtanggol ng gobyerno ni Duterte ang ginagawang pangaagaw ng teritoryo ng China na nakapagtayo na ng mga military facilities sa mga teritoryo ng Pilipinas.

Ayon kay Harry Roque, tagapagsalita ng Palasyo, pasasalamatan pa daw natin ang China pagdating ng panahon sa pagtatayo ng mga nasabing pasilidad. Kung ang pahayag naman ni Duterte ang pakikinggan, wala na sigurong mas malinaw na pahayag ng pagsuko sa pagsabi niyang “wala na tayong magagawa d’yan”.

Habang patuloy ang pang-aagaw ng China sa West Philippine Sea at nagpapatuloy ang paglaban ng mamamayan para dito, tila walang malinaw na nais gawin ang administrasyong Duterte upang ipagtanggol ang teritoryo ng Pilipinas.

Panunupil sa tradisyunal na oposisyon

Sa kagustuhan niyang ikonsentra ang kapangyarihan sa sarili, walang patlang na inupakan ni Pangulong Duterte ang tradisyonal na pampulitikang oposisyon.

Tulad ng mga “delawan” (dilawan). Sa social media accounts at pages ng mga tagasuporta ni Duterte (mga DDS, o Duterte Diehard Supporters), mga “delawan” ang laging nasisisi sa mga problema ng bayan. Taktikang ginamit ito ng mismong mga dilawan sa panahon ni dating Pangulong Aquino: si Gloria Macapagal-Arroyo naman ang pinagbubuntunan ng sisi sa mga kasamaang nangyayari sa bayan.

Dito nakatuntong ang pagpapakulong ng rehimeng Duterte kay Sen. Leila de Lima, sa akusasyong siya ang pangunahing dahilan daw ng pagkalat ng ilegal na droga sa bansa.

Samantala, wala ring patlang ang pag-upak niya sa maiingay na mga kritiko niya sa tradisyunal na oposisyon tulad ni Sen. Antonio Trillanes IV. Hindi pa man niya nagagawang kasuhan si Trillanes, tiyak na hinahanapan na niya ito ng mapupukol na kaso o paratang. Samantala, pagkatapos ni De Lima, tinarget ni Duterte na makopo ang Hudikatura. Partikular rito si Chief Justice Maria Lourdes Sereno, na nauna nang nagsalita laban sa mga abuso sa ilalim ng giyera kontra droga (tulad ng pagtarget sa mga hukom na nababansagang kumakanlog sa mga drug lord).

Ginamit naman ni Duterte sina House Speaker Pantaleon Alvarez at Senate President Koko Pimentel (at, kalaunan, si Sen. Pres. Tito Sotto) para tanggalin sa pamunuan ng mga komite sa Kamara at Senado ang mga miyembro ng oposisyon. Habang nagpatuloy sa paggamit ng pork barrel ang mga mambabatas sa kampo ni Duterte (ang tinaguriang “supermajority” dahil sa dami ng pulitikong dating kaalyado ni Aquino na nagtalunan sa kampo ni Duterte), pinagkakaitan naman nito ang mga nasa oposisyon. Pangunahin sa target ng panunupil sa loob ng Kamara ang blokeng Makabayan (mga kinatawan ng Bayan Muna, Gabriela, ACT Teachers, Anakpawis at Kabataan).

Tinarget din ni Duterte ang tinaguriang nasa “ikaapat na Estado” — ang midya. Patuloy ang pagbanta niya sa ABS-CBN-2, habang binawian na ng lisensiya ang online news site na Rappler.

Lantarang pang-aabuso sa batas militar sa Mindanao

Kalagitnaan ng 2016, bago mag-unang anibersaryo si Pangulong Duterte sa poder, pumutok ang krisis sa Marawi. Sinasabing inatake ng mga terorista ang siyudad, at dumepensa lang ang militar. Naging oportunidad ito para ipasailalim sa batas militar, hindi lang ang Marawi, kundi ang buong Mindanao.

Lumikas ang daanlibong sibilyan na naipit sa giyera sa pagitan ng tropa ng gobyerno at diumano’y “grupong Maute”. Nagkalat ang mga sibilyan na sapilitang pinalikas ng mga sundalo sa iba’t ibang evacuation centers. Walang maayos na rasyon ng pagkain, walang malinis na tubig at maayos na suplay ng kuryente. Nagkakahawaan na rin ng sakit ang mga sibilyan. Higit sa giyera, impyerno ang kanilang naranasan.

Halos limang buwan tumagal ang krisis sa Marawi subalit sa halip na ipawalang-bisa ang batas militar, pinalawig ang bisa nito hanggang sa katapusan ng 2018. Sa halos kalahating taon, 14,000 iba’t ibang kaso ng mga paglabag sa karapatang pantao, ayon sa Regional Human Rights Commission of Autonomous Region of Muslim Mindanao. Kabilang sa mga ito ang indiscriminate firing, ilegal na pag-aresto, pagbabanta, pananakot at harassment na pawang isinagawa ng militar.

Habang umiigting ang giyera sa Marawi, umigting din ang giyera sa buong Mindanao, lalo na ang mga komunidad ng mga magsasaka at Lumad. Kalaunan, luminaw: ang target ng batas militar ay hindi na lang ang mga terorista, kundi lalo ang rebolusyonaryong kilusan na lumalakas sa naturang isla. Pagkakataon din para sa rehimen na harasin o ikulong ang mga lider at miyembro ng progresibong mga organisasyon.

Kamakailan, 13 inaresto nang walang warrant of arrest sa General Santos City. Pawang mga lider at taong-simbahan ang dinakip habang nagsasagawa ng pulong at tinatalakay ang isyu ng mga lumad. Gawa-gawang kaso ang ikinaso sa kanila.

Binasbasan pa ng Korte Suprema ang mga pangaabuso nang ideklara nitong legal ang batas militar sa Mindanao.

Samantala, pawang mga biktima ng batas militar ang mga magsasaka, lider, taong-simbahan, katutubo, kababaihan at kabataan dahil sa mga pangakong sadyang pinako ng pangulo sa kanila

Madugong rehimen ni Duterte

Lagpas 12,000 na ang tala ng napaslang sa ilalim ng administrasyong Duterte, ayon sa Human Rights Watch (HRW). Kabilang dito ang pagpatay ng pulisya sa mga drug suspect sa ilalim ng Oplan Tokhang, at ang pagpatay ng mga unidentified gunmen sa mga sibilyan at aktibista.

Halimbawa nito ang pamamaril kina Elisa Badayos, tagapag-ugnay ng Karapatan sa Negros Oriental, at Elioterio Moises, lider-magsasaka ng Mantapi Ebwan Farmers Association noong Nob. 28 ng nakaraang taon sa Dumaguete City.

Ayon pa sa HRW, ito na ang isa sa pinakamadugong panahon para sa Pilipinas na maihahalintulad sa diktadurya ni Ferdinand Marcos noong martial law.

Ngunit walang bahid ng pagsisisi si Pangulong Duterte, na minsan pa nga’y tinawag na “collateral damage” ang mga namatay na bata at inosenteng sibilyan sa ilalim ng giyera kontra droga.

Ngayon, mas lumawak pa ang saklaw ng mga pagpatay. Nauwi sa pagkamatay ang pagkakakulong ni Genesis “Tisoy” Argoncillo. Siya ang kauna-unahang namatay dahil sa Oplan Tambay.

Kaliwa’t kanan din ang pamamaril sa mga miyembro ng simbahan at maging sa mga nasa gobyerno. Sa huling tala, tatlong pari, dalawang mayor, at isang vice mayor na ang naging biktima ng pamamaril. Ang isa sa mga isinagot ni Duterte? Chismis na pagkakaroon ng kabit ng pari.

Ayon kay Harry Roque, ang lumalalang pagpatay sa mga pari at pati na rin siguro sa ibang sektor ay pakana ng mga grupong hindi bahagi ng gobyerno. Nilalayon umano ng mga grupong ito na pagwatak-watakin ang bansa.

Ngunit kung may isang napatunayan ang sunod-sunod na pagpatay, ito ay ang mas nagkakaisang panawagan ng mga mamamayan na kilalanin ng administrasyong ito ang kanilang karapatang mabuhay.

Lupang di-naipamahagi, pagmiminang di-napigil

Umasa ang mga mamamayan sa pangako ni Pangulong Duterte ukol sa negosyo, pagmimina at pamamahagi ng lupa. Nagmistulang maka-mamamayan ang kanyang mga panukala, at naging mas abot-kayang gawin ito ng kanyang administrasyon sa pagtatalaga kina Rafael Mariano sa Department of Agrarian Reform at Gina Lopez sa Department of Environment and Natural Resources.

Si Lopez, na namukod tangi sa kanyang trabaho para sa pangangalaga ng kalikasan, ay naglabas ng mga kautusan, ng malakihan at mabilisang mga patakaran at pagbabago para masawata ang nakasisirang malakihang pagmimina sa bansa.

Lagpas 20 operasyon ng malalaking dayuhang kompanya sa pagmimina ang pinatigil ni Lopez, bagay na ikinatuwa ng mga mamamayan lalo na ng mga katutubo para sa proteksyon ng kanilang mga lupaing ninuno.

Ngunit bagay itong hindi ikinatuwa ng mga mayayamang negosyante.

Sa mabilisang mga hakbang, matagumpay nilang inalis si Lopez upang palitan ng personaheng mula sa hanay ng militar. Kapansin-pansin din ang unti-unting paglalagay ni Duterte sa matataas na puwesto ng mga personaheng mula sa hanay na ito.

Sa loob ng panahong iyon, bumalik ang presensiya ng militar sa mga pamayanan. Sumigla muli ang pagmimina na may proteksiyong militar. Makikita rin sa kasaysayan ang madalas na sabwatan ng malalaking negosyo at militar.

Nagpatuloy ang mga atake sa komunidad hindi na lamang sa ngalan ng pagmimina kundi pati na rin sa ngalan ng development aggression. Makikita ito sa kalagayan ng mga Lumad sa Mindanao hanggang sa mga Aeta sa Clark, at maging sa iba pang mga komunidad ng mga katutubo.

Nitong huli lang, matapos ang mahigit isang taong pagkakaalis sa puwesto ni Lopez, sinabi ni Duterte na naniniwala siyang may “conspiracy” sa pagkakaalis ng dating sekretaryo ng DENR. Matapos ang pagbuwelta ng mga negosyo laban sa interes ng mga mamamayan, saka pa lang nagsalita ang Pangulo.

Hugkang ang mga salitang ito ng Pangulo sa panahong kongkretong maka-mamamayang mga proyekto ang ipinapanawagan ng mga mamamayan.