#StopTheAttacks sa Gawad Urian

0
199

“Inaatake ngayon ang ating mga karapatan—ng mismong Pangulo na nangakong poprotektahan ito.”

Ganito ang simula ng pahayag hinggil sa kampanyang #StopTheAttacks—isang public information campaign para bigyang-pokus ang iba’t ibang kaso ng malawakang paglabag sa karapatang pantao ng rehimeng Duterte. Saklaw nito ang mga kaso ng pamamaslang na ekstrahudisyal sa ilalim ng giyera kontra droga, gayundin ang batas militar sa Mindanao na nagbiktima sa mga komunidad ng mga Moro, Lumad at magsasaka.

“Araw-araw, lalong nakokonsentra sa Pangulo ang pampulitikang kapangyarihan. Samantala, lalong nakokonsentra naman sa iilang elite ang kapangyarihang pang-ekonomiya—sa kapamahakan ng mayoryang Pilipinong mahihirap na pumapasan ng di-nakatwirang buwis, taas-presyo ng mga bilihin at mababang sahod,” sabi pa sa pahayag.

Nitong Huwebes, Hunyo 14, sa awarding ceremony na Gawad Urian ng Manunuri ng Pelikulang Pilipino (Manunuri)–ang isa sa pinaka-prestihiyosong award-giving body sa pelikulang Pilipino—sinuot ng mayorya ng mga nominadong artista, gayundin ng mga kritiko, ang pin ng logo ng kampanyang #StopTheAttacks.

Kabilang sa mga nagsuot ng #StopTheAttacks pin sina Arnel Barbarona, ginawarang Best Director ng ng Tu Pug Imatuy (pelikula hinggil sa pakikibaka ng mga Lumad), Kiri Dalena (na nagwaagi sa Best Short Film), Dido dela Paz na nagwaging Best Supporting Actor para sa pelikulang Respeto, ang direktor ng Respeto na si Treb Monteras III, mga filmmaker ng Best Documentary Film na Yield, mga prodyuser ng Best Picture na Balangiga: Howling Wilderness ni Khavn, at marami pang iba.

Suot din ito ng maraming miyembro ng Manunuri tulad nina National Artist Bienvenido Lumbera, Roland Tolentino, Patrick Campos, Gigi Alfonso, at marami pang iba.

“Bilang mga artista at manggagawang pangkultura, hindi kami papayag na tumabi na lang habang nagpapatuloy ang lantarang pamamaslang at tumitindi ang walang habas na atake sa mga mamamayan,” sabi pa ng pahayag.

“Isinasama namin ang boses namin sa lumalakas na pagtutol kontra sa mga atakeng ito sa ating mga karapatan.”

Layunin ng kampanyang #StopTheAttacks na ipalaganap ang tampok na ehemplo ng mga paglabag sa mga karapatan para singilin at panagutin ang rehimeng Duterte sa mga krimen nito sa mga mamamayan.