Taas-presyo ng bilihin, pasan ng kababaihan

0
202

Dobleng sampal sa pamilya ni Juvy Gatmaitan, 22, ang pinakahuling taas-presyo ng langis at mga bilhin. Tindera kasi siya sa isang maliit na karinderya sa ilalim ng flyover sa kanto ng EDSA at Quezon Avenue sa Quezon City. Samantala, drayber naman ng jeep ang asawa niya.

“Kagaya niyan, imbis na ’yung dinagdag sa taas ng gasul namin, imbis na sa sobra na namin ’yun, nadagdag pa sa gastos ng tinda naming,” sabi ni Juvy. “Tapos imbis na maraming mailuluto, imbis na dalawa ’yung bibilhin namin, nagiging isa na lang kasi nagkukulang kami sa badyet.”

Tatlong dekada na ang pamilya niyang nagtitinda sa puwestong ito. Dati, nanay pa niya ang nanininda, ngayon siya na. Siya na rin ang bumabalikat sa pagbabadyet ng lumiliit na kita ng asawa.

“Imbis na (iyung) sobra na namin, (nagagastos pa dahil) tumataas nang tumataas ang (presyo ng) diesel,” sabi pa ni Juvy. “Dati, nakakapitong ikot kami. Sakto na ’yung P1,000. Ngayon, umaabot na ng P1,200 o P1,300, hindi pa rin puno yung tangke.”

Sa kabila ng sinasabi ng rehimeng Duterte na walang epekto ang pagpataw ng excise tax sa langis sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (Train) Law, ramdam ng mga katulad ni Juvy ang malaking perwisyo nito.

“Tapos, hindi naman tumataas ang pamasahe. Tumaas man, binababa rin nila,” himutok pa niya. “Tapos ’yung sa taripa at fare matrix, pagka-binaba nila yung pamasahe, sayang yung pagod ng operator tapos hindi rin naman binabalik ng gobyerno yung ginastos nila.”

Araw-araw, dumadausdos ang kalagayang pang-ekonomiya ni Juvy, ng kababaihang maralitang Pilipino, ng lahat ng maralitang Pilipino.

Taas nang taas

Sa gitna ng pasakit na hatid ng Train sa mga mamamayan, mas matindi at mabigat pa ang hatid na dagok ng panibagong serye ng pagtaas ng presyo ng langis at mga bilihin sa sektor ng kababaihan. Dahil ito sa ikalawang round ng implementasyon ng Train ngayong taon.

Para sa buwan lang ng Pebrero, tatlong sunud-sunod na linggo nagtaas ang presyo ng langis. Pebrero 26, sumirit na sa P1.45 kada litro ang tinaas ng presyo ng gasolina at diesel, pinakamalaking pagtaas mula noong nakaraang taon. Sa loob lang ng unang dalawang buwan ng bagong taon, umabot na sa anim na beses ang oil price hike kumpara sa isang beses lang na rollback. Dulot ng mga serye ng price adjustment, umaabot na sa P6.49 kada litro ang tinaas ng gasolina, P5.89 para sa diesel at P4.52 para sa kerosene.

Ayon sa Center for Women Resources (CWR), milyun-milyong kababaihan ang direktang apektado at malulugmok pa sa higit na kahirapan dulot ng kaliwa’t kanang oil price hike na dala ng Train. Ayon sa executive director ng CWR na si Jojo Guan, “Bago pa man ang implementasyon nito, kababaihan ang isa sa pinakamahirap na sektor na may average poverty incidence rate na 22.50 porsiyento para sa nakaraang dekada. Sa katunayan, pinapakita rin ng Poverty Census ng gobyerno na isa sa mga pinakamahirap na sektor sa bansa ang kababaihan. Bago pa man ipatupad ang Train, halos hindi na matugunan ng kababaihan ang kanilang mga pangangailangan. Maaasahan ang higit pang pagdausdos ng kanilang kalagayan sa panibagong round ng implementasyon nito.”

Dagdag pa ni Guan, pinapakita rin mismo ng datos ng Philippine Statistics Authority na isa sa limang Pilipino o 21.9 milyon sa bansa ang baon sa labis na kahirapan at hindi na kayang matugunan ang kanilang mga pinakabatayang pangangailangan.

Sa nasabing pag-aaral, binahagi ng CWR ang kuwento ni Sabrina, isang maybahay mula sa probinsiya ng Aurora, isa sa pinakamahirap na lugar sa Gitnang Luzon. Bukod sa pagharap sa dagok ng Train, kinakaharap din nila ang malaon nang problema ng kawalan ng regular na trabaho at kawalan ng mga lupang sasakahin.

Nagtatrabaho bilang mangingisda at tricycle drayber ang asawa ni Sabrina. Sa gitna ng tumitinding kahirapan, binahagi nito na sa panahong walang kita ang asawa, wala silang ibang magawa kundi uminom na lang ng tubig para kahit papaano’y lagyan ng laman ang hungkag na mga sikmura.

“Mahirap mabuhay kapag walang regular na kita; halimbawa kami, kapag walang mahuhuli o kaya panahon ng ulan, mahina ang huli, e-extra ng tricycle driver ang asawa ko. Kapag wala talagang kita, hindi na lang kami kakain tutal kaming dalawa lang naman. Ipagpapabukas na namin ang kain. Ayun, walang kita, walang kain,” aniya.

Patuloy sa pagsirit ang presyo ng mga bilihin at bayarin samantalang patuloy ring bumubulusok ang pang-araw-araw na kita. Sa pagragasa ng Train, maiiwang halos nag-aagaw-buhay ang milyun-milyong kababaihang Pilipino na pilit pinagkakasya ang kakarampot na badyet para sa kanilang mga pamilya.

May paraan

Dahil sa Train Law na nagdagdag ng P2.00 sa oil excise tax ngayong taon, higit na mataas ang binabayaran kaysa sa dapat, kung nakabatay sa world market price lang, ayon sa grupong pangkababaihan na Gabriela.

Ang ikinagagalit pa ng grupo, tila wala umanong makuhang simpatiya ang publiko mula kay Pangulong Duterte. Kasi ba naman, nagpahayag siyang hindi niya aawatin ang pagpapatupad sa implementasyon ng Train Law kahit pa malinaw ang pag-araw ng kababaihan at mga mamamayan sa walang habas na taas-presyo ng mga bilihin.

“Hindi dapat ginagawang dahilan upang patuloy na ipatupad ang tax reform program bilang pagkukunan diumano ng pondo para sa libreng edukasyon sa kolehiyo, dagdag-suweldo sa mga guro at kawani ng gobyerno, pensyon, libreng gamot at iba pang serbisyong pampubliko. Hindi dapat pinagbabangga ang para sa kagalingan at interes ng mga mamamayan sa responsabilidad ng gobyerno para makamit ang karapatan ng nakararaming mamamayan,” ani Joms Salvador, pangkalahatang kalihim ng Gabriela.

Aniya, maraming pondo ang pagkukuhanan ng gobyerno para sa mga serbisyo sa taumbayan at hindi na kailangan ng mga dagdag-buwis tulad para maipatupad ang mga ito. Puwedeng unahin na sa pagkukunan ang pagkaltas, halimbawa, sa iginawad na pork barrel sa mga kongresistang kapanalig ni Duterte. Siyempre, puwede ring pagkunan ang mababawing pondo kung seseryosohin talaga ng rehimen ang pagpuksa sa korupsiyon—na lumalala ngayon.

Nauna na ring iminungkahi ng Gabriela at iba pang progresibong organisasyon ang pagkontrol ng gobyerno sa presyo ng mga bilihin. Puwedeng gamitin ng rehimen ang Republic Act No. 7581, o ang Price Control Act, para magtakda ng ceiling o limit sa presyo ng batayang mga bilihin.
Siyempre, puwede ring itigil muna ng rehimeng Duterte, kung hindi man tuluyan nang ibasura, ang paniningil ng excise tax sa langis sa ilalim ng Train Law.

Sabi naman ni Anakpawis Rep. Ariel Casilao, kailangang ipresyur ang mga kapanalig ni Duterte para ibasura ang naturang buwis, lalo na ngayong panahon ng eleksiyon. Kailangan umanong matanto ng mga ito na kung hindi nila tutugunan ang hinaing ng naghihirap nang mga mamamayan, makakaharap nila ang “protest vote” ng masa laban sa kanila.

“Dapat panahon ito ng pagkuha ng puso at isipan ng mga mamamayan. [P]ero paano magagawa ng mga kandidato ng administrasyon ito kung wala silang ginawa kundi magpahayag ng loyalty kay Pangulong Duterte, na siyang nagpapatupad ng mismong mga polisiya na nagpapatindi ng kahirapan sa bansa,” ani Casilao.

Maliban sa pagsususpinde ng excise tax sa Train, maaari ring ibasura ni Duterte ang RA 8479 o Oil Deregulation Law, sabi pa ng progresibong kongresista.

Para makaagapay naman ang mga mamamayan, lalo na iyung suwelduhang mga manggagawa, sa taas-presyo ng mga bilihin, itinutulak ng Anakpawis, pati na rin ng iba pang progresibong party-list sa Kamara, ang House Bill 7787 na nagmumungkahi ng makabuluhang dagdag-sahod at P750 pambansang minimum na sahod sa buong bansa. Kasabay nito, itinutulak din nila ang House Bill 556 o ang Anti-Contractualization Bill, na magbabasura sa praktika ng kontraktuwalisasyon sa bansa.

May mga pamamaraan, ibig sabihin, ang rehimen para maibsan ang kahirapang pinapasan ngayon ng sambayanan. Ang problema lang, kung talagang manhid na ito at inuuna talaga ang interes ng iilang mayayamang siya namang nagbebenepisyo sa Train Law.

“Hindi lamang isyu ng mga drayber at komyuter ang pagtaas ng presyo ng langis. Isyu ito ng sambayanan. Apektado tayong lahat ng sunud-sunod na pagtataas nito at mas lalo tayong hinahagupit ng krisis dahil sa implementasyon ng Train Law. Kung kaya’t hindi tayo titigil sa pagpapabasura sa Train Law,” ani Salvador.

Para sa Gabriela, susi pa rin ang pagkakaisa ng pinakamalawak na mga mamamayang tulad nina Juvy at Sabrina para maitulak ang progresibong pagbabagong hinahangad.