Tama ng pandemya sa kawani

0
279

Malaki ang pagkabahala ng mga kawani ng gobyerno, hindi lang dahil sa pandemyang coronavirus disease-2019 (Covid-19), kundi ang epekto na rin nito sa kanilang pangunahing kabuhayan at kasiguruhan sa empleyo.

At malaki ang kanilang pagkabahala sa ulat ng Civil Service Commission (CSC) na isasara ang ahensiya ng gobyerno dahil sa pagtama ng Covid-19 sa mga empleyado nito.

Naunang isinaad ni CSC Komisyoner Aileen Lizada noong nakaraang linggo na mayroon nang 7,472 kawani ng gobyerno ang nagpositibo sa Covid-19, at may 10,000 ang sinususpetsang mayroon na rin ng mapaminsalang sakit.

Masakit pa, umabot sa 108 sa naisarang mga ahensiya ay nasa Kamaynilaan, kung saan nakaranas na ng dalawang kuwarantina mula Marso.

Hindi lang sakit

Pero hindi lang ito ang napipinsala ng sakit, paliwanag ni Santiago Dasmariñas, tagapangulo ng Confederation for Unity, Recognition, and Advancement of Government Employees (Courage).

“Hindi lang ang sakit ang mapaminsala. Hindi lang ang kawalan ng countermeasure upang masigurong ligtas ang mga kawani (ang problema). Mapaminsala rin ito sa serbisyong dapat na sinisigurong maiaabot sa kalakhan ng publiko lalo na ngayong sa panahon ng pandemya,” aniya.

Partikular na binanggit na ahensiya ni Dasmariñas ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), dalawang ahensiyang pinakakailangan ng publiko ngayon. Ang una, nangangasiwa sa pagaasikaso ng programang ayuda. Ang pangalawa nama’y sa kalinisan at kaayusan ng paligid.

“Kung partikular lang muna sa DSWD, sa datos na nakalap ng ating mga unyonista sa DSWD, mayroon nang 11 kumpirmadong kaso sa National Office malapit sa Batasan Road, habang 18 ang mayroon na sa DSWD-NCR. Nagkaroon na rin ng ulat ng isang kasawian noong Mayo sa MMDA, ” sabi ni Dasmariñas.

“Nakakatakot dahil kahit ngayo’y maaaring papalaki pa ang bilang na ito, lalo na sa mga opisina sa mga rehiyon,” dugtong pa niya.

Panawagan ng mga kawaning kontraktuwal ng Department of Social Welfare and Development, sa pamamagitan ng tuluy-tuloy nilang “silent action,” para sa ligtas na pagawaan at wastong pagbibigay ng hazard pay sa kanila, sa patuloy na panganib na dulot ng pandemyang Covid-19. Larawan mula sa Sweap

Nagpapaalala

Hindi naman nagpahuli ang Courage sa pagpaalala sa kanilang pangangailangan.

Mula pa Marso ang panawagan ng Courage para sa alternatibong paraan ng pagtatrabaho kung hindi man ligtas na kaayusan sa trabaho tulad ng work from home (tulad ng paper works) at flexi-work schedules habang nag-oobserba ng social distancing, at kung hindi maaari, may libreng sakay sana ang skeleton workforce, pagbabalik-tanaw ni Dasmariñas.

Batid niya na may matatanda nang kawani, kaya “immuno-compromised” o mahina ang resistensiya ng mga ito. “Kung walang mass testing, makokompromiso ang trabaho dahil baka ang kawani pa ang magiging source ng pagkahawa ng mga kliyente ng gobyerno,” sabi pa niya.

Diin ni Dasmariñas na responsabilidad ng gobyerno ang mga kawani nito, Hindi lang umano mga piyon ang mga kawani – mapa-regular man, o kontraktuwal at job-order na mga empleyado – sa panahon na tila laro lang ang kuwarantina at pagsasawalang-bahala.

“Kinokondena namin ang patuloy na kawalan ng protective equipment, ang kasiguruhan na may libreng testing at pagpapagamot sa lahat ng empleyado ng pampublikong sektor. Nagdurugo na ang mga frontliner, at mapaminsala na sa bansa ang kawalan ng aksiyon at pagkainutil. Ang kailangan natin ngayon, mass testing at nararapat na pagpapagamot,”pagtatapos ni Dasmariñas.