Text spamming sa eleksiyon

0
202

Hindi naman na bago sa mga Pilipino ang iba’t ibang mga pakulo ng mga kandidato para makilala, mula sa tv ads, mga flyer at sasakyang nagpapatugtog ng campaign jingle. Pero nitong nakaraang mga linggo, nababahala na ang ilang botante mula Metro Manila sa natatanggap na election-related messages ngayong panahon ng kampanya.

“Wala namang gan’to nung bumoto ako, 2016,” giit ng isang estudyante mula sa isang unibersidad sa Quezon City, “tapos natakot na ako para sa seguridad ko.”

Spamming

Giit ni Commission on Elections (Comelec) Spokesperson James Jimenez sa kanyang Twitter account, “Walang pagbabawal sa paggamit ng mobile number / SMS sa pangangampanya. Pero maaring pumasok yan sa anti-spamming regulations ng DOTC.”

Pero taong 2016 pa nang paghiwalayin sa dalawang ahensiya ang Department of Transportation and Communications (DOTC), ang Department of Transportation (DOTr) at Department of Information and Communication Technology (DICT).

Marahil ang tinutukoy ni Jimenez ay ang National Telecommunications Commission, na mayroong Memorandum Circular 03-03-2005 na nagsisilbing gabay para sa broadcast messaging, o malawakang pagtetext.

Nakasaad sa circular na “itinuturing na spam messaging ang unsolicited at unwanted promotional advertisements”. Kinakailangan kasing mayroong opt-out ang makakatanggap ng text, o pagkakataong umiwas sa pagtanggap ng parehong message. Kapag hindi nag-reply ang nakatanggap ng text, tinuturing na itong opt-out.

Walang tigil

Pero para sa isang guro sa Greenhills, hindi naman tumitila ang paulit-ulit na mensahe ng pangangampanya para sa pambansang mga kandidato tulad nina Imee Marcos, Bong Go, at Dong Mangudadatu.

May naiulat ding pumapasok na mga mensahe na nangungumbinsing bumoto sa iba pang kandidato ng admininstrasyong Duterte, sa ilalim ng Hugpong ng Pagbabago.

“Kailangang may paraan para hindi na makatanggap ng ganitong mapanghimasok na mga text dahil bordering on invasion of privacy na ito,” giit ng grupong Kontra Daya, isang independiyenteng election watchdog group.

Para sa NTC, walang isyu ng privacy rito. Pero puwede raw itong maituring na spam messaging, giit ni NTC Regulation Branch Administrative Asst. Erwin Cudiamat.

Pero lumalabas na walang pangil ang NTC para matigil ang spamming na ito. Ayon kay Cudiamat, nasa kamay na ng telecommunication companies (telcos) ang pagsasawata rito. Kung lalabag raw ang mga sender, nakadepende na sa telcos ang susunod na hakbang.

Pero nasa interes ng telcos na huwag pigilan ang spamming, kasi kumikita sila rito. Sa Globe Telecom Inc., mayroong Auto SMS Blast Solution, o AdBlast Service kung saan 1) sabay-sabay puwedeng magpadala ng text sa daan o libong tao; 2) puwedeng pumili ng sariling sender ID, tulad ng kay Imee Marcos na 46; at 3) Globe number lamang ang kailangan, kahit walang data.

Makikita sa terms and conditions ng Globe na hindi ibibigay ng Globe ang mismong mga numero ng nakakatanggap sa mga kostumer o sender na gustong gumamit ng AdBlast. Sa pagkakasulat ng artikulong ito, hindi pa sumasagot ang Globe sa pahintulot na makapanayam ukol naman sa pagpili at pagiging kabilang sa database.

Dagdag pa rito, paulit-ulit sa guidelines ng Globe na mahalaga ang pagkakaroon ng opt-out, o STOP code na puwedeng isagot ng nakatanggap para hindi na makatanggap pa ng messages. Ngunit kung titignan ang mga ehemplo na nalikom ng Pinoy Weekly, walang sumusunod sa ganitong panuntunan.

Sa kabila ng sinasabi ng NTC na hindi legal ang spamming at dapat may opt-out na opsiyon ang mga kostumer ng telcos, walang malinaw na pamamaraan ito o anumang ahensiya ng gobyerno para masawata ito.

Sa hayag na pagbali sa mga panuntunan at memorandum circular, ano na lang ang kahihinatnan ng mga botante’t pribadong mamamayan kung walang malinaw na parusa sa mga lumalabag.

Gamit sa paninira

Samantala, nitong huling linggo, nagkaroon ng mas masahol na hitsura ang text spamming: Kumalat sa maraming bilang ng telco customers ang text na paninira o black propaganda kontra sa progresibong mga party-list na Bayan Muna, Gabriela, ACT Teachers, Anakpawis at Kabataan.

Sa text na natanggap ng maraming tao na nagsumbong sa Pinoy Weekly, sinasabing huwag daw bumoto sa naturang mga party-list dahil “nasa kamay” ng botante “ang dugo ng mga pinatay ng NPA (New People’s Army)” kung boboto sa mga ito.

Lumalabas na text blasting muli ang ginamit dito. Muli, walang opt-out na opsiyon para di na makatanggap ng nasabing text message.

Kung sa naunang ehemplo ng ilegal na text blast, mga kandidato ni Duterte ang nakinabang, sa huling ehemplo sa itaas, mga kalaban o oposisyon naman kay Duterte ang binabanatan.