‘Titibo-tibo’ at kulturang babano-bano

0
458

Medyo natililing ang tainga ko sa videoke ng mga kapitbahay nitong nakaraang Pasko at Bagong Taon. Maliban sa nakasanayan nang pakinggan tulad ng mga kanta nina Jerome Abalos, Rey Valera, Victor Wood, Tom Jones at, siyempre, ang nag-iisang Frank Sinatra. At dahil pabata nang pabata ang populasyon sa Pilipinas, di hamak na dominado ng millennials ang taun-taong estadistika. Dahil nakalakihan naming millennials ang videoke, magpapatalo ba naman kami sa aming mga tito/tita?

Nakatawag-pansin talaga sa akin nitong nakaraang Disyembre ang hit na “Titibo-tibo” nina Moira dela Torre at Libertine Amistoso. Biruin mo, halos araw-araw mo itong maririnig sa bawat kalsadang may videoke. Bentang-benta sa millennials at kahit gradeschoolers ay kabisadong-kabisado ito. Parang “Stupid Luv” ng Salbakuta noong Grade 1 ako. Bilang mga musikero, maituturing na big break ito nina dela Torre at Amistoso.

Pero sa totoo lang, kapag nawala ang pagkahibang mo sa boses ng kumakanta ay isusuka mo ito at di mo pahihintulutan ang mga bata na kantahin ito.

Subukan nating himayin. Tungkol ang “Titibo-tibo” sa babae na mula pagkabata’y may tendensiyang lesbiyana, na nang lumao’y nainlab sa isang lalaki. Mula raw noong nainlab, natuto na siyang gumawa ng “girly things” tulad ng pagpa-rebond at mag-ahit ng kilay. Ayon pa sa kanta, may kung anong hiwaga rin daw ang halik ng lalaking iyon na bumuhay sa kanyang “pagkababae”.

Bigla kong naalaala ang komento ng kumakandidato noong si Sen. Manny Pacquiao tungkol sa mga bakla. Sa panahong iyon, pinutakti siya ng mga puna sa social media maging ng celebrities tulad ni Boy Abunda. Siguro naman, may Facebook at Twitter accounts sina dela Torre at Amistoso, o di kaya kahit TV man lang para mabalitaan itong nakakainsultong mga komento ni Pacman sa mga bakla. Marahil hindi sila malay sa komposisyon ng kanta nila dahil nananaig pa rin sa kanila ang kulturang macho. Pero curious ako kung may napagtanto nilang ang kabaligtaran ng titibo-tibo ay babakla-bakla? Mas masakit sa tainga.

Magandang halimbawa ang hit na “Sirena” nina Gloc9 at Ebe Dancel na sana’y naging inspirasyon nina dela Torre at Amistoso. Mababatid sa kabuuan ng liriko ang matinding pagbangga ng persona sa kinalahakihan niyang kultura: na anumang mangyari, ito ang kanyang gusto at wala kayong magagawa. Tanyag sa huling bahagi ng kanta ang mga linyang “Di sinusukat ang tapang at ang bigote sa mukha/Dahil kung minsan mas lalaki pa sa lalaki ang bakla.” Ganoon din ang konteksto sa kanta ng Siakol na “Ituloy Mo Lang”.

Hindi ko mawari kung anong mayroon sa bumubuo ng Himig Handog 2017 at ipinapanalo nila ang ganitong mga klase ng kanta. Isipin mo na lang, sa buong ABS-CBN, ilan ang bakla at tibong empleyado nila? Sa likod ng naggagandahang mga set ng mga estasyon ng telebisyon ang duguang bakbakan ng mga editor, staff, at iba pang bumubuo rito. Naisip ko lang talaga kung bakit wala silang komite para suriin ang nilalaman ng kanilang komposisyon. Baka siguro kapag may nagsumite riyan ng tungkol sa pag-iibigan ng dalawang NPA, at may backings na “Mabuhay ang rebolusyon” eh tiyak na ise-censor nila ito. Hindi rin naman ako naniniwalang dahil sa freedom of expression kaya di nila iyon pinapalitan. O baka tropa-tropa rin sa judge tulad sa mga kontest at palihan sa pagsusulat. Kung anuman iyon, hindi natin alam.

Kung tutuusin, di naman bago ang “Titibo-Tibo.” Nariyan ang “Di Ako Bakla” ni Tuesday Vargas. At siyempre, ang grabeng panlalait ni Bitoy sa kanyang kantang “Mamaw.” Kung ganito ang mga kinalalakihan natin, matinding pagbakbak talaga sa machismo ang kailangang gawin. At hindi ito mabubura basta-basta ng band-aid solution, o di kaya’y pagbibigay ng karapatan sa LGBT na maging public official. Kailangan sa’tin, tabula rasa. Tipong buburahin natin ang lahat ng alam nating mali sa lipunan. Nasa nagpapalaki rin sa atin iyan. Kung kupal ang gobyerno, asahan na rin nating kupal ang lipunan. Pero siyempre, kailangan mong makuha ang pampulitikang kapangyarihan. Ibang usapin pa iyon. Hehe.

Ano pa bang magagawa natin ngayong nasa mga videoke na ang kanta? Nakatatak na sa isip natin at kalat na sa lyrics sites ang “Titibo-tibo”. Sabi ng isang kaibigan, naimortalisa na raw dahil nakarekord na. Pero oks lang ‘yan, sa mga susunod na panahon, pagtatawanan na lang natin ito tulad ng mga ex ninyo.

Kung babalikan ang kasaysayan, mahihinuha natin kung paano umunlad ang musika sa paglipas ng mga panahon. Kung noon, sa Europa, para sa mga aristokrata lang ang musika, abot-kamay na ngayon ito sa pamamagitan ng smart phones. Isang Google search na lang, mada-download mo na. Naging tulay rin ang musika sa pagpapalakas ng kilusang masa para sa pagbabagong panlipunan. Tanyag noon sa US ang awitin nina Bob Dylan at John Lennon upang kondenahin ang giyerang pananakop ng US sa Vietnam at paggigiit sa karapatan ng mga Aprikano-Amerikano. Naging boses naman ng maralitang tagalungsod sa London ang punk band na The Clash. Sa Pilipinas, naging tanyag noong dekada ’80 ang “Tatsulok” ng Buklod.

Pero siyempre, hindi ang mga ito ang nagpabago sa mga lipunan. Mga mamamayan pa rin ang mapagpasya. Mababatid na ang lahat ng ito’y salamin ng anumang catalyst sa mga lipunan. Kung di naman dahil sa mga Black Panther, hindi maisusulat ng The Beatles ang kantang “Black Bird”. Kung di rin bumagsak ang Berlin Wall ay walang “Wind of Change” ang Scorpion. Kung di nga naman ganoon kasalimuot ang mamuhay sa ghetto, walang maisusulat na mga obra si Tupac Shakur.

Sa huli, isa lang naman ang sasabihin ng mga Marxista: ang lahat nang ito’y bahagi ng umiigting na tunggalian ng mga uri sa lipunan. Madugo ang kasaysayan ng sangkatauhan, masalimuot ang ating proseso sa pagpapakatao. Kaya’t pagtiisan mo muna ang “Titibo-Tibo”. Sabi nga’t kung gaano raw kabilis ang pagsikat, ganun rin kabilis ang pagkalaos. Basta, huwag mo lang lalaitin ‘yung mga masang nakikinig ng ganitong kanta. ‘Wag kang mag-ala JD Salinger o Ayn Rand kasi baduy. Hayaan mo, kapag nagtagumpay ang pambansa-demokratikong rebolusyon, baka lahat ng musikero sa Pilipinas maging jazz player at wala ka nang mababasang angas sa social media na “OPM is Dead.” Charing!

May joke ako bago mo ito matapos basahin: Paano mo gagawing bulok ang non-biodegradable?

Eh di, ipalamon mo sa sistema!