Tokhang at demolisyon sa Sityo San Roque

0
223

“Huwag ka ngang pa-epalepal diyan!’ Sinigawan ng isang pulis si Gina, 37 (di tunay na ngalan). Dalawa sila, pareho nakadamit-sibilyan, pumasok sa kanilang tahanan nang walang permiso. Pero siya pa raw ang epal. “Nagmakaawa ako sa kanila,” ani Gina. Hinihila na kasi ang asawa niya papalabas ng bahay. Bago nito, lumabas lang siya para bumili ng hapunan. Alas-sais ng gabi, at nanonood lang sila ng TV ng asawa niyang si Arnel, 32, at biyenang babae.

Isa sina Gina sa daan-daan pang pamilyang nakatira sa Sityo San Roque, sa North Triangle, Quezon City.

Diretsong itinutok ng pulis ang armalayt sa mukha ni Gina. Umakyat ang isang kasamahan ng pulis – asset ng pulis, sabi ni Gina – para daw mag-inspeksiyon. Walang nakitang anumang ilegal. “Ipapa-verify lang natin (si Arnel) sa presinto,” sabi raw ng pulis. Kaya pinadala ng nanay ni Arnel sa kanya ang mga ID niya – PhilHealth ID at SSS ID. “Pero pagdating sa presinto (Police Station 7 ng Quezon City Police District), ayaw kilalanin ito ng pulis.”

Naghanap ng kasama si Gina patungong presinto. Isang paralegal volunteer mula sa Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) ang sumama sa kanya. Pagdating doon, ang sabi, may Release Order na ang piskal. Walang nakuhang anumang ilegal kay Arnel. Walang anumang kaso na maisasampa kay Arnel. Pero di ayaw pa ring palayain ng pulis si Arnel. Di nagtagal, ang sinasabi na, kakasuhan na raw siya ng paglabag sa Artikulo 13 at 14 ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 – sa salang may hawak daw siyang ilegal na droga o paraphernalia nito.

Noong gabing iyon, Oktubre 7, umabot sa 53 katao ang hinuli ng pulis sa San Roque.

Nagkataon naman (o nagkataon nga ba?), may nakaambang demolisyon sa kabahayan sa bahagi ng San Roque na malapit sa EDSA. Setyembre 21, naglabas ang National Housing Authority (NHA) ng eviction order sa mga residente ng bahaging iyun ng San Roque. Apektado rito ang 400 pamilya.

Sityo San Roque at ang nagtatayugang mga gusali sa palibot nito. KR Guda

Sityo San Roque at ang nagtatayugang mga gusali sa palibot nito. KR Guda

Sityo San Roque at ang nagtatayugang mga gusali sa palibot nito. KR Guda

Sityo San Roque at ang nagtatayugang mga gusali sa palibot nito. KR Guda

Sityo San Roque at ang nagtatayugang mga gusali sa palibot nito. KR Guda

Sityo San Roque at ang nagtatayugang mga gusali sa palibot nito. KR Guda

PrevNext

Ilegal na aresto

Ang apat sa mga naaresto, kasama si Arnel, lumabas agad na negatibo sa droga. Ang iba (kuwento ng isang kaanak), pinainom daw ng isang “mapaklang tubig” ng pulis, at saka pinailalim sa drug test – at naging positibo rito.

Sa 53, ayon sa Kadamay-San Roque, 10 ang talagang residente ng San Roque. Ang 43, pawang mga manggagawang nagtatrabaho sa konstrukisyon sa malapit na ginagawang matatayog na bilding – sa Makati Development Corp. (MDC) na subsidyaryo ng Ayala Land sa bahagi ng EDSA, at sa isang proyektong konstruksiyon sa Philippine Science High School sa Agham Road.

“May isa ngang foreman (diyan) sa MDC na inaresto. Natanggal na lang sa trabaho, kasi di nga makapasok,” sabi ni Mang Johnny (di rin tunay na ngalan), residente ng San Roque, at asawa ng isa rin sa mga inaresto. Ang mga manggagawa, nagmemeryenda lang sa mga tindahan sa San Roque matapos ang trabaho sa konstrukisyon.

Dahil dito, sandaling nabalot sa takot ang buong komunidad. Habang paparating ang katapusan ng isang buwang palugit sa implementasyon ng eviction order – sa Oktubre 22 – ang ilang residenteng ayaw sanang lumipat, nahimok na tanggapin ang alok ng relokasyon. “Pero kung hindi dahil sa mga hulihan, kung hindi naman sila natakot sa nangyari, hindi naman sila aalis,” sabi ni Gina.

Nakakatiyak sina Gina na may kinalaman ang biglaang pagreyd ng pulisya sa kabahayan ng San Roque sa planong demolisyon ng NHA rito. Anu’t anuman, nakatulong ang mga pananakot sa kusang pagdedemolis ng sariling mga tahanan ng aabot sa 96 pamilya sa bahaging EDSA ng San Roque, ayon kay Inday Bagasbas, pangalawang tagapangulo ng Kadamay at residente sa lugar.

Noong Oktubre 30, alas-singko ng umaga, habang tulog pa ang marami sa mga residente ng sityo, at habang niraragasa ng bagyong Rosita ang Kamaynilaan at Luzon, nagulantang sila nang magsimulang magdemolis ng mga bahay ang mga demolition team ng NHA.

“Walang puso ang NHA. Alam nilang hindi dapat nila ito ginagawa dahil on-going pa ang negosasyon, at lalong dapat hindi na nito gawin sa panahin ng bagyo. Marami ang naging homeless sa araw na ito,” ani Inday.

Pananakot, gamit ang Tokhang

Pansin nina Inday, tumindi nga lalo ang mga panghaharas sa kanila ng mga tauhang panseguridad ng Ayala Land. May 24 oras nang nakabantay na armadong mga guwardiya ng kompanya ang nagbabantay sa lahat ng pasukanlabasan sa San Roque. Samantala, walang tigil ang mga operasyon ng PNP sa ngalan ng giyera kontra droga ng rehimeng Duterte.

Maliban sa 53 manggagawa at maralitang kinulong sa ngalan ng naturang giyera kontra droga nito lang Oktubre, may mga nabiktima rin ng pamamaslang. Isa na rito si Ruel, 20, manggagawa sa konstruksiyon sa Philippine Science High School.

Alas-tres ng umaga (ng Setyembre 17), umalis siya (Ruel) sa bahay,” sabi ni Mila, 34, asawa ni Ruel. Bago lang silang mag-asawa. Dating overseas Filipino worker si Mila, at babaing Moro na lumaki sa Marawi City. Taga-Marawi rin si Ruel, na nakilala na ni Mila sa San Roque. “Ang sabi niya, magkakape na lang siya sa labas.”

Hindi na nakarating sa pinagtatrabahuang construction site si Ruel. Hindi na rin siya umuwi noong gabing iyon. Nabahala si Mila, kaya nagpatulong na siya sa mga kaanak na hanapin ang asawa. Ang sabi ng mga kapitbahay, may naganap na pamamaril noong umagang iyon sa harap ng Philippine Science. Kinabahan na si Mila. Inisa-isa nila ang mga ospital, ang mga punerarya. Hanggang nakarating sa Litex sa Commonwealth Avenue sa Quezon City. Malayo na ito sa San Roque.

Doon na nila nakita ang labi ni Ruel. Tadtad ng tama ng bala. Iba ang pangalan sa punerarya. Pero kilala ni Mila ang asawa niya. “Ang sakit lang, kasi naghahanapbuhay lang siya,” sabi ni Mila. Mula sa kuwento ng mga saksi, nabuo ni Mila ang posibleng kuwento. Nagkakape si Ruel sa isang tindahan sa harap ng Philippine Science. Pinaputukan siya ng pulis. Tinangka niyang tumakbo papunta sa kanilang bahay, pero agad siyang inabutan at muling pinagbabaril. Pero sa police report, nanlaban daw si Ruel. Nagtangkang mangholdap. Nakipagbarilan daw.

Imam (lider-Muslim) siya, wala siyang bisyo maliban sa paninigarilyo,” malungkot na kuwento ni Mila. Bahagi ang pamamaslang kay Ruel ng sunud-sunod na mga operasyon ng pulisya sa San Roque. Kasabay ito ng mga banta ng demolisyon. Sa isip ng dumaraming residente ng San Roque, hindi imposibleng may kinalaman ang mga operasyon ng pulis sa pagpupumilit ng NHA, lokal na gobyerno ng Quezon City at, siyempre, Ayala Land.

Walong-taon na laban

Mahigit walong taon na ang pakikibaka ng Kadamay at mga residente ng San Roque kontra sa demolisyon. Noong Setyembre 23, 2010, panahon ng dating pangulong Benigno Aquino III nang matagumpay na napigilan ng mga residente ng San Roque ang demolisyon ng kanilang mga bahay sa bahaging EDSA.

Magmula noon, nagawang napigilan ng mga residente, sa pangunguna ng Kadamay at iba pang grupo, ang maraming tangkang demolisyon. Pero may bahagi ng San Roque na nagawang idemolis ng NHA, malapit sa Agham Road.

Kasosyo ng Ayala Land ang mismong NHA sa pagtatayo ng tinatawag nilang Quezon City Central Business District (QCCBD) na sasaklaw sa North Triangle at East Triangle sa bahaging ito ng lungsod. Kasama sa mga itatayo ang dalawang tore ng Alveo Land, ang high-end o mamahaling condominium. Ayon sa mismong Alveo Land, nagkakahalagang P140,000 per square meter o mula P4.2- Milyon hanggang P23.2-M ang bentahan ng bawat isa sa mahigit 800 yunit sa High Park Tower Two na may 49-palapag at nakaharap sa EDSA.

Inaasahang aabot sa P7.5-B ang kikitain ng kompanya sa pagbenta ng mga yunit sa Alveo High Park Tower Two. Samantala, ang nauna nang natapos na Tower One ay mahigit 70 porsiyento na ang nabentang yunit. Inaashaang kikita naman ang Tower Two ng P5.2-B.

“Ang inilalaban lang namin ay onsite development. Kung may pagpapaunlad ang gobyerno sa lugar, dapat unahin ang matagal nang mga naninirahan dito,” sabi ni Nanay Inday. Libu-libo pa rin ang mga residente ng San Roque, na naggigiit sa kanilang karapatan—na nakabatay kapwa sa batas at sa katwiran. Ang mungkahi nila, pangunahan ng gobyerno ang pagpapatayo ng pabahay sa mismong lugar ng San Roque. Para igiit ito, mananatili sila sa San Roque. “Mahirap na nga kami, lalo pa kaming pinahihirapan,” ani Gina. Hangad lang naman nila ang pagkilala sa mga karapatan nila – mula sa karapatang dimaaresto at makulong kung wala namang sala, hanggang sa karapatan sa tahanan.

[Itinago ang tunay ngalan ng nakapanayam na mga residente ng San Roque para sa kanilang seguridad.]