Tubig at iba pa

0
226

Hindi na kailangang ipaliwanag kung bakit mahalaga ang tubig. Ginagamit ito sa paglilinis, pagluluto at paglalaba. Kung maliligo o magsesepilyo, may tubig pa ring makokonsumo.

Kaya nga napakalaking abala kung mawawalan ng suplay nito, lalo na kung napakahabang oras na walang tubig at natapat pa sa oras ng almusal, tanghalian o hapunan. Makakapagsaing pa kaya ng bigas? Paano na lang ang lulutuin sanang ulam na may sabaw? At kung makahingi ng kahit kaunting tubig sa kapitbahay para makapagluto, makakaya pa kayang hugasan ang pinagkainan?

Para sa pamilyang mahirap, wala nang magagawa sa pagkakataong iyon kundi magtiis at maghintay. Para sa pamilyang mayaman, makakaya nilang kumain na lang sa labas para hindi na problemahin ang kawalan ng tubig sa bahay. Aba, puwede nga silang tumira pansamantala sa isang hotel para matakasan ang diumanong krisis sa tubig.

Teka lang. Ano ba ang angkop na termino? Krisis sa tubig (water crisis) o kakulangan sa tubig (water shortage)? Anuman ang gamitin natin, hindi maikakaila ang problemang kinakaharap ng 23 siyudad at munisipyo sa East Zone ng Metro Manila at Rizal na nakapailalim sa Manila Water Company, Inc. (MWCI) na pag-aari ng mga Ayala. Karga-karga ang walang-lamang balde sa labas ng bahay para sana’y makapag-igib kung saan man, malinaw na umiikli ang pasensya habang humahaba ang pila.

Opo, nakapila tulad ng inaasahan sina Nanay, Tatay, Ate at Kuya (minsan pa nga’y pati ang kawawang Lolo at Lola). Sila yung mahihirap na nagtitiis at naghihintay na sana’y may tubig pang natitira sa trak na inaasahang daraan tulad ng ipinangako ng MWCI. Pero tulad ng mga anunsyo nito ng iskedyul ng kawalan ng tubig na hindi nasusunod, hindi na sila masyadong umaasa pa.

Kumusta naman ang pamilyang mayaman? Tuloy pa rin ang paglalamyerda na akala mo’y nasa pinahabang bakasyon. May restaurant na makakainan, may hotel na pansamantalang tutuluyan. Sadyang hindi ramdam masyado kung walang tubig sa bahay dahil kayang kayang tapatan ng pera ang ninanais na ginhawa.

Luha para sa mahirap, luho para sa mayaman. Naniniwala ka bang “great equalizer” ang nangyayari magmula pa noong Marso 6? Sa tingin mo ba’y parehas ang pinagdaraanan ng pamilyang mahirap at mayaman?

Kung mayroong pansamantalang itinago (kahit na hindi sinasadya) ang kawalan ng tubig sa bahay, ito ay ang iba pang problemang kinakaharap ng ordinaryong mamamayan. Huwag nating kalimutang nagmimistulang sardinas ang mga sumasakay sa pampublikong transportasyon. Sakit ng ulo pa rin ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin, lalo na ng bigas at langis. Wala pa ring kaseguruhan sa trabaho at patuloy pa ring mababa ang suweldo. Bagama’t libre ang edukasyon sa mga pampublikong paaralan, siyempre’y problema pa rin ang baon at iba pang gastusin ng estudyanteng pilit na itinataguyod ng magulang ang pag-aaral.

Para sa pamilyang mahirap, tila normal na ang araw-araw na paghihirap para itaguyod ang pamilya. Dagdag na pasanin “lang” ang pag-iigib ng tubig sa umaga bago makipagsiksikan sa dyip, bus o tren para makarating sa pagawaang mababa ang suweldo at kulang sa benepisyo (kung mayroon man). Sa kanyang pag-uwi ng bahay, daraan muna siya sa palengke at mapapailing na lang sa kakaunting perang hawak kumpara sa nakasulat na nagtataasang presyo. Pasensiya na lang at siguradong walang pasalubong si Bunso!

Samantala, nariyan pa rin ang ginhawa para sa mayayaman. Apektado man sila ng kakulangan ng tubig, kayang kayang makaagapay dahil hindi hamak na nakatataas sa buhay. May magarang sasakyan para makarating sa pupuntahan, may mataas na suweldo at maraming benepisyo, kayang makabili ng anumang gusto, pati na ang sobra-sobrang pasalubong para kay Bunso.

Sa mga susunod na araw, linggo o buwan, baka bumalik na sa “normal” ang suplay ng tubig pero huwag sanang kalimutang hindi pa rin normal ang ating kalagayan. May mahihirap na patuloy na pinagkakaitan. Hindi tayo dapat masanay sa araw-araw na kalbaryo.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa https://risingsun.dannyarao.com