Tugma at talim

0
377

Tinipon sa Usapang Kanto ang halos 200 tula ng makata’t kompositor na si Jesus Manuel “Koyang Jess” Santiago na nalathala sa pagitan ng huling bahagi ng dekada ’90 hanggang 2005. Koleksiyon ito ng mga tinawag niyang “kolumberso” sa mga diyaryong Pinoy Weekly, Taliba, Archipelago, Truth Forum, Hoy, Bagong Umaga, Pinas, at Planet Philippines.

Mahalagang sipatin ang mga tula sa koleksiyon bilang istorikal na pagtatala ng mga naganap sa isang partikular na panahon. Matatalas ang komentaryo ni Koyang Jess, (para sa marami), sa pangaraw-araw na mga balita’t pangyayari sa panahon nina Estrada at Macapagal-Arroyo. Ang totoo, ilang taon na rin ang nakalilipas subali’t naririyan pa rin ang mga isyung tinalakay sa kanyang mga akda: pagtaas ng presyo ng mga bilihi’t serbisyo, buwis, mababang pasahod, kawalan ng lupa, masaker sa mga magsasaka, korupsiyon, konsumisyon sa eleksiyon, same sex marriage, o kahit sina FPJ at Dolphy, maging ang kumpisal ni Kris Aquino sa kanyang pagkakaroon ng STD, hanggang sa usapin ng globalisasyon at imperyalismo.

May karisma ang tula ni Santiago sa paraang tinatalakay nito ang tila pangkaraniwan tulad ng texting, spaghetti’t pizza, sunog, perya, usapang lasing, prey-ober at iba pa, pero may pitik na komentaryo sa loob ng kanyang mga berso. Sa mga mahilig sa pambeberso’t pananalinghaga, di sasala ang tugma’t sukat ni Santiago na aniya’y iniaalay niya bilang pagpupugay kina Huseng Batute, Amado V. Hernandez at Sisong Kantanod, na pawang mga nagsulat rin ng mga patulang kolum sa kanilang panahon, at gayundin, may angking talim sa pagsisiwalat ng mga sakit ng lipunan.

Kapansin-pansin din ang siste sa mga tula na nakaugat sa tradisyong pusong, na tila nagpapatawa gayong matalas na pumupuna sa mga maling sistema tulad ng ginawa ng kapwa niya Bulakenyong Marcelo del Pilar na ginawang katatawanan ang pagpuna sa mga fraile.

Usapang kanto kaya magaan ang wika kaya tiyak na maiintindihan ng masa sapagkat ito naman ang gustong kausapin ng kanyang mga berso. Mula sa kanila, para sa kanila, kumbaga. Gayunma’y hindi naiwaglit ni Santiago ang kasiningan ng tugma at sukat habang pinananatili ang matalas na komentaryong nilalaman ng mga tula.

Sa “Luv Txt,” na tumatalakay sa pagiibigan, makikita ang mga salitang, cell phone, texting, ring tone, screen, cell card (noong hindi pa uso ang tingi-tinging prepaid), na itinatampok sa long distance na relasyon. Sa dulo ng tula, binabatikos ang napipintong pagpataw ng buwis sa texting ng “bwisit na pamahalaan.” Sa mga linyang “Pangako, mahal ko, tiyak na bubukol/ panggadgad ng yelong ipupukol!”, mahihiwatigan ang akto ng pagtutol at paglaban.

Itinampok naman sa tulang “Bagahe” ang panghihingi ng “congresswoman ng Ilocos Norte” ng second chance, na sinagot ng bulyaw ng aleng naaasar ng “Magtigiltigil ka’t ‘wag magpaandar/ Sa batas militar, kami’y nabusabos!/ Taglayin mong sumpa ang pangalang Marcos!”

May panukala ang tulang “Kuryente” hinggil sa muling hindi makatwirang pagtataas ng Meralco sa singil ng kuteyente, sa pamamagitan ng mga linyang “Di baleng sinaing natin ay magtutong/ Poste’t electric bills ang gawing panggatong!

Makikita naman sa “Pinangos na Tubo” ang kutsabahan ng gobyerno ni Arroyo, ng Department of Labor and Employment (Pat Sto. Tomas), at ng mga Cojuangco-Aquino (Noynoy at Cory) ang pagtatakip sa malagim na sinapit ng 14 na manggagawang bukid sa Hacienda Luisita massacre.

Epekto ng globalisasyon sa mga maggugulay sa Benguet ang paksa ng “Gulayisasyon.” Isang simpleng pagpapaliwanag kung paanong ang isang tila kumplikadong konsepto ay naipapaliwanag gamit ang imahen ng mga gulay.

“Nakatagong taba” ang pork barrel sa “Taba ng Baboy,” at ang masisteng payo ng tula ay “Maging ang Pangulo ay dapat maglahad/ ng lahat ng pondong siya ang may hawak./ Ipaliposuction ang budget ng bansa/ Kung gustong lusawin ang lahat ng taba.”

Sa “Palasyo’y Tahimik” inilahad ang malaganap na extrajudicial killings sa panahon ni Macapagal-Arroyo at sinabi nitong sa pagtatanong ng oposisyon sa mga pagpaslang, “Walang sumasagot sa pukol na tanong;/ Palasyo’y tahimik, hindi tumutugon./ Sa hindi pag-imik, para nang inamin/ ang terosrismo’y doon nanggagaling.

Ilan lang ito sa mga mga tulang nasa kolekisyon at tiyak na hindi mabibigo sa kasiningan at talas ng nilalaman ang sinumang babasa sa halos 200 tula pa na nasa Usapang Kanto ni Koyang Jess Santiago.