Tungkulin sa halalan

0
208

“Iyan ho ang maibigay ko sa inyo ngayon,” sabi ni Pangulong Duterte, sa talumpati sa Legazpi City, Albay noong Pebrero 9, ilang araw bago ang simula ng kampanya sa eleksiyong 2019. “Ang mga taga-gobyerno…di ko pinayagan na mangampanya para o laban sa kanino mang (kandidato).”

Pero sa mismong talumpating ito, tila nilabag ni Duterte ang sarili niyang utos. Inamin niya – at kitang kita naman ng madla – na ikinampanya at ikinakampanya niya ang mga kandidatong “may pagkakautang siya.” Kabilang na siyempre rito ang mga tumatakbo sa pagkasenador na dati niyang special assistant na si Bong Go, dating hepe ng Philippine National Police na si Ronald “Bato” dela Rosa, at Imee Marcos, anak ng yumaong diktador na si Ferdinand Marcos.

Ipinangako rin niyang hindi makikialam ang mga pulis at militar sa eleksiyon o sa kampanya.

Pero tulad ng napakaraming ipinapangako ni Duterte, ngayon pa lang ay lantaran na ang pangingialam ng pulis at militar – ang paggamit sa burukrasya ng dalawang armadong ahensiya para ikampanya ang mga kandidato ng rehimen at siraan ang pinakamatitinik na kritiko katulad ng mga nasa progresibong mga party-list.

Rekurso ng gobyerno

Napansin na ito ng election watchdog group na Kontra Daya, isang araw bago ang simula ng kampanya noong Pebrero 11. Ayon sa grupo, naging guest of honor ng PNP noong araw na iyon si Go, kaharap ang daan-daang estudyante sa kolehiyo na nasa Camp Crame noon.

“Tinitingnan ng Kontra Daya na kaduda-duda ang pangyayaring ito isang araw bago ang aktuwal na kampanya,” sabi ni Danilo Arao, associate professor sa pangmadlang komunikasyon sa Unibersidad ng Pilipinas-Diliman at convenor ng Kontra Daya. “Kung talagang nyutral ang PNP, bakit nito inimbitahan ang deklaradong kandidato sa pagkasenador na si Go bilang guest of honor, kahit pa nabanggit (sa midya) ng isang nakatataas na opisyal ng pulis na tagapangulo raw si Go ng Association of Chief of Police of the Philippines, Inc.?”

Malinaw na ipinagbabawal sa Seksiyon 7 ng Commission on Elections Resolution No. 10488 (Enero 30, 2019) ang pagpapaskil o paglaladlad ng anumang materyal sa kampanya sa eleksiyon sa pampublikong mga lugar tulad ng mga paaralan, public shrines, barangay hall, mga opisina ng gobyerno, health centers, pampublikong mga imprastraktura o gusali.

“Nananawagan ang Kontra Daya sa mga mamamayan na maging kritikal at mapagmatyag ngayong nagsimula na ang panahon ng kampanya,” ani Arao.

Samantala, noong Pebrero 12, unang araw ng kampanya, nagkalat namang nakapaskil sa pampublikong mga lugar sa Metro Manila ang isang poster na naninira at nagsasabing “teroristang mga party-list” ang mga miyembro ng blokeng Makabayan tulad ng Bayan Muna, Gabriela, ACT Teachers, Kabataan at Anakpawis.

Marami sa mga poster, nakadikit o malapit sa pampublikong mga gusali ng gobyerno – halatang may basbas o direktang idinikit ng mga nasa kapangyarihan

Adyenda sa halalan

Para sa mga progresibo, pagkakataon ang panahon ng kampanya para itulak ang interes ng mga mamamayan. Dahil nagpopostura ang mga kandidato na nakikinig sa hinaing ng masa tuwing kampanya, pagkakataon ito para iharap sa kanila ang totoo at mahalagang mga isyung kinakaharap ngayon ng sambayanan.

Sa bahagi ng mga magsasaka, hinamon ang mga tumatakbong senador sa eleksiyong 2019 na manindigan sa mga isyung direktang nakakaapekto sa buhay ng mga mamamayang Filipino at umiwas sa tradisyunal na pulitika.

Sinabi ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) na mahalagang tingnan ang nagawang serbisyo publiko, estilo ng pamumuhay at yaman at paninindigan ng isang kandidato.

“Hindi basta-basta dapat magpadala sa dami ng political ads lamang. Ang mahalaga ay kung ano ang isinulong at sinuportahang mga panukala at programa,” ani Antonio Flores, pangkalahatang kalihim ng KMP na nagsabing sinumang kandidato ang sumusuporta sa Train Law at Martial Law sa Mindanao ay mahihirapang kumbinsihin ang mga magsasaka para sila iboto.

Idinagdag ni Flores na dahil nagsimula na ang kampanya, susubukan ng mga kumakandidato sa pagka-senador gayundin sa party-list na suyuin ang mga botante.

“Pati buwan at bituin ipapangako sa atin ng mga kandidato,” ani Flores.

Pero dapat umanong pag-aralang mabuti ang sinasabi ng mga kandidato. Kailangan, aniya, na manindigan sila sa mga isyu na nakakaapekto sa mga tao. Nilinaw pa ni Flores na pareho pa rin ang sitwasyon at mga panawagan ng bayan – libreng pamamahagi ng lupa at tunay na repormang agraryo para sa magsasaka, regular na trabaho at nakabubuhay na sahod para sa manggagawa, mababang presyo ng bigas, bilihin at mga serbisyo, pagrespeto sa karapatang pantao at katarungang panlipunan, at pagtatanggol sa soberanya at patrimonya.

“Kung wala silang malinaw na paninidigan at plataporma sa mga isyung ito, hindi sila nararapat sa ating boto,” giit ni Flores.

Pinag-iingat din ni Flores ang mga botante sa mga kandidatong iniendorso ni Pangulong Duterte tulad nina Bong Go, Imee Marcos, Bato Dela Rosa, Mocha Uson, at iba pa.

“Alam na natin kung anong nangyari sa pagitan ng 2016 at sa kasalukuyan. Sa kanyang pangangampanya, nangako si Duterte ng hinahanap nating pagbabago. Kabaligtaran ang nangyari at mas lumala pa ang kalagayan ng ating bansa. Na-Duterte sambayanan. Kailangan nating itaguyod ng pulitika ng pagbabago na tunay na maglilingkod sa taumbayan,” sabi pa ng lider-magsasaka.

Para sa kababaihan, manggagawa

Nanawagan naman ang Gabriela sa pagpapabasura sa anila’y pahirap na Train Law, kasabay ng unang araw ng pangangampanya para mid-term elections sa darating na Mayo.

Sa isang multi-sektoral na kilos-protesta hinamon ng kababaihan ang mga kumakandidato sa pagka-senador na manindigan laban dito.

Sa araw ding iyon, Pebrero 12, nagtaas ng halos PhP 1 ang presyo ng mga produktong petrolyo. Nasa ikalawang buwan pa lamang ng taon nguni’t halos magkakasunod na ang ginawang pagtataas ng mga kompanya ng langis sa presyo ng produktong petrolyo dahil sa paggalaw ng presyo nito sa pandaigdigang merkado at sa implementasyon ng ikalawang bahagi ng Train Law.

“Alam natin na kapag nagtataas ang presyo ng mga produktong petrolyo, nahihila rin nito pataas ang presyo ng mga bilihin at pampublikong yutilidad dahil isa ang petrolyo sa ginagamit sa produksyon at transportasyon ng mga ito. Kung kaya’t ang pagpapataw ng dagdag-buwis sa ilalim ng Train Law, dagdag pa ang mga kasalukuyang buwis na ipinataw sa produktong petrolyo, ay siguradong sakit sa ulo, hindi lamang sa mga drayber, kundi sa lahat ng mga mamamayan,” ani ni Joms Salvador, pangkalahatang kalihim ng Gabriela.

Aniya, magiging sukatan ang tindig ng mga kandidato hinggil sa Train Law kung tunay nga nilang isusulong ang interes at ikabubuti ng sambayanan.

“Ngayong panahon ng kampanya ang pinakamainam na panahon upang tanungin sila sa kanilang paninindigan hinggil sa mga isyung direktang nakakaapekto sa masang anakpawis. Dito masusukat ang tunay na malasakit nila sa masa at hindi ang dami ng mga poster at patalastas na nagpipinta ng kunwaring imahe ng mga TraPo,” pagtatapos ni Salvador.

Samantala, pagsasama sa plataporma ng mga kandidato sa usapin ng paggawa naman ang panawagan ng mga manggagawa.

Sa isang programa sa harap ng tanggapan ng Commission on Elections (Comelec) sa Maynila iginiit ng Defend Job Philippines na lagi na lamang ginagamit ng mga politiko ang isyu ng paggawa sa kanilang pangangampanya pero wala namang aksiyon para masolusyonan ang mga problema.

“Nagdaan na ang maraming eleksiyon pero ang usapin ng mas maayos na kalagayan sa paggawa ay nananatiling pangako. Nanatiling mahirap at lalo pang lumalala ang sitwasyon ng mga manggagawa at kanilang mga pamilya dahil sa mga patakarang anti-manggagawa na isinasabatas ng tradisyonal na politikong naluluklok sa puwesto,” ayon kay Christian Magsoy, tagapagsalita ng grupo.

Inilunsad din ng grupo ang Labor Vote Bus para gabayan ang publiko kung sino ang karapat-dapat na iboto sa darating na halalan.

“Sa darating na eleksiyong 2019, mas higit na magiging makapangyarihan at matalino na ang mga botante,” sabi ni Magsoy.

Idinagdag pa ni Magsoyn na gagamitin ng mga manggagawa ang eleksiyon para ipanawagan ang mga mga isyung kanilang kinakaharap at pipili ng mga kandidatong tunay na magtataguyod at magbibigay-solusyon sa matagal nang kahilingan para sa disenteng trabaho at sahod.

Sa kabila ng mga paninira at panunupil sa mga progresibo, tinitingnan pa rin ng mga organisasyong masa ang eleksiyon bilang pagkakataon para maabot ang mas marami pang bilang ng mga mamamayan. Bukod pa ito sa mahalagang tungkulin na pagluklok sa progresibong mga kandidato.


Featured image: Neri Colmenares, kandidato sa pagkasenador, nakikipag-usap sa senior citizens sa Quezon City. (Darius Galang)