#UniPakCampout | Malou, halos tatlong dekadang kontraktwal

0
349

Sunud-sunod na nagsisiputukan ang piket ng manggagawa sa iba’t-ibang pagawaan at iisa lang ang dahilan ng kanilang patuloy na pagsigaw sa kanilang mga panawagan — wakasan ang kontraktwalisasyon. Dumaranas sila ng matinding paglabag sa kanilang mga karapatan na sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at paghirap ng buhay ay hindi na makaampat ang kanilang matagal na pagtitiis sa kalam ng sikmura.

“Manggagawang kontraktwal, gawing regular!” naririnig natin sa mga pagkilos ng mga manggagawa kamakailan. Mula sa Middleby sa Laguna Technopark, NutriAsia sa Bulacan, Pepsi Cola sa Muntinlupa, Jollibee commissary sa Parañaque hanggang sa pagawaan ng Uni-Pak Sardines sa Navotas Fish Port Complex—talamak ang kontraktwalisasyon at pang-aapi sa mga manggagawa.

Marami silang dumaraing—1,400 sa NutriAsia, 400 sa Jollibee commissary, pero nasa 7,000 sa mga tindahan nito, higit 1,000 sa Pepsi Cola, 350 sa Uni-Pak—pero iilan pa lang sila sa mga kontraktwal na pinahihirapan ng ganitong sistema bagaman bawal umano sa batas ang kontraktwalisasyon sa mga trabahong esensyal sa kumpanya. Tinataya rin ng Kilusang Mayo Uno Metro Manila na walo sa sampung manggagawa sa Kamaynilaan ay mga kontraktwal.

Sila iyong pinapasahod ng mababa sa nakatakda rin sa batas na minimum na sahod—bagaman mababa na ito sa tinatayang pangangailangan ng isang pamilya na P1,038 kada araw. Mababa rin ang sahod nila kaysa sa tinakdang napakababang ‘poverty line’ ng Philippine Statistics Authority na P9,000 o ‘di kaya’y sa minsa’y sambit ng NEDA na nasa P10,000 na sapat na para mabuhay ng disente.

Sila iyong walang benepisyo at pinagbabawalan na mag-organisa ng unyon na maaaring magtanggol ng kanilang karapatan.

Hindi nalalayo diyan ang kalagayan ni Marilou “Malou” Torreda, 56 taong gulang, ina sa anim na anak at isang manggagawa mula sa Slord Development Corporation o Slord. Halos magta-tatlong dekada na siyang filler o tagalagay ng isda sa lata pero siya ay nananatiling ‘extra regular’ pa rin.

Slord ay sinasabing pagmamay-ari ni Pedro Yap at ang prodyuser at distributor ng Uni-Pak Sardines. Sila rin ay toll packer ng iba pang brand ng mga delatang sardinas.

Binanggit niya sa amin ang iba’t-ibang uri ng mga manggagawa na namamasukan sa Slord: ang manggagawang extra ay sumasahod lamang ng P350, para sa manggagawang katulad niya na extra regular ay P370 at ang sinasahod ng isang supervisor kada araw ay P400. Hindi maikukubli na mas mababa pa sa minimum ang sahod niya at ng iba pang manggagawa sa pagawaan.

Dagdag pa niya na noong una siyang namasukan sa Slord ay P65 lang ang kanyang sinusweldo kada araw.

Kinakaltas pa sa kanilang kakarampot na sweldo ang kagamitan at uniporme na kanilang ginagamit sa pagpasok at wala pang mga benepisyo katulad ng SSS, Philhealth at PAG-IBIG.

Higit pa doon, hindi pa sagot ng kumpanya ang anumang pinsala na maaaring maidulot sa kanila ng pagtatrabaho.

Bukod dito, ikinuwento niya din sa amin na umaamoy sila ng mga isdang may formalin na nanggagaling sa steamer. Sinasabi nila Malou na mapanganib sa kalusugan, pero maraming oras nila itong ginagawa sa bawat araw ng paggawa.

Tinanggal si Malou at kanyang mga kasamahan matapos silang magprotesta sa naunang pagtatanggal ng kanilang mga kasamahan na bahagi ng mga nagbuo ng samahan ng kontraktwal na manggagawa sa Slord. Mula sa pagtatayo ng samahan, pagsasampa nila ng reklamo sa Department of Labor and Employment sa hindi maayos na kalagayan sa paggawa at pagpapatupad ng iligal na labor-only contracting sa paggawaan, sunod-sunod na umano ang panghaharas ng management sa mga nagpoprotestang manggagawa.

Ang alam nila Malou, necessary and desirable ang kanilang paggawa sa loob ng paggawaan. Paano magkakaroon ng isda sa lata kung hindi nila pipilian ang mga isdang ilalagay at mismong isisilid ang mga ito sa lata? Ginagawa nila ito sa loog ng walo hanggang 12 oras. Ngunit nakatakas ang may-ari ng Slord sa halos tatlong dekada sa barya-baryang pasahod at walang benepisyo sa mga manggagawa, habang kumakamal ng milyon-milyong tubo.

Simple ang panawagan ni Malou at ng 43 na kasamahan niyang manggagawang tinanggal ng Slord: makamit ng lahat ng manggagawa ang minimum na sahod, maging regular ang lahat at maibalik sa trabaho ang mga manggagawang tinanggal.

The post #UniPakCampout | Malou, halos tatlong dekadang kontraktwal appeared first on Manila Today.