#UniPakCampout | Nanay Jo, probinsyanang nakipagsapalaran sa Maynila

0
214

Isa si Joselyn Pahuay sa 46 iligal na tinanggal ng SLORD Development Corporation, gumagawa ng UniPak sardines, matapos mapag-alaman ng management na kasama siya sa mga tumungo sa Department of Labor and Employment upang magsumbong ng kanilang mga hinaing at reklamo sa trabaho.

Lumaki si Nanay Jo sa Negros Occidental. Pinangarap niya dati na maging guro ngunit dahil salat, hanggang high school lang ang kanyang natapos. Sa murang edad na 14 noon ay naitanim na sa isip ni Nanay Jo kung gaano kahirap ang buhay kaya’t kailangang kumayod at mag-sakripisyo.

Taong 1996 ay namasukan siya sa Caloocan bilang isang kasambahay. Nang tanungin kung ano ang tumulak sa kanya upang makipagsapalaran sa Maynila, sagot niya, “kasi ang hirap ng buhay sa probinsya. Halos wala kaming makain, ‘yung mga magulang ko, walang regular na trabaho.”

Makalipas ang isang taon ay napadpad siya sa Navotas, doon na nakapangasawa at nagkaroon ng mga anak. Taong 2010 ay nagtrabaho siya sa SLORD Development Corporation bilang isang filler sa pagawaan ng UniPak sardines kung saan ay mano-mano at maingat niyang inilalagay ang mga isda sa lata kasama pa ng ibang katrabaho sa filling station.

Umaabot ng 12 hanggang 14 na oras sa isang araw ang trabaho ni Nanay Jo depende sa dami ng isdang huli. “Dito na nga ako nagkasakit sa likod. Pati ‘yung baga ko mahina na raw sabi ng doctor tsaka lagi pa akong inuubo,” kwento niya.

Bukod sa pagiging filler sa pagawaan ay sa kanila rin nakaatas ang pagsuri kung bulok na ang mga isda bago ilagay sa lata sa pamamagitan ng isa-isang pag-amoy sa mga ito na isa rin sa mga nagiging sanhi ng pagkakasakit ng mga manggagawa na hindi naman tinutugunan ng tamang compensation ng management.

Tuwing kasagsagan na maraming isdang huli ay hindi sila nabibigyan ng breaktime at tuloy-tuloy ang pagtatrabaho sa loob ng pagawaan na halos hinihimatay na ang mga manggagawa.

“Kaya minsan tuloy para kaming mga magnanakaw na tatakas sa production para lang makainom ng tubig o kumain,” ani Nanay Jo. Minsan pa raw kapag may nahuhuling tumatakas ay agad na ipasususpinde sa trabaho bilang kaparusahan.

Sa loob ng walong taong pagtatrabaho ni Nanay Jo sa SLORD ay marami na raw siyang nakitang paglabag ng kumpanya sa labor laws at sa karapatan ng mga manggagawa. “Noong mga panahong ‘yun ay wala pa kaming lakas ng loob na magreklamo kaya naging sunud-sunuran na lang din kami diyan sa management,” sabi niya.

“Kahit ako naaksidente na ako diyan sa loob, naipit itong kamay ko sa conveyor. Binigyan naman ako ng management ng P1,000 pero P280 lang ‘yung pagpa X-ray kaya pinabalik sa’kin ‘yung sukli kasi kinukuha nila eh. Kahit ‘yung pamasahe ako pa ang sumagot,” dagdag pa niya habang pinapakita sa’kin ang marka ng galos sa kaliwang kamay.

Si Nanay Jo kasama ang mga volunteer reporters ng Manila Today. Kuha ni JC Gilana.

Sa edad na 56 ay kailangan pa ring kumayod ni Nanay Jo dahil kakarampot ang kita ng kanyang asawa sa junk shop na hindi sapat upang matustusan ang pangangailangan ng mga anak na nag-aaral.

Silang mga kontraktwal ay sumasahod lamang ng P240 kada araw ngunit kalaunan ay  naging 370. Mababa parin sa dapat na minimum wage, ngunit kahit papaano, ito ay isang tagumpay nila mula sa pakikipaglaban para sa dagdag na sahod.

Minsan, nang mapagbintangan silang mga nasa filling station na naglalagay raw ng ulo ng isda, turnilyo at barya sa mga lata ay doon na sila nagdesisyon na bumuo ng samahan para isumbong sa DOLE ang mga hindi makatarungang pananamantala ng kumpanya sa mga manggagawa.

Sentimyento ni Nanay Jo, “kung hindi dahil sa amin, hindi ‘rin lalago ‘yung pabrika nila. Dapat mamulat na sila sa mga ginagawa nila sa mga manggagawa. Dapat ibigay na nila ‘yung tamang pasahod at bigyan kami ng benepisyo.”

Sa patung-patong na problema ay dumagdag pa ang mga proyekto ng kasalukuyang administrasyon na tanging mayayaman at may kapangyarihan lamang ang nakikinabang habang ang mga mahirap ay lalong nasisiil. Bukod sa hindi magandang dulot ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion  o TRAIN law sa katulad niyang manggagawa, isa rin sa suliranin na kinahaharap ni Nanay Jo ang bali-balitang pag-demolish sa kasalukuyan nilang tirahan dahil sa programang Build Build Build ni Pangulong Duterte upang magbigay daan sa pagpapatayo ng mga imprastraktura at establishments ng mga kapitalista.

“Kung hindi lang marunong makisama ‘yung mga tao dito at kung hindi dahil sa organizer namin, siguro matagal na kaming bumigay lahat pero talagang kapit-bisig kami,” sagot niya nang tanungin ko kung paano niya kinakayang harapin ang mga problemang nakaamba sa kanila.

Ayon kay Nanay Jo, ay umuusad naman daw ang kaso nila at patuloy silang kumikilos para ipaglaban ang mga karapatang naaabuso bilang mga manggagawa.

Tila malakas ang determinsayon nilang magtagumpay. Hindi takot kundi tapang ang nakita ko sa likod ng mga hirap na nararanasan sa pang araw-araw na pakikipaglaban ni Nanay Jo at ng mga kasamahan para sa kanilang mga karapatan.

Si Nanay Jo, kasama ang mga manggagawa ng Slord Development Corporation. Kuha ni JC Gilana.

The post #UniPakCampout | Nanay Jo, probinsyanang nakipagsapalaran sa Maynila appeared first on Manila Today.