Usapang ROTC

0
183

Pasulong, ‘kad! Kaliwa, kaliwa, kaliwa, kanan, kaliwa..

Para sa mga nagnanais na maging pangangailangan (requirement) muli para makapagtapos sa kolehiyo ang Reserve Officers’ Training Corps (ROTC), simple’t maikli lang ang tanong ko: Handa ka na bang aksayahin ang oras mo?

Naabutan ko po ang panahong lahat ng mga lalaking estudyante ay kinakailangang kunin ang apat na kurso sa ROTC. Noong dekada 80 at 90, mas kilala ito bilang Citizens Military Training (CMT). Ano ba ang nangyayari sa bawat training day (TD) na nangyayari tuwing Sabado? May mga lektyur kung paano maging huwarang sundalo, praktikal na pagsasanay para humawak at magpaputok ng maikli’t mahabang armas, at, higit sa lahat, walang katapusang pagmamartsa sa init ng araw habang sinisigawan ng mga opisyal ng ROTC. Kung minamalas ka, mapaparusahan ka pa sa pamamagitan ng push-ups. At kung talagang minamalas ka, puwede kang masampal, mabatukan, masikmuraan o matadyakan, may mabigat na kasalanan man o wala.

May natutuhan ba ako sa mga kinuha kong CMT na kurso? Oo naman! Natuto akong magmura (Gatdemit, kadit!). Natuto akong mandaya sa eksaminasyon (dahil yung proctor mismo ang nagbibigay ng sagot sa amin!). Natuto akong maglagay sa isang opisyal ang Armed Forces of the Philippines (dahil sa kanya dapat bilhin ang nametags para daw “official issue”).

Bago ko makalimutan, kailangan ko ring “magpasalamat” sa CMT dahil sa natuto akong magsinungaling. Sa unang araw pa lang ng training, nagtanong kung sino-sino ang mga dating opisyal noong hayskul sa Citizens Army Training (CAT). Magtataas na sana ako ng kamay nang pigilan ako ng katabi ko. “Gusto mo bang mapahirapan pang lalo?” Buti na lang at “nagsinungaling” ako.
Ito pala ang paraan para makakuha ng ipapasok sa Cadet Officer Candidate Course (COCC) na hindi hamak na mas mahaba ang training. Kung wala kang intensyong maging opisyal sa ROTC, siyempre’y kailangang iwasan ito.

Masasabing masuwerte ako dahil sa pagiging miyembro ng Junior Red Cross noong hayskul. Ipinakita ko lang ang Philippine National Red Cross card at nakapasok ako sa pangkat na Medic. Hindi na kami pinagmamartsa noon. Kami kasi ang nagbibigay ng pangunang lunas (first aid) sa sinumang nagkakasakit o nasusugatan, lalo na kung nagmamartsa habang napakainit. Isipin mo na lang: Tanghaling tapat kang nagmamartsa habang naka-military fatigue at combat boots. Minsan, pinapagulong-gulong ka pa sa maputik na damuhan. At kung minamalas ka talaga, pinagmamartsa ka kahit na sobrang lakas ng ulan.

Medyo lumala ang “pagsisinungaling” ko tuwing may nakikiusap sa aming mga kadete na mahiga muna sa lilim ng puno kahit na maayos na ang kanilang pakiramdam. “Medic! Okay na ba ‘yan?” tanong ng opisyal. “Nahihilo pa po, sir!” sagot ko kahit hindi naman totoo. Masama talaga ang magsinungaling pero ano pa kaya ang puwedeng gawin kung pare-pareho lang kaming napipilitan dahil kinakailangang makapasa sa apat na kursong CMT?

Opo, ang habol lang namin sa CMT ay makapasa, hindi makakuha ng pinakamataas na marka. Hindi naman kasi kasama sa komputasyon ng pinal na grado sa kolehiyo ang mga grado sa CMT kaya hindi ka apektado kahit pasang-awa ka lang. Ang CMT lang marahil ang kursong pinagtatawanan ang may perpektong grado. Naaalala ko pa ang pang-aalaska namin: “Yan ang nakukuna ng mga sipsip sa drill sergeant!”

Siyempre, personal kong karanasan ito kaya posibleng may magsasabing maganda naman ang naging karanasan nila sa ROTC. Siguro’y may boluntaryo ding sumama sa COCC dahil gusto nilang maging opisyal talaga, hindi lang ng ROTC kundi ng mismong AFP.

Pero tandaan nating hindi lang ito usapin ng personal na karanasan kundi politikal na kahihinatnan ng pagbabalik sa palpak na nakaraan. “Hindi uso ang human rights-human rights na iyan!” Ito ang madalas sabihin sa amin noon, lalo na’t kung may maglakas-loob na magreklamo kapag sinampal, binatukan, sinuntok o tinadyakan nang walang dahilan. Bagama’t madalas na idinidiin ng ROTC ang kahalagahan ng kahandaan sa pagdepensa ng bansa, nakakamit kaya ito sa tamang paraan? Hindi ba’t ang bulag na pagsunod sa kapangyarihan ang mas naikikintal sa kaisipan ng kabataan?

May dahilan kung bakit ginawang opsyonal na ang ROTC sa ilalim ng National Service Training Program (NSTP) noong 2001. Walang batayan ang pagpapanumbalik nito. Ano ang dapat gawin sa puntong ito? Mainam na balikan ang kahuli-hulihang utos sa bawat training day na tila musika sa aming tainga:

Lumansag!

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa https://risingsun.dannyarao.com

Si Danilo Araña Arao ay kawaksing propesor (associate professor) sa Departamento ng Peryodismo, Kolehiyo ng Komunikasyong Pangmadla, Unibersidad ng Pilipinas (UP) Diliman. Siya rin ay kawaksing patnugot (associate editor) ng Bulatlat at nasa board of directors ng Alipato Media Center at Kodao Productions.

The post Usapang ROTC appeared first on Bulatlat.