Wang-wang Aswang

0
262

Sa “Aswang” (2019) ni Alyx Ayn Arumpac, may bahaging nawala sa dating tirahan si Jomari — ang batang kaibigan ni Kian delos Santos, anak ng mag-asawang nakulong dahil sa “gera sa droga,” at sinubaybayan ng dokumentaryo.

Sa paghahanap sa kanya ng direktor, maraming pinagtanungan. Nang makita ang bata, at kung nasaan siya, maiisip ng manonood na mali talaga ang mga naunang lugar na napagtanungan. Wala ang bata sa mga lugar na bagamat mahirap ay hindi sagad ang hirap. Nandoon siya sa barung-barong na manipis na kahoy ang sahig, kung saan nakasalampak ang nakatira, sa makikitid at siksik na eskinita.

Tila ganoon din ang pelikula. Kung tutuusin, walang bago sa mga ikinwento nito. Halos araw-araw na laman ng balita, lalo na noong bungad ng rehimen, ang mga pagpatay dahil sa “gera sa droga.” Pero dinala ng “Aswang” ang mga manonood sa isang bagong lugar, na noong una’y hindi natin inakala o matanggap na naroon nga.

Ang bago sa “Aswang” ay ang pagtutok sa mga kwento ng mga pinaslang, naapektuhan at saksi ng naturang gera — taliwas sa paspasang kumpas ng balita. Ipinaramdam nito ang mga buhay na sangkot, mga ugnayan nila at ang lugar nila — taliwas sa pagkamanhid na dulot ng ng estadistika. Sa ga nito, patunay ang “Aswang” sa bisa ng dokumentaryo at pelikula bilang mga pormang pansining at pangkultura.

At mapagmuni rin ito sa kalagayan ng mga pinaslang at dinahas — hindi ba may pagka-pasibo sa salitang “biktima”? — at kalagayan ng bansa. Paano ba tayo napunta rito?

Bago rin ang pagbabalangkas ng kwento. Ang bawat pagkukwento ay pag-unawa at pagteteorya sa reyalidad, sabi ng mga kritiko. Dinala ng “Aswang” ang mga manonood sa reyalidad kung saan…

May mga batang maralita na maagang namulat sa pagpatay, pandarahas, pag-aresto at waring pagsosona ng kapulisan. Gayundin sa paghahanap-buhay, kasama ang droga, na katulad ng plastik na lalagyan ng shabu ay pang-araw-araw na reyalidad. Ang kanilang mga kwentuhan (mga aswang) at laro (bugbugan) ay pawang nasa anino ng dahas. Ang mga paghinga at kaligayahan sa buhay ay nasa pagbili (bagong tsinelas, damit, pagkain) — bukod pa ang makasama ang mga mahal sa buhay.

May mga batang maralita na ang pangarap ay maging pulis. Sa kamusmusan ng kanilang kamalayan, hangad ng inaapi na maging isa sa mga nang-aapi, sabi ni Paulo Freire; hangad ng sinakop na Itim na maging isa sa mga mananakop na Puti, sabi ni Frantz Fanon. May lakas at dating, nakakapagbago ng buhay: marahil, pulis lang ang sumasayad sa kanilang buhay na ganyan.

May lakas at dating, nakakapagbago ng buhay: aswang. May matalas na nasasapul ang kababalaghan sa reyalidad na pinaghahalawan ng pangarap: nabubuhay ang aswang sa pagkain ng dugo at laman, sa pagpatay ng tao. Kung anumang inhustisyang dinanas nila sa naunang buhay, hindi na iyun mahalaga para sa mga nabubuhay; kailangan silang takasan, kontrahin, palayasin, kung hindi man patayin.

Nagaganap ang dahas na mabilisan at maramihan, walang ligal na proseso, hindi mapapaliwanagan o mapapakiusapan, at walang awa. Hindi lang sentral na pangako ni Duterte noong eleksyon ang “gera sa droga,” kundi sentral na mekanismo ng paghahari niya: dahas at pananakot. Ang mga kaanak ng mga pinaslang, mga saksi, mamamahayag at taong-simbahan, hanggang sa komisyon ng gobyerno sa karapatang pantao — lahat, alam na mali ang nangyayari, pero walang makapalag.

Sa ilalim ng gobyernong may “gera kontra droga,” pangunahin ang espada kaysa sa krus, ang bala kaysa fake news. Hindi dahil “matagumpay” ang “pagkondisyon” sa mga mamamayan na ang mga adik at tulak ay “kaaway.” Masyadong pinupuri ng ganyang paliwanag si Duterte at idinadamay pa ang mga mamamayan sa pananagutan. Hindi dahil kumbinsido ang mga tao, kundi dahil tiyak ang dahas, mayroong takot, at ginagawang madali ang pag-atras sa pagiging kunwari’y kumbinsido.

Ang dominante ay relihiyon ng ritwal (pagsisimba, pagdarasal, penitensya) at pananampalataya, hindi ng mga pangaral — kahit simpleng malasakit sa kapwa — at kalagayan ng buhay at lipunan. Sa isang sipi na laging ginagamit sa pag-aaral ng ideolohiya, sabi ng teologong si Blaise Pascal, “Lumuhod ka, magdasal, at maniniwala ka” — at napako na diyan ang lahat, na parang nariyan na ang kaligtasan.

May mga alagad ng simbahan na nagsisikap iugnay ang mga aral ng Kristiyanismo sa mga nagaganap sa buhay ng mga maralita at ng bansa — habang nananatiling malapit sa mahihirap, saksi sa mga pagdurusa nila at katuwang sa paglaban nila. Ang mga pagsisikap niya, ni Fr. Ciriaco Santiago III, mas nakikita pang umaabot sa mga taong-simbahan mismo (sa mga talakayan), sa mga progresibong organisasyon (sa mga protesta), at sa mga kaanak ng mga pinaslang — hindi pa sa malawak na hanay ng mananampalataya.

Ang sakal at sulasok ng espasyo ng mahihirap ay ibang-iba sa mobilidad sa sasakyan at relatibong maluwag na espasyo ng mga nasa panggitnang uri (sa kasong ito, ni Fr. Santiago), at sa malalaking tanaw sa buong lungsod ng kamera. Sa huli, hindi nakikita ang una, at sa huli nakakahinga ang mga nakakakita sa una.

Ang masisikip na espasyong pinaglalagian ng mahihirap ay pauna sa malapit nang kitid ng kabaong at nitso. Sa pamamagitan ng dahas at takot, ipinatanggap sa kanila ang kanilang lugar sa lipunan. Sa ganitong kalakaran, hindi aberya ang pagkidnap at iligal na pagpiit na ginawa ng kapulisan sa mahihirap sa bandang dulo ng dokumentaryo. Nasa iisang lohika ito ng pagkitil sa puwang, at sa hininga, ng mahihirap: lugar-iskwater, kulungang totoo at peke, kabaong at nitso.

Ang tanging saya para sa isang batang mahirap ay ang hindi pinatay ng kapulisan ang kanyang nanay, ang nakulong lang ito kumpara sa napatay, at ang nakalaya ito sa kulungan — para makasama sa araw-araw, pati sa paghahanap ng mapagkakakitaan sa basura. Sa malaking tanaw, walang pagkakaiba; pero sa tanaw niyang nasa espasyong iyun, ga-mundo ang laki ng pagkakaiba.

Nagbibigay ng pag-asa ang paglaban. Sa mga protesta, ang maluwag na espasyo ng lansangan ay nagiging siksik sa mga karaniwang tao, katulad ng mga espasyo ng mga maralita. Sa mga talakayan, nag-iisang diwa at katawan ang mga kalahok. Sa mga ito, nailalabas ang galit na iginugupo ng takot at dahas sa tahimik na pag-iyak, pagbulong, pagluluksa. Dito, tinutukoy at sinisingil ang pwersang nasa likod ng mga aswang.

Maaalala sa titulo ang alamat ni Edward Lansdale, opisyal ng Central Intelligence Agency o CIA ng US, sangkot sa kampanyang kontra-insurhensya sa mga Huk, o Hukbong Mapagpalaya ng Bayan, pagkatapos ng gera. “Sa mga lugar kung saan aktibo ang mga ‘Huk,’ isang iskwad ng militar para sa psychological warfare ang magpapalaganap ng kwento na may aswang (bampira) na nasa kabundukan.”

“Pagkatapos, magkakasa ang iskwad para sa psywar ng tambang, tahimik na susunggaban at papatayin ang huling tao sa patrulya, bubutasan nang dalawa ang leeg, at tutuyuin ang dugo ng bangkay bago ito ibalik sa daanan. Pagkatapos nito, aalis sa lugar ang mga mapamahiing Huk.” Katulad ngayon, ginamit ang aswang para pigilan ang pinakamalaking kasalanan para sa mga naghahari: ang manlaban.

Ipinalabas ang “Aswang” nang online streaming sa panahong lumalawak ang kamulatan at galit sa rehimeng Duterte dahil sa kriminal na pananagutan sa pagharap sa pandemya at lantarang panunupil. Matagal nang naririnig ng marami ang mga kwento sa “gera kontra droga,” pero mas bukas na ang mata, isip at puso nila ngayon.

Salamat sa “Aswang” sa pagdadala sa atin sa lugar na ito.

15 Hulyo 2020


Mga imahe mula sa FB at Twitter accounts ng ‘Aswang’