Bisaya ako, Ilongga mula Negros Occidental. Produkto ako ng pagtuturo gamit ang wikang ito sa Grade 1 at 2. Ibig sabihin, Hiligaynon ang pagtuturo sa amin at Ingles bilang pangu-nahing medium of instruction mula Grade 3 hanggang college.
Pero ang aking disertasyon para sa aking PhD sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) ay isinulat ko sa Filipino: Ina, Obrera, Unyonista: Ang Kababaihan sa Kilusang Paggawa sa Panahon ng Kolonyal ng Paghahari ng Amerikano: 1901-1941.
Paano ang isang lumaki sa Ilonggo at sa Ingles ay makapagsulat ng disertasyon na magiging libro sa Filipino? Susi ang pagkikilahok ko sa kilusang mapagpalaya mahigit nang 50 taong nakaraan. Oo, bahagi ako ng henerasyon ng Unang Sigwa ng 1970 o First Quarter Storm of 1970, ang makasaysayang kilusang masa na itinuturing na Ikalawang Kilusang Propaganda.
Ang Unang Kilusang Propaganda ay ang malawakang paglantad ng pang-aapi at pagsasamatala ng kolonyalismong Espanyol sa pamamagitan mg mga akda nina Jose Rizal, Marcelo del Pilar, Graciano Lopez Jaena, Juan Luna, at iba pang makabayang nagmulat sa mamamayan kabilang na sina Andres Bonifacio, Emilio Jacinto, Gregoria de Jesus, Teresa Magbanua at libu-libong iba pa para ipaglaban ang pambansang kalayaan at demokrasya laban sa kolonyalismong Espanyol.
Sa Ikalawang Kilusang Propaganda, mahalaga ang ugnayan ng wikang Filipino at ng kilusan sa panahon bago ideklara ang batas militar.
Lumaganap at yumabong ang wikang Filipino sa paglaganap at pagyabong ng pambansa demokratikong kilusan sa ating bayan. Ganoon din, lumaganap at yumabong ang pambansa demokratikong kilusan habang ipinalalaganap at pinayayabong ang sariling wika.
Filipino ang lengguwahe ng mga rali, discussion groups o DG, teach-ins, mga pagtatanghal sa kalye o sa mga teatro, mga awit, mga tula, mga manipesto.
Napakahalaga ng wikang sariling atin para maabot ang nakararaming mamamayan: mamulat, maorganisa at mapakilos. May ilan akong ibabahaging repleksyon sa wika bilang wika ng pakikibaka.
1. Ang wikang Filipino ay naglantad sa kabulukan ng lipunan at sa pag-uugat ng mga araw-araw na suliranin ng mamamayan; kahirapan, korupsiyon, mababang suweldo, kawalan ng lupa. Iniugnay ito sa batayang problema ng bayan.
Kaya dumadagundong ang Plaza Miranda, mga lansangan patungong Mendiola o US Embassy o ang paligid ng Plaza Moriones sa Tondo ng mga sigaw na “Imperyalismo, ibagsak! Pyudalismo, ibagsak! Burukrata kapitalismo, ibagsak!” at “Marcos, Hitler, Diktador, Tuta!” bilang paglalantad kay Marcos bilang pangunahing tagapagpatupad ng mga patakarang antimamamayan. Hindi simpleng mga islogan o panawagan ito. Malinaw na iniugnay ang mga ito sa araw-araw na karanasan ng taumbayan.
2. Nilinaw din sa mga pahayag at mga pagtitipon ang solusyon: pambansa demokratikong pakikibaka na may sosyalistang perspektiba. Mahigpit na inugnay ang ganitong solusyon sa rebolusyonaryong tradisyon ng ating bayan at sa pagpapahalaga sa kasaysayan.
3. Napakahalaga ng sariling wika para mapag-isa ang mga manggagawa, magsasaka, estudyante at mga propesyunal na sa nakaraan ay watak-watak bunga ng katayuang pang-ekonomiya at panlipunan na lalong pinatibay ng pagkakaiba ng lengguwahe.
Ingles sa maykaya, Filipino sa anakpawis. Wika ang tumulong sa pagbigkis sa atin at nagdiin sa kahalagahan ng mahihirap. Nasalamin ito sa awit na “Manggagawa at Magbubukid, binubuo ng kawal ng bisig”. At ang kailangang pagtalikod sa kinamulatang prebilehiyo para sa mga maykaya nang kaunti ang kantang “Tamad na burges na ayaw gumawa / sa pawis ng iba’y nagpakasasa / pinalalamon ng manggagawa, hindi marunong mangahiya.”
4. Mahalaga rin ang wika sa pagmulat sa kababaihan. Makibaka, ang Malayang Kilusan ng Bagong Kababaihan, ang organisasyon ng kababaihan at popular ang awiting “O babaeng walang kibo” na ang mga panghuling saknong ay “bakit hindi ka magtanggol / may anak kang nagugutom / bunso mo ay umiiyak / natitiis mo sa hirap. / Ano’t di ka magbalikwas / kung ina kang may damdamin at paglingap.”
Iginuhit ang larawan ng bagong kababaihan, di kimi o biktima kundi kakapit-bisig ng kalalakihan sa pagbabago ng lipunan.
Sa sunud-sunod na mararahas na pagsupil sa mga pagtitipon ng mga mamamayan, sa pagsuspinde ng writ of habeas corpus noong 1971, malinaw na pasismo ang tugon ng nasa kapangyarihan sa hinaing ng bayan.
5. Kaya ang sariling wika ay wika ng pagtindig at paglaban. Mga akda ng mga tulad ni Ka Amado Hernandez ang nagpaalaala sa atin na may katapusan ang pagluha. Sa tulang “Kung Tuyo Na ang Luha Mo. Aking Bayan”: “May araw ding ang luha mo’y masasaid, matutuyo / May araw ding di na luha ang dadaloy sa mata mong namumugto, kundi apoy at apoy na kulay dugo / Samantalang ang dugo mo’y aserong kumukulo / Sisigaw ka nang buong giting sa liyab ng libong sulo at ang lumang tanikala’y lalagutin mo ng punglo!”
6. At ang wika ng paglaban at pagtindig ay malinaw sa mga panawagang: “Makibaka, huwag matakot! Anong sagot sa martial law? Digmaan, digmaan, digmaang bayan! Mangahas makibaka, mangahas magtagumpay!” ang naging mahalagang gabay ng libu-libong mamamayan nang idineklara ang batas militar noong 1972.
Halos 14 na taon na buhay at kamatayang pakikibaka ang hinarap ng makabayang mga mamamayan pero tulad nang ipinakita ng kasaysayan, may katapusan din ang paghahari ng diktadura.
Tanganan natin ang diwang “Mangahas Makibaka, Mangahas Magtagumpay!”