2017: Landas patungong pasistang diktadura

0
297

Nagsimula ang taon nang puno ng pangako. Nagtalaga si Pangulong Duterte ng mga progresibo sa gabinete. Nagdeklara siya ng “pagkalas sa Amerika,” habang tinatahak ang isang tunay na “independiyenteng polisiyang panlabas.” Umuusad ang usapang pangkapayapaan sa National Democratic Front of the Philippines (NDFP). Nangako siyang wawakasan ang kontraktuwalisasyon, habang pag-iisipan ang pagpapatupad ng isang pambansang minimum na sahod sa mga manggagawa. Sinuportahan niya ang libreng edukasyon sa kolehiyo. May moratoryo sa mga demolisyon habang walang relokasyon.

Pero simula’t sapul, si Duterte mismo ang naglatag ng batayan sa pagtungo niya sa lantarang pasismo. Sa kabila ng walang-tigil na pamumuna ng progresibong kilusan kontra sa kanyang Oplan Tokhang na bumiktima sa libu-libong maralita, pinatindi lang ito ng kanyang rehimen. Nagtalaga siya ng economic team na tumatahak pa rin sa landas ng neoliberal economics – o ang bigong mga polisiya sa ekonomiya na lalong nagpahirap sa mga mamamayan sa nakaraang mga administrasyon. Unti-unti siyang nagtalaga ng mga retiradong heneral at opisyal sa sibilyang mga posisyon sa gobyerno. Samantala, hindi talaga siya nagputol ng ugnay sa US; ipinagpatuloy niya ang mga ehersisyong militar na Balikatan. Patuloy naman ang banat niya sa independiyenteng mga institusyon ng gobyerno tulad ng Hudikatura, habang kinokonsolida ang kontrol sa Kongreso.

Unang pihit ng rehimen: ang pagputok ng digmaan sa Marawi, sa tulong ng mga tropang Kano. Panahong ito, biglang umatras si Duterte sa ikalimang round ng usapang pangkapayapaan. Nagdeklara siya ng batas militar sa buong Mindanao. Matapos nito, di sinuportahan ni Duterte sina Judy Taguiwalo at Rafael Mariano sa Commission on Appointments. Samantala, pangalawang pihit: Matapos bumisita si US Pres. Donald Trump sa panahon ng Asean Summit noong Oktubre, dineklara muli ni Duterte ang pagtigil sa pakikipagnegosasyon sa NDFP. Dineklara niyang terorista ang New People’s Army at Communist Party of the Philippines, at nagbanta ng crackdown sa mga miyembro ng legal na progresibong mga organisasyon. Nitong nakaraang mga linggo, iniutos niya ang pagpapalawig sa batas militar sa Mindanao hanggang 2018, at ipinasa ang “reporma sa buwis” na magpapataas sa batayang mga bilihin ng mga maralita.

Sa pagtatapos ng taong ito, kumpleto na ang pagpihit ni Duterte tungong pasismo at diktadura. Nagdeklara na siya ng giyera sa buong sambayanang Pilipino. Iigting ito sa susunod na taon. Maghanda.



Mga larawan: Dambuhalang kilos-protesta noong Disyembre 10, Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao (Kuha nina KR Guda, Jaze Marco, Pher Pasion, Abie Alino, at Darius Galang