10 istoryang pinalampas ng midya sa 2017

0
218
May pagbabagong naganap sa ilalim ng gobyernong Duterte – ang pagbabago patungong lantarang pasismo at diktadura. Mainam na nakober ng dominanteng midya ang marahas na giyera kontra droga ng rehimen. Sa pangkalahatan, naging kritikal din ito sa giyerang ito.
Pero sa pagpihit ni Duterte tungo sa mas lantad na pasismo – na naghudyat sa pagdeklara sa Kaliwa bilang “terorista” kahit na malinaw na kabaligtaran ang totoo – tila may mga hindi nababalita o hindi naitatambol ba na mahahalagang istorya. Sa pamamagitan sana ng mga istoryang ito, makikita kung papaano tinalikuran ni Duterte ang mga pangako niya para sa progresibong pagbabago, tulad ng pagpawi sa kontraktuwalisasyon, pagpatupad ng independiyenteng polisyang panlabas, pagsagawa ng reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon, pagkamit ng kapayapaang nakabatay sa hustisya, at iba pa.
Taun-taon, inilalabas ng Pinoy Weekly ang listahang ito ng mga istoryang sa aming palagay ay hindi sapat na naikober o napatambol ng dominanteng midya. Sa panahon ng paglaganap ng fake news, napapanahon muli ang paglabas nito.

‘Puso ng peace talks‘: Negosasyon para sa mga repormang sosyo-ekonomiko

Ibinalita at pinag-usapan sa midya ang pagpapatuloy/pagtigil ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) at gobyernong Duterte. Pinag-usapan din ang kawalan ng tigil-putukan matapos ang Pebrero na pagtigil ng usapan, gayundin ang mga bakbakan, lalo na ang mga atake ng New People’s Army (NPA). Pero ano nga ba ang pinag-uusapan? Paano nga ba matutugunan ng negosasyon ang pinakaugat ng armadong tunggalian?

Hindi binibigyan ng karampatang atensiyon ang sinasabing “puso ng usapang pangkapayapaan”: ang negosasyon hinggil sa mga repormang panlipunan at pang-ekonomiya, o ang Comprehensive Agreement on Social and Economic Reforms (Caser).

Sa negosasyong ito, isinalang ng NDFP ang mga panukala nito para sa pang-ekonomiyang kaunlaran na pakikinabangan ng mayorya ng mga Pilipino. Kasama na rito ang libreng pamamahagi ng lupaing agrikultural sa mga magsasaka na nagpapayaman sa lupaing ito—bahagi ng tunay na repormang agraryo. Gayundin, pinag-usapan ang panukala ng mga rebolusyonaryo para sa pambansang industriyalisasyon, o ang pagtatatag ng batayang mga industriya tulad ng langis, bakal, atbp.

Nagkasundo na sana ang magkabilang panig; pormal na pirmahan na lang ang magaganap sa ikalimang round ng usapang pangkapayapaan nitong Nobyembre 25 sa Oslo, Norway. Pero ilang araw bago nito, biglang iniatras ni Duterte ang mga negosyador ng gobyerno. Walang pirmahang naganap. Binansagang terorista ang mga dati niyang itinuturing na “kaibigan”. Nagdeklara rin ng crackdown sa mga lider ng kilusang masa. Lahat nang ito matapos ang pagbisita ni US Pres. Donald Trump. Isinagawa pa ni Duterte ang anunsiyo sa presensiya ng pinakamalalaking burgesya komprador ng bansa, tulad ni Enrique Zobel de Ayala.


Batas militar sa buong Mindanao

Tuwang tuwa ang malalaking negosyante sa Mindanao sa batas militar ni Duterte. Nagamit kasi nila ang deklarasyong ito para atakehin ang mga manggagawang naggigiit sa kanilang mga karapatan sa paggawa. Katunayan, sa Compostela Valley, ginamit ng manedsment ng kompanya ng saging, ang Shin Sun, ang batas militar para puwersahang buwagin ang welga rito.

“Walang welga-welga. Martial law ngayon,” sabi diumano ng mga militar at armadong goons ng kompanya sa mga manggagawang bukid na nagwelga.

Samantala, ginamit din ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang batas militar para buong lakas na bigwasan ang NPA sa mga komunidad na kontrolado nito—kahit pa noong hindi pa natitigil ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at NDFP. Batas militar ang nagbigay-katwiran sa mga pagbomba sa mga komunidad ng mga Lumad sa Timog Mindanao. Ito rin ang naging dahilan ng mga atakeng militar sa mga komunidad ng mga Lumad, kabilang ang pananakop at pagpapasara sa mga alternatibong paaralan ng Lumad sa Timog Mindanao, Caraga, Far Southern Mindanao, at iba pang rehiyon sa Mindanao.

Pero ang lumulutang na boses kaugnay ng batas militar sa Mindanao ay ang mga tulad nina Rep. Manny Pacquiao, na nagsabing “nakabubuti ang batas militar sa aming (mga taga-Mindanao).” Ito ang tinutuntungan ngayon ng pag-ekstend ni Duterte sa batas militar hanggang katapusan ng 2018.


Mga nawawala’t nasawi sa Marawi

Mistulang naging tagatambol ang masmidya ng kampanyang militar ng AFP sa Marawi.

Mula nang sumiklab ito noong Mayo 2017, di-maikakailang nasa panig ito ng mga atakeng kontra-Maute ng militar sa naturang lungsod. Pana-panahong lumalabas ang mga istorya hinggil sa krisis humanitarian sa lugar. Pero sa pangkalahata’y iniuulat na ginagawan ng gobyerno ng paraan para maibsan ang hirap ng mga bakwit.

Samantala, hindi na kuwestiyon kung may sapat na batayan ba talaga o wala ang mga pambobomba; o kung totoo talaga ang naratibong ikinukuwento ng militar para bigyan-katwiran ang mga operasyong militar at ang batas militar sa buong Mindanao.

Nang ideklara ni Duterte ang pagwawakas ng mga operasyong militar sa Marawi City, muling itinambol ng dominanteng midya ang “kabayanihan” ng mga sundalong kalahok sa mga operasyong militar. Pero tila natabunan ng mga balita ang pagpapatuloy ng krisis humanitarian sa lugar. Tila isinantabi rin ang mas seryosong pagbibilang sa mga nawawala—at posibleng nasawi na—na mga sibilyan sa Marawi.


Pagbobomba sa iba’t ibang bahagi ng bansa

Bago pa man sumiklab ang giyera sa Marawi sa Mindanao, ilang lugar na sa bansa ang dumadanas ng pagbobomba ng AFP.

Mga mamamayan ng Abra ang mga unang sumalo ng bomba mula sa militar. Marso nang bombahin ng mga sundalo ng 24th Infantry Battalion, Philippine Army (IBPA) sa ilalim ng 7th Infantry Division (ID) ang bayan ng Malibcong sa Abra. Hindi rin nakaligtas sa pambobomba ang probinsiya ng Batangas. Nitong Setyembre, binomba ng 203d Infantry Brigade at 730th Combat Group ng Philippine Air Force ang Bundok Banoi sa Lobo, Batangas. Naging target din ng pagbomba ang Nueva Vizcaya.

Nasa konteksto ng pagpapatuloy ng giyera kontra-insurhensiya ang mga pagbomba. Subalit kahit buhay at pamayanan na ang nakataya, walang malalim na pagsusuri at pag-iimbestiga rito ang dominanteng midya.


Pagtalikod sa pangako sa kontraktuwalisasyon

Nitong Marso 2017, nilagdaan ni Labor Sec. Silvestre Bello III ang Department Order 174 na aniya’y magwawakas sa kontratuwalisasyon sa bansa. Pero naging bagong mukha lang ito ng kontraktuwalisasyon. Sa ilalim nito, magiging regular ang mga manggagawa hindi sa kompanya kundi sa ahensiyang hawak ng kanilang kompanya. Kaya kaya’t hindi malinaw sa mga manggagawa ang kanilang kahihinatnan sa oras na tapusin ng prinsipal na employer ang kontrata sa kanilang agency.

Isa pang anyo ng kontraktuwalisasyon sa hanay ng mga manggagawa sa gobyerno: Noong Hunyo 15, 2017 inilabas ng Department of Budget and Management (DBM), Commission on Audit (COA) at Civil Service Commission (CSC) ang Joint Circular No. 1. Tulad ng DO 174 sa pribadong sektor, mistulang pinagtitibay nito ang pagkuha ng kontraktuwal sa gobyerno.

Taliwas ito sa mga unang pahayag ni Pangulong Duterte na nagsasabing wawakasan niya ang kontraktuwalisasyon; mukhang tinalikuran na nga ng Pangulo ang pangako na nakakuha ng suporta sa maraming Pilipinong manggagawa.


Kampanyang bungkalan sa iba’t ibang bahagi ng bansa

Sa pangunguna ng ilang grupo ng mga magsasaka, may mga harang man, tagumpay na naisagawa ang “kampanyang bungkalan” o ang pagbawi sa mga lupang inagaw sa kanila ng mga korporasyon at mga panginoong maylupa.

Ang bungkalan sa Hacienda Luisita ang isa sa pinakamalaking bungkalan isinagawa sa bansa. Ilang taon nang nagsasagawa ng bungkalan ang mga magsasaka ng nasabing asyenda upang mabawi ang kanilang lupain sa mga Cojuangco -Aquino. Kasunod nito, nagdaos din ng malawakang bungkalan ang ilang magsasaka sa Hacienda Gancayco sa Quezon, Lupang Almeda sa Occidental Mindoro at Lupang Kapdula sa Cavite.

Pero bahagi lang ito ng mahigit isang siglong pakikipaglaban para sa lupa. Patuloy pa ring naghahangad ang maraming magsasaka sa Pilipinas ng tunay na reporma sa lupa na ipinagkakait sa kanila.


Mga kaswalti sa sunog sa HTI

Kulang ng dalawang araw ang nangyaring sunog sa House Technology Industries Pte Ltd. sa Cavite, isang pagawaan ng mga kagamitang pabahay. Tatlong palapag, isang malaking engklabo, na nasunog sa oras na nakapasok na sa trabaho ang mga manggagawa.

Pinatahimik ni Gov. Crispin Remulla ang midya sa pagpipirisinta niya ng mga litrato na umano’y gumawa na ng pagsisiyasat sa kanyang pangunguna. Sa umaga matapos ang isang araw ng sunog, ibinida niya sa midya na may ilang bahagi ng nasunog na pabrika.

Nakapagtatakang sa ganoong kalaki at katagal na sunog, hindi malaman kung ilan talaga ang namatay. Oo, may inilabas na bilang ng nasugatan at nasawi sa mga dinala sa ospital. Pero hindi itinampok ang mga kuwento ng mismong mga manggagawa ng HTI na hindi sila naniniwalang walang namatay sa sunog. Naniniwala sila na maraming namatay, at may kaanak na naghahanap sa kanilang mahal-sa-buhay na nagtatrabaho sa pagawaan. Naniniwala silang dapat managot ang manedsment at gobyerno.

Hindi pa muling naiimbestigahan ang pangyayaring ito sa HTI. Hindi pa muling nababalikan kung ilan nga ba talaga ang namatay sa sunog sa engklabo. Nakakapangilabot isipin na maaaring mangyari ito muli, at gagamiting tuntungan ang karanasan na ito upang ikubli ang kalunus-lunos na kalagayan ng mga manggagawa lalo na sa panahon ng sakuna.


Migranteng Pilipino, nasa bingit pa rin ng bitay

Mahal umano ni Pangulong Duterte ang mga manggagawang Pilipino na nasa ibang bansa. Sa katunayan, gusto na nga niyang umuwi sa bansa ang mga ito at dito na magtrabaho. Ngunit sa kasalukuyang lagay ng ekonomiya at trabaho sa bansa, tila mahirap gawin ito. Kaya mananatili’t mananatili ang mga manggagawang Pilipino sa ibang bansa. Karaniwan, makakarinig tayo ng mga kasong kinasasangkutan nila, na may pagkakataong umaabot sa death penalty.

Kasama ang Migrante International sa pinapurihan ng mga mambabatas sa pagkaka-walang sala ni Jennifer Dalquez noong Hunyo 19, matapos siyang maideklarang inosente ng korte sa Abu Dhabi na hindi na kailangang magbayad pa siya ng diyyah o blood money. Pero hindi pumutok nang husto ang mga kuwento ng mga Pilipinong nasa death row sa ibang bansa, sa mga kasong karamihan ay murder at may kinalaman sa droga. Mayroong 31 sa Saudi Arabia. Aabot sa 41 ang nasa Malaysia. Mayroon ding tig-dalawa na nasa death row sa China at US.

Tila tahimik ang midya sa pagpapalaganap ng impormasyon tungkol sa mga “bagong bayani” na sa kasalukuyan ay nakabingit ang buhay sa ibang bansa. Tila tahimik at walang ginagawang ingay ang gobyerno upang mapakilos ang mga mamamayan na magkaisa para sagipin sila, tulad ng nangyari sa kaso ni Mary Jane Veloso (na nasa death row pa rin sa Indonesia).


Mga batayan ng pagpigil sa mapanirang pagmimina—at pagbabalik nito

Tumatak ang mga nagawa ni Regina “Gina” Lopez bilang kinatawan ng Department of Environment and Natural Resources. Agaran niyang nabago ang departamento, at agad na narepaso ang mga kontrata sa malawakang pagmimina.

Aniya, kailangang kanselahin ang 75 Mineral Production Sharing Agreements o MPSA sa watersheds. Aniya pa, kailangang magbukas ng trust fund account na nagkakahalagang P2-Milyon ang bawat kompanya ng pagmimina upang mapahintulutang maalis ang tambak ng kanilang namina at magkaroon ng export permit. Ani Lopez, kailangang ipasara ang 28 kompanyang nagmimina dahil lumabag ang mga ito sa mga batas ng bansa.

Hindi sapat na nakober ng midya ang malalim na mga batayan ng pagsuspinde ni Lopez sa mga proyekto ng malawakang pagmimina sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Kaugnay rin nito, hindi rin sapat na nakober ang pagbaligtad ng DENR sa naging mga desisyon ni Lopez matapos mabasura ang pagtalaga sa kanya at maipalit ang isang retiradong heneral, si Roy Cimatu.


Progresibong nagawa ng dating mga miyembro ng gabinete

Hindi maipagkakaila ang laki ng naiwan nina Judy Taguiwalo, Rafael Mariano, Liza Maza at Lopez sa kani-kanilang puwesto bilang bahagi ng gabinete ni Duterte.

Malinis, at walang-bahid na korupsiyon ang rekord ni Taguiwalo sa Department of Social Welfare and Development. Siniguro niyang hindi magagamit sa patronage na pulitika ang pondo ng ahensiya sa uri ng pork barrel. Naisagawa naman ni Mariano sa Department of Agrarian Reform ang mabilis na pamamahagi ng lupa sa mga magsasaka sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Law. Napasuspinde naman ni Lopez ang mga operasyon ng mga malawakan at nakasisirang pagmimina.

Pero hindi sapat na naibalita ito sa midya. Tanging ang pagiging “Kaliwa” at iba pang ibinatong putik sa kanilang apat ang naging sentro ng usapan—na ginawang dahilan ng Commission on Appointments para tanggalin ang tatlo sa kanila sa puwesto. Hindi mapagkakaila na malaki ang naiambag nina Taguiwalo, Mariano, Maza at Lopez sa kani-kanilang mga posisyon. Ramdam naman ito ng mga mamamayan. Kailangan lang talaga ng mga naghaharing uri na mapanatili sa kontrol nila ang mahahalang posisyong ito.