Walang duda: Duterte, kontra-manggagawa

0
230

Dadagundong ang mga kalsada ng Kamaynilaan sa Mayo Uno, Pandaigdigang Araw ng Paggawa. Iba’t ibang grupo ng mga manggagawa ang magtitipon sa paanan ng Malakanyang sa Mendiola. Nagkakaisa ang mga ito, at galit na maniningil. Sa araw na iyon, maipapamalas muli ang lakas ng uring manggagawa para itulak ang kailangang panlipunang pagbabago.

Ang naging mitsa: ang di-pagpirma ni Pangulong Duterte sa anumang burador ng Executive Order para wakasan ang kontraktuwalisasyon sa bansa. Hinahayaan na lang umano niya sa Kongreso para magpasa ng batas kaugnay nito.

Bago ito, napag-alaman nating kinokonsidera ni Duterte na lagdaan ang burador ng EO na sinumite sa kanya, hindi ng mga manggagawa, kundi ng Employers’ Confederation of the Philippines (ECOP) na kumakatawan sa malalaking employer sa bansa. Anu’t anuman, lumalabas na wala na sa konsiderasyon ng Pangulo na pirmahan ang burador ng Executive Order na binuo ng mga grupo ng mga manggagawa. Bago nito, noong Marso, nagbigay na ng indikasyon si Duterte na patungo na siya sa pagtalikod sa kanyang mga pangako sa mga manggagawa: sinabi niyang hindi pa niya malalagdaan ang burador na EO dahil “baka magalit ang mga negosyante.”

Para sa mga manggagawa, pamilyar na ang tonong ito ni Duterte. Narinig na nila ito sa halos bawat presidenteng naluklok sa poder. Bawat hiling na pagtaas ng sahod, ang laging sagot sa kanila ng mga nasa poder ay “kailangang ikonsidera ang mga employer”.

* * *

Tulad din ng nagdaang mga Pangulo, maganda sa pandinig ng mga manggagawa ang binitawang mga pangako ni Duterte.

Nanunuyo pa lang ng mga boto, ipinangako na niya ang pagbasura sa kontraktwalisasyon. Ang sabi ni Duterte, sa oras na maupo siya sa Malakanyang, wala nang kontraktwalisasyon. Siyempre, malalaman na lang natin sa sumunod na mga buwan at taon na ganun lang talaga siya magsalita: Mayabang, mahilig sa matatapang na pangako—mga pangakong magandang pakinggan sa tainga ng mga mamamayan.

Nang maupo siya sa Malakanyang, ipinangako muli ito ni Duterte. Batay sa pangakong ito, agad na kumilos ang mga manggagawa. Nakipagdiyalogo sa Pangulo at sa Department of Labor and Employment (DOLE) ang Kilusang Mayo Uno (KMU) at iba pang grupo. Nakipagkonsultasyon sila sa mga independiyenteng unyon at pederasyon ng mga manggagawa. Inabot ang mas malawak na bilang ng mga di-organisadong manggagawa, lalo na iyung mga kontraktuwal. Hinikayat nila ang mga ito na magsampa ng mga reklamo o notisya sa DOLE, para inspeksiyunin ang kanilang mga pabrika at kompanya, at iregularisa ang kontraktuwal na mga manggagawa.

Sa antas ni Duterte, ilang beses na nakipagdiyalogo ang mga manggagawa. Matatandaang noong nakaraang taon, Mayo 1, 2017, hiniling mismo ni Duterte sa mga grupo ng mga manggagawa na bumuo ng burador na “agad niyang pipirmahan”. Agad na nakapagbuo ang KMU at iba pang grupo ng burador ng EO, burador na tunay na wawakas sa praktika ng mga kapitalista na ipagkait sa mga manggagawa ang kanilang karapatan, seguridad sa trabaho at benepisyo.

Ipinrisinta ito ng mga manggagawa sa DOLE at kay Duterte. Pero sinayang nito ang mahigit dalawang taon ng negosasyon at pakikipagdiyalogo para makapagbuo ng makatwirang pamamaraan ng pagwakas sa kontraktwalisasyon.

* * *

Sa ginawa niyang ito, binasura ni Duterte ang makatwirang hiling ng mga manggagawang Pilipino para sa regular at disenteng trabaho. Pinili niyang sundin ang dikta ng malalaking negosyante sa pagpapatuloy ng pag-eempleyong kontraktuwal. Lalong ipinapahamak ni Duterte ang mga manggagawa sa mas matitinding pang-aabuso at paglabag sa ating mga karapatan.

Pinatutunayan nito na tumulad na ito sa nakaraang mga rehimen: kontra-manggagawa ang rehimeng Duterte. Sa kabila ng tuluyang pagtalikod sa mga manggagawa, nagpapanggap pa ito. Pilit na sinasakyan pa rin ni Duterte ang kanyang popularidad na nagmula rin naman sa kanyang mga pangako. Sa estilong nasanay na ang madla ngayon, kunwari’y galit siya sa malalaking negosyante. Nagdeklara siya ng isang “endo Tokhang list”. Pero balewala ito, dahil nanatiling tiklop siya sa dayuhang mga monopolyo-kapitalista, lalo na iyung mula sa US at Tsina. Samantala, hinayaan niya ang paglabas ng DOLE Order 174 at pagmamadaling pagpasa sa House Bill 6908—mga hakbang na lalong naglegalisa sa kontraktuwalisasyon.

Palaging napapatunayang sa pagkakaisa at pagkilos ng mga manggagawa at mamamayan lang maitutulak ang panlipunang pagbabago. Sa kabilang banda, muling napapatunayan ngayon na hinding hindi magmumula sa isang Presidente na mahilig mangako ang pagbabagong hangad ng mga manggagawa. Mitsa lang sa mga manggagawa ang di-pagtupad ni Duterte sa pangakong ibasura ang kontraktuwalisasyon. Matatandaang nangako rin siya na pag-aaralan ang pagkakaroon ng National Minimum Wage at makabuluhang dagdag-sahod sa mga manggagawa. Ni isang salita, wala na siyang sinabi tungkol dito. Marami pa siyang ibang ipinangako—wala pa ring natutupad sa mga ito.

Samantala, halata ang paggamit ni Duterte sa pandarahas sa mga manggagawa—mula sa pagbuwag sa mga piketlayn ng mga manggagawa sa Southern Tagalog at Mindanao, at iba pa, hanggang sa pagtarget sa mga unyonista, pagparatang sa kanilang mga “terorista” at rebelde. Dahil di niya matupad ang pangako, tatangkain na lang niyang busalan ang mga ito. Pero, siyempre, hindi tatalab ito sa mga manggagawa na galit na galit na.

Sa Mayo 1, Pandaigdigang Araw ng Paggawa, maasahang bubuhos ang mga manggagawa sa lansangan—sa iba’t ibang panig ng bansa—para ipakita ang lakas at iparamdam sa rehimeng ito, sa malalaking dayuhan at lokal na negosyante na kinakalinga ng rehimen, ang nagpupuyos na galit at umaalab na paghangad para sa panlipunang pagbabago.