Alternatibo sa jeepney phaseout, inihapag

0
377

Dinaluhan ng iba’t-ibang grupo at samahan, partikular ng mga jeepney drivers at operators ang pagpupulong na ginanap sa Sta. Cruz Church sa Maynila noong Abril 24.

Pinangunahan ng Alsa Jeep Metro Manila ang naganap na pagpupulong para talakayin kung bakit dapat tutulan ang jeepney phaseout kaakibat ng PUV Modernization Program ng pamahalaan. Ayon sa tagapagsalita ng Alsa Jeep Metro Manila na si Jake Marasigan, sinikap nila na hindi lamang mga driver at operator ang makakadalo sa pagpupulong kung hindi pati na rin ang iba’t-ibang mga sektor papunta sa kanilang laban kontra jeepney phase-out.

Inihayag ni Ibon Foundation research assistant na si Casey Salamanca ang mabuti at hindi magandang epekto ng jeepney phaseout sa mga jeepney drivers, operators at sa mga pasahero. Aniya, “Ginagawang rason o pinangtatabing yung polusyon ‘diumano na kino-cause o dinudulot ng mga jeepney sa Kamaynilaan.”

Ayon pa sa kanya, isang pag-aaral ang ginawa ng German government-funded institution kung saan sinasabi na may 209,124 PUJ units sa buong bansa. Siyamnapung porsyento ng mga ito ay 15 taon o mas matanda pa na target tanggalin ng pamahalaang.

Isang problema na nabanggit ay ang mga ipapalit sa mga nasabing jeepney na hindi pabor sa mga nagmamaneho at operator nito na e-jeepneys. Ang ipapalit na mga yunit ay mayroong Euro 4-compliant engines at solar-powered jeepneys na nagkakahalaga mula P1.1 milyon hanggang P1.6 milyon.

“Ang itsura po nito ay parang ‘yung ating mga driver at operator ay sinabihang bumili ng Montero Sport,” ani Salamanca. Dagdag pa niya, “Sa totoo maganda sana ang hangarin. Sino ba naman ang gustong huminga ng maduming usok? Sino po ba rito ang gusto na kaladkarin ang jeep nila? Ayaw natin na sira ang jeep natin.”

Kanyang idiniin na kahit maganda ang adhikain ng pamahalaan sa usapin ng modernisayon sa pampublikong transportasyon, matindi ang epekto nito sa mga mamamayan lalo na sa mga jeepney drivers at operators.

Mga alternatibo sa phaseout

“Ang fino-forward po natin na pwedeng mga alternatibo o pwedeng panghalili sa program na ay ‘yung Palit-Jeepney Program. Mayroong isang non-government organization na nasubukan na nilang mag-rehabilitate ng makina, diesel engine, at kayang pumasa sa standard ng pamahalaan. Mas mura pa ang gagastuhin na i-rehabilitate ‘yung mga makina ng jeep na ‘to kaysa bumili sila ng bago na Euro 4 na kuwestiyunable ang integridad,” sabi ni Salamanca. Ayon sa kanya, kailangan ng transparent na audit kung ilang jeep ang kayang i-rehabilitate.

Bukod sa Palit-Jeepney Program, kinakailangan rin ang isang polisiyang industriyal na nakatuon sa pagpapalakas ng ating sariling PUV manufacturing.

Pabor ang pambansang tagapangulo ng PISTON (Pinagkaisahang Samahan ng mga Driver at Operator Nationwide) na si George San Mateo hinggil sa mga alternatibong paraan para sa hindi pagpapatuloy ng jeepney phaseout. “Pwede ang rehabilitation basta pumasa sa Euro-4 emission standard.

Kanya ring idinagdag na mas masahol ang imports dahil walang tulong sa local economy at hindi gumagawa ng sustainable development hinggil sa tulong na ibibigay ng China at Vietnam bilang suporta sa modernization program ng Pilipinas.

Suporta ng mamamayan

Nanindigan si San Mateo na mahalaga ang partisipasyon ng iba’t-bang samahan ng jeepney drivers at operators at maging ng iba’t-ibang sektor ng lipunan sa darating na Mayo Uno para labanan ang jeepney phaseout. Dagdag niya, “Magkaugnay ang jeepney phaseout sa labor contractualization.” Sa ilalim ng OFG (Omnibus Franchising Guidelines) ng DOTr (Department of Transportation), magiging salaried workers ang mga jeepney drivers.

Natalakay din ang kahalagahan ng pampasaherong jeep sa kultura ng mga Pilipino na siyang ating pagkakakilanlan. Ibinahagi ng isang guro na si Mark Flores na ang jeepney phaseout ay pag-atake sa kabuhayan, kultura at kasaysayan ng Pilipino. Kung kaya’t kasama sa Araw ng mga Manggagawa ang ibang mga guro at estudyante na kontra sa jeepney phaseout dahil sa pangamba na tuluyan nitong maalis ang isa sa malaking ambag nito sa ating kasaysayan mula noon hanggang ngayon.

The post Alternatibo sa jeepney phaseout, inihapag appeared first on Manila Today.