May katuturan pa kayang
Araw ng Puso’y ipagdiwang
Ng masang aba’t api ng mga may kapangyarihan–
Na katiting mang hustisya’y pinagkakaitan?
Paano babatiin ng “Happy Valentine!”
Magsasakang iwinalay sa minamahal,
Dinakip isang linggo bago maikasal?
Puso’y nangungulila mahigit nang sampung buwan
Di nasisilayan sinisinta ni minsan.
Puso’y nagdurugo, nangangambang di na makasama
Dahil inakusahang “terorista”
Tinaniman ng baril, armalayt at granada.
Paano babatiin ng “Happy Valentine!”
Manggagawang sinakote sa labas ng tahanan
Isang bloke ang layo sa nireyd na tupada.
“Hindi naabutan ang totoong maysala,”
Anang pulis, “Mabils umiskyerda.
Umamin na lang kayo’t magbayad ng pyansa;
Agad kayong lalaya,” ang “payo” pa niya.
Laksa-laksang masa, puso’y namimighati,
Kubli ng mga rosas at pusong palamuti,
Tanawin ang panahon, Araw ng Pusong ipagdiriwang
Kapag mga buwitre’t buwaya’y naipiit na sa bilangguan.
The post Araw ng mga puso sa likod ng rehas na bakal appeared first on Manila Today.