“Bumusina para sa balik-pasada!” Ito ang pabatid ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Opereytor Nationwide (Piston) sa mga tsuper upang ipanawagan sa gobyerno na pahintulutan nang makabyahe ang mga jeepney driver, sa transisyon tungo sa mas maluwag na antas ng lockdown sa National Capital Region at ilan pang rehiyon ngayong Hunyo 1.
Kasunod ang naturang panawagan ng grupo sa pag-anunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte, sa kanyang pahayag sa publiko noong gabi ng Mayo 28, 2020, ng pagpapatupad ng General Community Quarantine (GCQ) at Modified General Community Quarantine (MGCQ) sa kalakhan ng mga rehiyon at probinsya sa darating ng Hunyo 1.
Ayon sa grupo, hangad nila na unti-unti silang makabalik sa hanap-buhay, upang anila’y makabawi ang ekonomiya at magkaroon muli ang mga tsuper ng kabuhayan para hindi nakaasa palagi sa ayuda mula sa gobyerno.
“Ang kailangan ngayon ay makabiyahe ang mga driver, upang makaahon sa mahigit na dalawang buwan na kagutuman, laluna’t hindi naman nakakuha ng Social Amelioration at makasakay ang mga manggagawa at empleyado, upang makarating sa mga trabaho, at muling makauwi sa bahay, nang hindi pagal ang katawan,” ani Mody Floranda, national president ng Piston.
Subalit sa naturang pahayag sa publiko ni Pang. Duterte, hindi pa rin papahintulutang bumyahe ang mga jeepney sa NCR sa Hunyo 1. Tanging mga bus, taxi, traysikel, transport network vehicle services (TNVS) tulad ng GrabCar, at mga tren ang pinayagang bumyahe ng gobyerno.
Nauna nang inirekomenda noong Mayo 26 ng 17 mayor sa ilalim ng Metro Manila Council (MMC) sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID) ang hindi pagpapahintulot sa pagbyahe ng mga jeepney at bus sa ilalim ng GCQ dahil sa anila’y “health issues” na idudulot sa kalusugan ng mga sasakay sa mga ito. Dagdag pa, inihahanda ng mga ahensiya sa transportasyon ang panibagong mga ruta ng pang-masang transportasyon.
Bukod dito, inalmahan rin ng Piston ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Memo Circular 2020-017, o ang Guidelines for Public Transportation in Areas Under General Community Quarantine. Sa naturang memorandum, pinapahintulutan lamang bumyahe, sa mga lugar na nasa ilalim ng GCQ, ang mga tradisyunal na mga Public Utility Jeepney kung ito’y nakapailalim na sa mga kooperatiba o yaong mga fleet managed.
Ayon sa grupo, ginagamit ito ng ahensiya ang para anila’y hindi payagang bumyahe ang lumang mga jeep at upang ipatupad ang phaseout sa mga tradisyunal na mga jeepney. “Hindi totoong ang mga jeepney ay buluk-bulok, dahil may rehistro, at pasado na sa LTO Inspection at Emission Testing kaya’t roadworthy na,” saad ni Floranda
Hindi rin pinalagpas ng grupo maging ang pagkuha ng special permit sa LTFRB bunsod ng pagbabago ng ruta. “Mayroon pang legal na prangkisa ang mga jeepney, bakit kailangang kumuha ng special permit? Hindi dapat basta-basta baguhin ang mga ruta, sasabay pa ito sa kaguluhan ng pagbabalik-sigla sa trabaho’t ekonomiya.”
Nakatakdang ilunsad ng Piston ang kanilang aktibidad na “Bumusina para sa balik-pasada!” sa Hunyo 1, sa ganap na 10:00 ng umaga sa Monumento, Philcoa, Cubao at sa ilan pang piling mga lugar sa NCR.
“Kaya kailangang malaman ng gobyerno at madla na dapat ipawalambisa ang mga kautusan ng LTFRB na nagbabawal sa operasyon ng mga datihang jeepney. Ang kailangan ngayon ay muling pasiglahin ang ekonomiya, hindi ang pilitin ang mga operator na bumili ng bagong sasakyan,” pagtatapos ni Floranda.