Bayan ng Baylosis

0
283

Hapon ng Enero 31, inaresto ng kapulisan sina Rafael “Ka Raffy” Baylosis at kasamahang si Roque Guillermo, Jr. sa Katipunan Avenue, Quezon City.

Ayon kay Atty. Edre Olalia, presidente ng National Union of People’s Lawyers o NUPL, walang warrant of arrest kay Baylosis. Para bigyang-katwiran ang pagdakip, nagtanim ng ebidensyang baril sa mga dala-dala niyang gamit. Pero dahil pwedeng magpyansa sa kasong illegal possession of firearms, pinalabas na may granada rin sa mga gamit niya. Wala sa police report ang granada; lumabas lang ito “mula sa hangin” noong ini-inquest na sila. Sa kasong illegal possession of explosives, hindi pwedeng magpyansa. Ikinulong sila sa Camp Crame at pagkatapos sa Quezon City Jail.

Dating gawi na ito ng gobyerno sa mga gaya ni Baylosis, na konsultant ng National Democratic Front of the Philippines o NDFP sa usapang pangkapayapaan sa gobyerno. Tinataniman ng ebidensya, sinasampahan ng mga gawa-gawang kaso para makulong. Kaalinsabay, para ipatanggap sa publiko ang pagpiit sa kanila, pinapalabas silang armado at mapanganib — kahit pa brown rice lang, halimbawa, ang kakaiba sa mga dala-dala ni Baylosis. Binansagan siyang acting secretary ng New People’s Army o NPA kahit walang patunay.

Nagtatanim ng ebidensya at nag-iimbento ng kaso ang gobyerno dahil hindi ligal na batayan ang pagiging konsultant ng NDFP para makulong. Katunayan, may mga kasunduan ang gobyerno at NDFP na nagsasabing ligtas ang mga konsultant sa pagsasampa ng kaso, pagdakip at pagpiit — ang Jasig o Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees at Carhrihl o Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law.

Ayon muli kay Olalia, ginawa ang mga kasunduang ito para tiyakin ang ligtas na paglahok ng mga indibidwal sa panig kapwa ng gobyerno at NDFP sa usapang pangkapayapaan. Aniya, “mali, mapanlinlang at makasarili” ang sinabi ng kapwa-abogadong si Harry Roque, tagapagsalita ni Pang. Rodrigo Duterte, na balewala na ang mga kasunduan dahil walang nagaganap na usapang pangkapayapaan ngayon. Taliwas sa sinabi ni Roque, gumagana ang mga naturang kasunduan kahit itinigil ng gobyerno ang paglahok sa usapang pangkapayapaan.

Larawan mula sa Coalition for the Defense and Freedom of Rafael Baylosis

Larawan mula sa Coalition for the Defense and Freedom of Rafael Baylosis

Si Baylosis ang unang konsultant ng NDFP sa usapang pangkapayapaan na inaresto ng rehimeng Duterte. Kung matatandaan, kinansela ni Duterte ang naturang pag-uusap noong Nobyembre 2017, bagamat matagal na ang todo-gera ng gobyerno niya laban sa NPA at mga pinagbibintangan nitong tagasuporta ng grupo.????Kabaligtaran ito ng ipinakita ni Duterte noong simula ng termino niya: pinalaya ang mga konsultant ng NDFP na karamihan ay ikinulong ng rehimen ni Noynoy Aquino at isinulong ang usapang pangkapayapaan.

Noon, nagpapanggap pa si Duterte na nagsusulong ng “tunay na pagbabago” para makuha at mapatatag ang suporta ng publiko. At tunay na pagbabago ang nilalaman ng usapang pangkapayapaan — ang magpatupad ng mga reporma na tatapos sa kahirapan, kawalang-trabaho, kawalang-lupa at iba pang kaapihan ng nakakarami sa bansa na siyang dahilan kung bakit may NPA, mga lumalaban sa gobyerno, at maraming sumusuporta sa kanila.

Ang akala yata ni Duterte mapapatigil niya sa pagtuligsa, kahit pansamantala, ang NDFP at ang Kaliwa sa masasahol niyang patakaran basta may usapang pangkapayapaan. Pinatunayan ng mga pangyayari na matapat sa prinsipyo nila at sa masang Pilipino ang naturang mga grupo.

Nawawalan na ng bisa ang pagpapanggap ni Duterte ngayon. Tinapos niya ang usapang pangkapayapaan at inaresto si Baylosis sa panahong todo-patupad na siya sa mga patakarang nagpapahirap sa nakakarami at nagpapayaman sa dayuhan at iilan. Tinalikuran niya ang mga maka-masang pangako at inilarga ang kabaligtaran ng mga ito. Sabi nga ng komentaristang si Inday Espina-Varona, “Ang nagpapakilalang pulitikong maka-mahirap ay nalantad nang matalik na kaibigan ng oligarkiya.”

Kakatwa na inaresto si Baylosis kasabay ng protesta ng mga estudyante ng Unibersidad ng Pilipinas laban sa paghaharing awtoritaryan, iskemang Charter Change at pakanang lantad na diktadura ng pangulo — gayundin ng pagtuligsa ni Duterte sa naturang protesta. Aniya, hindi nag-aaral ang naturang mga estudyante at sa gayo’y nag-aaksaya ng buwis ng mga mamamayan. Dapat daw silang sipain sa paaralan at palitan ng mga Lumad.

Nagtapos si Baylosis ng BA Political Science, cum laude, sa UP. Pero hindi niya hinayaang maging hadlang ang pag-aaral sa loob ng klasrum sa pag-aaral at pagbabago sa lipunan. Naging miyembro siya ng Samahan ng Demokratikong Kabataan o SDK, kapatid na aktibistang organisasyon ng Kabataang Makabayan o KM, na madiin sa pagsasanib ng teorya at praktika. Naging lider-estudyante rin siya, opisyal ng konseho ng mag-aaral ng dating College of Arts and Sciences.

Katulad ng marami niyang kahenerasyon, nag-underground siya para lumaban sa diktadurang US-Marcos. Maraming taon siyang-organisa sa hanay ng mga magsasaka, manggagawa at katutubo ng Cordillera. Inialay niya ang talino at lakas sa paglilingkod sa masa, sa piling ng masa, nang handang mag-alay kahit ng buhay kung kailangan.

Pinapasinungalingan ng buhay ni Baylosis ang tiradang hambog ni Duterte. Nag-aral siyang mabuti, pero nakisangkot sa lipunan at lumaban sa diktadura. Sa mga iskolar ng bayan na tulad niya, sulit ang buwis ng mga mamamayan: sa pag-aaral sa UP, nagkaroon ng buong buhay na aktibismo para sa maka-masang pagbabago. Ginamit niya ang talino at lakas para tumulong magbigay ng edukasyon, sa teorya at praktika, sa mga katutubo, sa mga Igorot sa kaso niya.

Nakulong siya sa maagang yugto ng batas militar, pero nagpatuloy sa pakikibaka nang makalabas sa piitan. Kung naniniwala tayong ang paglaban ng masa sa buong bansa ang talagang nagpahina at nagpatalsik sa diktadurang US-Marcos, dapat kilalanin ang kabayanihan ng mga tulad ni Baylosis, na siyang kasama ng masa sa kanilang paglaban at pagkilos, kahit sa panahon ng pusikit na kadiliman ng batas militar.

Hindi maaasahan si Duterte, gayunman, na kilalanin ang kabayanihan ng mga tulad ni Baylosis. Ang pakikitungo niya sa Kaliwa ay batay sa lakas nito at sa pakinabang niya. Pagdating sa prinsipyo at tunguhin ngayon, malinaw na si Marcos ang bayani at modelo para sa kanya.

Meme mula sa Coalition for the Defense and Freedom of Rafael Baylosis

Meme mula sa Coalition for the Defense and Freedom of Rafael Baylosis

Sa nobelang Mga Ibong Mandaragit (1969) ni Amado V. Hernandez, makabayang manunulat, ang mga bida ay lumaban sa pananakop ng mga Hapon sa bansa at nagpatuloy sa pakikibaka bilang mga rebolusyunaryo pagkatapos nito. Habang ipinapako ang paningin ng marami sa mga pagkakaiba ng panahon ng Hapon at pagkatapos nito, malinaw sa mga pangunahing tauhan ang mga nagpatuloy: kontrol ng dayuhang kapangyarihan, paghahari ng iilan, lalong paghihirap ng nakakarami.

Ganoon din si Baylosis at mga kasamahan sa pagtingin sa diktadurang US-Marcos. Para sa kanila, hindi lang ang lantad na diktadura ang ugat ng suliranin ng bayan. Lalong pinatunayan ng mga pagbabagong dulot ng Edsa 1986 na walang tunay na pagbabago para sa nakakarami. At hindi ito madaling kongklusyon, dahil katumbas nito ang patuloy na pagsasakripisyo sa panahong malaganap ang pagtinging “marami na ang nagbago” at maraming nagbukas na pagkakataong maghanap-buhay na lamang. Tila para patunayan na wasto sila, ikinulong din si Baylosis ng rehimen ni Cory Aquino.

Simula ikalawang hati ng dekada ’90, naglingkod si Baylosis na pangalawang tagapangulo para sa mga usaping pulitikal at eksternal ng sentrong unyong Kilusang Mayo Uno. May panahon ding nahalal at kumilos siyang opisyal ng partylist na sinusuportahan ng KMU, ang Anakpawis Partylist. Sa huli, naging bahagi siya ng pagpasok ng mga aktibista sa bagong larangan ng pakikibaka, nang hindi binibitawan ang mga subok nang nauna. Maraming taon niyang nakasama rito ang lider-manggagawa at bayani na si Crispin “Ka Bel” Beltran.

Bilang aktibista, parang pinaghalo si Baylosis at mga kasabayan niya ng tatlong tampok na karakter sa Mga Ibong Mandaragit. Si Mando Plaridel, dating Hukbalahap na naging mamamahayag at tagapag-ugnay ng mga kilusan ng mga manggagawa at magsasaka. Si Tata Matyas, matandang gerilyero na ugnay sa rebolusyon laban sa Espanya at gera sa mga Amerikano. At si Doktor Sabio, sosyalistang intelektwal na pangulo ng itinayong Freedom University ng mga aktibista.

Malumanay magsalita si Baylosis, pero laging pinapakinggan dahil sa talas ng kanyang pagsusuri. Lagi siyang maaasahang maglinaw sa mga usaping kinakaharap ng pakikibaka. Teorya at praktika: sa mga saligang prinsipyong progresibo siya humuhugot ng mga batayan para sa mga kongkretong tindig, hakbangin at taktika. Madalas siyang may paghalaw at paghahambing sa mga katulad na usapin sa kasaysayan. At may pagsisinop sa kung paano ipapatupad ang nararapat na mga plano at hakbangin.??Sabi nga ng manunulat na si Ina Alleco R. Silverio, katrabaho ni Baylosis sa KMU at Anakpawis, “Bagamat maunawain at mapagpasensyang tao, istrikto siya pagdating sa mga esensyal na prinsipyong aktibista at sa kanilang paglalapat sa paggawa at pamumuhay.”

Lumang larawan ng isang pagkilos na may panawagang pagpapalaya kay Baylosis noong dekada '80.

Lumang larawan ng isang pagkilos na may panawagang pagpapalaya kay Baylosis noong dekada ’80.

Pagkatapos mapatalsik ang rehimeng Estrada, minsang nagbigay si Baylosis ng pag-aaral sa Vinzons Hall sa UP tungkol sa progresibong pagharap sa mga uring panlipunan. Humahalaw siya noon ng mga halimbawa sa karanasan ng pagpapatalsik kay Estrada. Sa proseso, naglilinaw siya ng mga mali at tamang taktika sa naturang pakikibaka.

May bahaging biglang tumaas ang boses niya, mahirap nang tandaan kung bakit. “Ang pangunahing kaibahan ng lipunang sosyalista at kapitalista,” sabi niya, sabay-hiwa sa hangin mula taas pababa gamit ang bukas na kamay, “ay ang uring naghahari. Kapitalista sa kapitalismo at manggagawa sa sosyalismo.” Kaya rin hindi kapitalista ang Pilipinas dahil sa katangian ng mga naghaharing uri na mas tugma sa lipunang malakolonyal at malapyudal.

Bagamat patungo na sa ekonomiyang pampulitika, galing pilosopiya mg diylektikal na materyalismo ang pahayag, kumukuha ng awtoridad partikular sa “Hinggil sa Kontradiksyon” (1937) ni Mao Zedong. Kapaki-pakinabang at palaging may gamit ito, ang pagsuri sa pangunahing aspeto ng sentral na kontradiksyong nagtatakda ng katangian ng isang bagay o lipunan.

Ngayon, halimbawa, may mga nagsasabi pa ring sosyalista ang China lalo’t bunsod ng retorika ng lider nitong si Xi Jinping — dahil sa pagdedeklara ng Partido ng pagtangan sa Marxismo, paghawak ng Estado sa mga kumpanya, pag-aaral sa Marxismo sa mga paaralan, at iba pa. Ang hindi madalas nasusuri: anong uri ang naghahari? Monopolyo-kapitalista, hindi manggagawa.

Mabuting Pilipino at ulirang makabayan si Baylosis. Sa edad na 69, sa kabila ng sakit sa puso, nagpapatuloy siya sa pagsusulong ng tunay na pagbabago. Sa iba’t ibang dahilan, may mga Pilipinong umiidolo sa mga mahusay at maprinsipyong senador at pulitiko ng mga naunang panahon. Para sa mga nakakakilala kay Baylosis, higit pa ang katayuan niya sa mga nabanggit. Tunay na makamasa ang kanyang ipinaglalaban, lubos ang kanyang paglilingkod, at mabigat ang mga sakripisyo niya para sa bayan.

Tulad ng lahat ng bilanggong pulitikal, si Baylosis ay dapat kagyat na palayain, at kawalang-katarungan ang bawat minuto niya sa kulungan. Pero hindi makikinig sa paliwanag, gaano man katibay, ang rehimen. Pinatunayan na ng kasaysayan na napapalaya ang mga bilanggong pulitikal na tulad niya dahil sa paglaban ng sambayanan — hindi lang para sa pagpapalaya sa kanila, kundi para sa tunay na pagbabagong panlipunan. Ang pagpapalaya nina Cory at Duterte sa simula ng mga termino nila ay resulta ng paghahangad ng sambayanan ng pagbabago kumpara sa pinalitan nila.

Ngayon, lumalalim ang krisis sa daigdig at sa Pilipinas. Tuluy-tuloy na inilalantad at inihihiwalay ng rehimeng Duterte ang sarili sa sambayanan; isa na ito sa pinakamasahol sa huling kasaysayan. Namumuo ang malapad na nagkakaisang prente para labanan ito at patalsikin. At itinutulak ng mga hakbangin ni Duterte ang paglakas ng paglaban ng mga mamamayan sa mga sakahan at plantasyon, opisina at pagawaan, komunidad, at paaralan. Laban!

20 Pebrero 2018

Nananawagan ang Coalition for the Defense and Freedom of Rafael Baylosis na lumahok at sumuporta sa pagkilos para sa pagpapalaya niya sa Pebrero 23 sa Quezon City Regional Trial Court Branch 100.