Tibay ng hanay

0
396

Nagbuklod ang iba’t ibang grupo ng mga manggagawa. Itinutulak nila ngayon ang rehimeng Duterte na isakatuparan na—ngayon, wala nang ibang panahon—ang ipinangakong pagbabasura sa lahat ng uri ng kontraktuwalisasyon.

Naglulunsad sila ngayon ng serye ng mga aksiyong protesta. Ang kagyat na hiling: lagdaan na ni Pangulong Duterte ang burador na Executive Order na hiniling niya mismong buuin ng Kilusang Mayo Uno (KMU) at iba pang grupo ng mga manggagawa para wakasan ang kontraktuwalisasyon. Pero noong diyalogo ng mga manggagawa sa Pangulo noong Pebrero 7, tumanggi ang huli na pumirma.

Ang sagot kasi ng Pangulo, isasangguni pa niya ang panukalang EO sa mga kapitalista at legal team ng Palasyo. Baka raw kasi maapektuhan ang “foreign investments” kung tutupdin niya ang sariling pangako.

Ang pagtalikod na ito ni Duterte sa pangako ang nagtutulak ngayon ng pagkakaisa ng mga manggagawa. Sa unang pagkakataon, magkakasama sa pangangampanya kontra sa kontraktuwalisasyon ang militanteng unyon ng mga manggagawa, ang KMU, at ang iba pang grupo ng mga unyon, pederasyon at grupo ng mga manggagawa sa ilalim ng koalisyong Nagkaisa! Kasama rin nila ang iba pang independiyenteng unyon at grupo.

Batay sa pagkakaisa ng iba’t ibang grupo ng mga manggagawa, lalong malalantad si Duterte na walang tinupad sa kanyang mga pangako sa mga mamamayan.

Lumalalang sitwasyon

Habang di natutupad ang pangako ni Duterte sa mga manggagawa, sumasahol ang kanilang lagay. Isa lang sa mga halimbawa ng paglalang ito ang nangyayari sa mga manggagawa ng pinakasikat na softdrink sa bansa, ang Coca-Cola.

Isa sa mga aktibong kalahok sa kampanya kontra kontraktuwalisasyon ang mga manggagawa ng Coca-Cola. Sa ilalim ng Liga ng Manggagawa para sa Regular na Hanapbuhay sa Southern Tagalog o LIGA-ST, nagsumite sa Department of Labor and Employment (DOLE)-Region 4 ng rekwes na inspeksiyunin ang planta ng Coca-Cole Femsa Philippines (kompanyang may-ari ng bottling plants ng Coca-Cola sa Pilipinas) para sa posibleng mga paglabag sa pagbabawal ng batas sa labor-only contracting.

Sumang-ayon ang DOLE-4 sa mga manggagawa at iniutos noong Abril 2017 sa manedsment ng Coca-Cola Femsa na iregularisa ang naturang mga manggagawa. Pero inapela ng manedsment ang naturang desisyon.

Samantala, nitong katapusan ng Enero, tinipon ng manedsment ang mga presidente ng mga unyon sa Coca-Cola at inanunsiyo ang plano nitong magtanggal ng 606 regular na manggagawa sa Marso 2. Kasama sa tatanggalin ang 23 lider-unyonista at apat na mismong presidente.

Ang idinadahilan ng manedsment: implementasyon ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (Train) Law. Tumaas umano ang buwis sa mga inuming matatamis tulad ng softdrinks, kung kaya lumiit ang kita ng kompanya sa unang buwan ng 2018. Sinabi rin umano ng manedsment na magbabago ng business model ang kompanya kaya kailangan ng tanggalan.

Pero pinabulaanan ito ng mga manggagawa. Ayon kay Faustino Aguillon ng Ilaw at Buklod ng Manggagawa-Kilusang Mayo Uno o IBM-KMU, malinaw namang ipinataw sa mga konsiyumer ng Coca-Cola ang dagdag-buwis sa kompanya—kaya tumaas nang P6 kada litro ang presyo ng naturang inumin. Hindi rin umano dapat mga manggagawa ang parusahan sa bigong business model, kung pumalpak dito ang manedsment.

Sinabi naman ni Alfredo Marañon, presidente ng Federation and Cooperation of Cola, Beverage and Allied Industry Unions, pangkaraniwan na ang pagbaba ng sales ng softdrinks sa unang kuwarto ng taon matapos ang Pasko. “Alam ito ng manedsment,” aniya.

Umalma, siyempre, ang iba’t ibang unyon sa loob ng Coca-Cola. Sa ilalim ng alyansang All Coke Unions, nagbigkis ang mga unyon ng mga manggagawa (na affiliated sa iba’t ibang pederasyon o kaya’y independiyente). Para sa kanila, malinaw na “union-busting” o pagbuwag sa mga unyon, ang pakay ng tanggalan. “At hindi pa ito ang huli,” ani Marañon.

Naglunsad sila ng pambansang protesta noong Pebrero 20. Isinalarawan ng kanilang paglaban ang nabubuong pagkakaisa ng iba’t iba ring mga grupo ng mga manggagawa sa pambansang antas.

‘Hanggang kilusang welga’

Samantala, sa press conference ng KMU at Nagkaisa! noon ding Pebrero 20, nagbabala na ang mga manggagawa: Paiigtingin nila ang mga protesta.

Aaraw-arawin na umano nila ang mga aksiyong ito, mula sa lokal na mga pagtitipon at pagpapahayag ng mga manggagawa sa mga empresa at opisina, hanggang sa pagpoprotesta sa mismong Malakanyang at tanggapan ng DOLE.

“Reyalistiko ang kasalukuyang borador na EO na isinumite naming sa Presidente sa pagpihit nito ng polisiya palayo sa dead end ng kontraktuwal na pag-empleyo tungo sa mas patas at disenteng (polisiya): pagbawal sa kontraktuwalisasyon at pagbalik sa direktang pag-eempleyo bilang pangkaraniwang praktika,” ayon sa pahayag ng Nagkaisa! at KMU.

Pero sa kabila ng pagiging reyalistiko nito, hindi ito pinirmahan ni Duterte. Para sa mga manggagawa, indikasyon na ito na tinatalikuran na ng Pangulo ang kanyang pangako noong tumakbo siya.

“Ang ikinababahala namin, ang pagpapatagal ng pagpirma ng EO (ay para) palabnawin ito katulad ng nakaraang mga polisiya nito na nagpatibay pa at di-nagpigil sa kontraktuwal na pag-eempleyo,” sabi pa nila.

“Sa totoo lang, hindi natin inaasahang pipirmahan niya (Duterte) ang EO,” ani Lito Ustarez ng National Federation of Labor Unions-KMU o Naflu-KMU. Pero gayumpaman, bilang dagdag-presyur sa rehimeng Duterte, paiigtingin nila ang mga protesta bago ang Marso 15—na bagong takdang deadline ng Pangulo para pag-aralan umano ang panukalang EO.

“Kung gusto may paraan, kung ayaw, maraming dahilan,” obserba ni Renato Magtubo ng Nagkaisa!.

Sinabi naman ni Elmer “Ka Bong” Labog, tagapangulo ng KMU, na mahalagang yugto ito sa kasaysayan, ani Labog, na nagsasama-sama ang maraming organisasyong manggagawa dahil sa matinding pagyurak sa “dignidad” ng mga manggagawa sa kasalukuyang kaayusan.

Sa pamamagitan ng pagkakaisang ito, maglulunsad sila ng mga protesta. Ayon sa mga lider-obrero, hindi natitinag ang mga manggagawa sa posibleng pagbigwas ng kamay-na-bakal ng rehimen—katulad ng pagbigwas nito sa sektor ng transport na pinagbabantaan ang kabuhayan ng programang jeepney phase-out.

“Ngayon pa lamang, tinatagurian nang mga terorista ang mga manggagawa sa halip na tugunan ang usapin ng kontraktuwalisasyon,” sabi ni Labog. “Takot ba (ang mga manggagawa)? Na-survive na namin ang Martial Law ni Marcos.

“Kung kinakailangang maglunsad ng sama-samang pagkilos hanggang sa kilusang welga, magaganap talaga yan. Lalo na sa tuluy-tuloy na paniniil sa kilusang paggawa ngayon,” pagtatapos ni Labog.