Buhay at pagpupunyagi sa Plastikan

0
395

“May buhay sa bundok ng basura.” Ito ang bukambibig ng marami kaugnay ng nangangalakay nating mga kababayan. Pero sa totoo lang, gumagawa lang ng paraan ang mahihirap, dahil sa kawalan ng disenteng hanapbuhay.

Sa kabila ng hirap at peligro sa pagtatrabaho sa basura, sinisikap nila na magtrbaho para mabuhay ang pamilya. Papatunayan ito ng kuwentong buhay at pakikibaka ng mga naninirahan sa Plastikan, Payatas. 

Ka Pando ng Plastikan

Si Normelito ‘Ka Pando’ Rubis,  44, tubong-Masbate, ay nagmula sa pamilya ng magsasaka. Napadpad siya ng Maynila para makapagtrabaho at nangarap na mapabuti ang kanilang buhay.

Dito na sa Maynila nakilala ang asawa na si Melanie tubong-Bikol. Sa bundok ng basura sila namuhay at nagpalaki ng tatlong anak. Sa pag-recycle ng plastik ni Ka Pando at sa pagtitinda ng sari-sari ni Melanie iniraraos ang bawat araw at pangangailangan ng pamilya. Nang magkasakit si Ka Pando noong 2016, nagpasya siyang maging “purchaser”  na lang dahil hindi na kaya ng katawan na maghakot ng kilu-kilong plastik.

Presidente si Ka Pando ng Samahang Nagkakaisa sa Plastikan (SNP) na bahagi ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay).

“Ang kawalan ng maaasahan at serbisyo para sa aming mahihirap ang nagturo mismo sa amin para humakbang at tuklasin kung paano pa kami mabubuhay…Dito na sa aming komunidad mismo hinanap ang trabahong maaari naming matutunan at maaasahan para buhayin ang aming pamilya.  Sa Plastikan kami nakakita ng pag-asa.  Halos dalawang dekada ng pagrecycle ng plastik ang bumubuhay sa amin,” ani Ka Pando.

“Ipagkakait pa ba sa amin ito?”

Iba pang taga-Plastikan

Taong 1990, nang umpisahan ng mga maralita ang konsepto ng pag-recycle ng plastik sa Samsung na malapit sa Payatas.

Natutunan nila sa karanasan na may tamang proseso sa pag-recycle ng plastik. Mula sa pagkolekta ng mangangalakay o “scavengers” ng iba’t ibang tipo ng plastik, ito’y dadalhin sa “Samsung”. Dito nagaganap ang “cleaning” , “washing” at “drying”. Pagkatapos, ililipat ito sa Nuebe para sa “bundling” at ihahanda na para ideliber sa malalaking pabrika sa Valenzuela. Mga negosyanteng Tsino at Koreano ang bumibili ng mga plastik.

Ang kinikita nila’y depende sa tipo ng plastik na kanilang nakakalap. Ang makapal at malinaw ay P24/kilo, ang gaya ng plastik ng mga mineral water ay P18/kilo, ang malabong plastik ay P16/kilo at ang PE printed o colored ay P10/kilo. 

“Umaabot sa 40 tonelada ng plastik ang nare-recycle kada araw at talagang signipikante ang nagagawa ng mga tagarito,” ani Joey, organisador ng Kadamay.

Malaking bagay sana kung natutulungan sila ng gobyerno. Pero mailap ang mga ito. Ang masahol pa, kadalasa’y kakuntsaba ito ng ilang negosyante para maningil o kumita sa mga nagtatrabaho sa Plastikan.

Nung dekada ’60, isang malaking swimming pool ang Samsung. Abandonadong lugar na ito. Dahil maraming maralita ang walang mapuntahan, tinirhan ito ng mga mula sa iba’t ibang bahagi ng Maynila at probinsya. Dahil walang trabaho, nag-isip sila ng paraan para makapaghanapbuhay. Dito nag-umpisa ang Plastikan.

Taong 1998, sumulpot ang pangalang Arsellio Lim na nagpakilalang siya raw ang may-ari ng lugar at tinakot ng demolisyon ang mga maralita.

Di-nasiraan ng loob ang mga taga-komunidad. Nagorganisa sila at itinayo ang SNP. Nagsulputan ang iba pang private claimants. Higit namang nagpursigi ang mga maralita at nagbarikada.

Taong 2000,  naganap ang trahedya sa Payatas. Marami ang namatay sa pagguho ng basura. Pero lalong nagkaisa ang mga maralita at kanilang napagtanto: Wala silang ibang kakampi kundi ang kapwa nilang mahihirap.

Binabanggit ng gobyerno na pribadong lugar daw ang Plastikan. Pero 2009 nang ibenta kay Philip Lim ang lugar sa halagang P1,000/sqm.  

Hamon at pangarap

Sina Imac Roda, 5, at Michael James Callet, 6, ay matalik na magkaibigan.

Kapwa silang namumulot ng plastik ng mineral water at kumikita ng P18/kilo. Ito ang pang-araw-araw nilang buhay bilang bata. Bagamat nasa kinder si Michael kapwa silang nasasabak sa paghahanapbuhay para makatulong sa mga magulang sa halip na maglaro at maging ligtas sa sakit at pahamak.

“Ibibigay ko kay Nanay ang pera pambili ng bigas,” ani Imac.

“Paano ka sasaya sa ganitong lugar (na) marumi, walang malinis na tubig, walang serbisyo tapos itinataboy pa rin kami…Paano ka pa mangangarap kung wala kang makitang miski anong pagasa na kami ay papansinin o tapat na tutulungan ng gobyerno,” ani Gloria, isa sa mga inang naglilinis ng plastik). Para naman kay Ka Pando, pangarap niya na makatapos ng pag-aaral ang kanyang mga anak. “Hindi dapat sila magaya sa akin na Grade 1 lang ang inabot at para kahit paano ay umayos ang kanilang buhay.”

Pero hindi magbabago ang buhay nina Ka Pando, Melanie at Gloria pati na sina Imac at Michael kung hindi magkakaisa silang mga maralita para makilahok sa panlipunang pagbabago. Unti-unti, nahihimok ang mga tulad nila na magbuklod at igiit ang mga karapatan. Para sa hinaharap ng kanilang mga anak.