Christine Dacera case: Ayan na naman ang bobocops

0
303

Editorial, Jan 11, 2021, Rappler.com

“Sensational” ang balita tungkol sa pagkamatay ng flight stewardess na si Christine Dacera habang kasama ng 11 lalaki sa isang hotel. Ito ang klase ng kwentong susundan mo: maganda ang dalaga na nag-iisang babae sa grupo. Gwapo at mukhang mayayaman ang mga lalaki. Magkakasama sila sa isang kwarto. 

Sa unang tingin, madaling paniwalaan ang teorya ng pulis. “Rape-slay” daw ito at suspek daw ang 11 lalaki. Sabi pa ng pulisya sa isang pahayag, “Solved na ang kaso.”

Pero ano ba ang trabaho ng mga imbestigador? Ito ba’y magpagwapo sa harap ng camera at mabilis pa sa alas-singkong sabihing lutas na ang kaso? Ito ba’y magkasya sa obvious? Hindi ba trabaho ng imbestigasyon na siyasatin ang lahat ng anggulo batay sa mga ebidensya, at saka pa lang humusga?

Sabi ng mga kabarkada ni Dacera na kasama niya sa kwarto bago siya mamatay, “Bakla po kaming lahat.” Sabi pa ni Gigo de Guzman, “Never po ako nagkaroon ng sexual relations sa isang babae.” ‘Yan ang pinakamalaking bagay na sumira sa anggulong rape.

Pero may sagot diyan ang pulis. Ang bakla raw “’pag nakainom, lalaki pa rin.” Dito pa lang, kitang-kita na ang kabobohan ng pulisya sa psychology ng isang mahalagang grupo sa lipunan – ang LGBTQ+. Sabi nga ng mga bading sa social media, “Hindi tumitigil sa pagiging bading ang bading na lasing.” Sabi naman ng couturier na si Rajo Laurel: “Laging bakla ang bakla.”

Sabi pa ng isang pulis na tila nasarapang magpainterview: “May semilyang natagpuan sa genitalia ni Dacera.” Pero sa mismong otopsiya ng pulisya, walang bakas ng rape na nakasaad at “aortic aneurism” ang nakalagay na cause of death. 

Ano ba ‘yan? Hindi ba nakipag-usap ang pulis sa sarili nitong mga doktor?

Isa lang ito sa mga senyales na magiging circus ang kaso. Senyales din ito na bobo sa police procedure ang mga alagad ng batas. Higit sa lahat, senyales ito na wala silang paggalang sa due process na nakaukit sa batas.

Ang pinakamalaking “blunder” o pagkakamali: inembalma ang katawan bago isinagawa ang autopsy. Sabi nga ng forensic expert na si Dr Raquel Fortun, ibig sabihin, nahugasan na ang katawan at na-flush out na ang dugo. Halos wala na raw ebidensyang makikita sa katawan.

Tanong pa ni Fortun, kung namatay daw si Dacera dahil sa aortic aneurysm, bakit hindi nakalagay sa autopsy report ng pulis na nagkaroon ng “excessive internal bleeding” – bagay na nangyayari kapag nagkakaroon ng rupture?

Baluktot na proseso

Tila pundamental ang problema sa imbestigasyon: nagsimula ang pulis sa isang teorya, tapos pilit nilang isinaksak ang ebidensya sa teorya nila.

Sabi ni Fortun, ang “healthy attitude” sa anumang imbestigasyon ay magsimula sa “clean slate” at walang maagang konklusyon. “Tapos titingnan mo ang pisikal na ebidensya, saan ka ituturo ng mga ito. ‘Tsaka ka pa lang magbubuo ng hypothesis or teorya.”

Sabi naman ni De Guzman, “They never gave me a chance.” Hindi man lang siya binigyan ng pagkakataong ipahayag ang kanyang panig. “Andun ako sa himpilan ng pulis, handa magbigay ng pahayag, hindi nila kinuha ang panig ko. Ibinigay ko sa kanila ang address ko, ang cellphone number ko, dahil handa akong magsalita.“

Pagkatapos, binansagan siya at ang 10 niyang kasamahan na rapist at killer.

Kung tutuusin, sakit talaga ng mga otoridad yan – ang magbansag batay sa kathang-isip. Ang mga human rights advocates at aktibista binansagang komunista. Sa kasong Dacera, binansagan ang 11 binatang suspek sa pagpatay at paghalay, gayong sa mismong otopsiya nila’y walang bakas ng rape at mukhang namatay sa “natural causes” ang dalaga.

Sabi pa ni De Guzman: “Nasira ang buhay namin, hindi lang ni Christine, hindi lang ng pamilya niya, kundi pati buhay ko, buhay ng mga taong ‘yon [ibang suspek], at buhay ng pamilya ko.”

Maraming nilapastangan ang maling akusasyon at burarang imbestigasyon ng pulisya. 

Nabalahura si Christine Dacera nang ginawang krimen ang kanyang pagkamatay nang walang ebidensya: hinalungkat ng publiko ang buhay niya at pagkatao, na sa isang punto ay nalihis sa victim-blaming. Pinagpyestahan ang video niyang nagsasaya kasama ang mga kabarkada. Ipinagkait sa kanyang pamilya ang kapayapaang magluksa nang tahimik. Inilantad ng mga pulis sa galit ng publiko ang 11 kalalakihang bading na hinamak at inalipusta bilang mamamatay-tao at rapist.

Lahat ng ito sa isang kaso na, sa bandang huli, ay hindi naman malinaw kung may krimen. 

Tunay na krimen: pagsasantabi ng due process

Sa bandang huli, ang pinaka-casualty rito ay ang hustisya at ang bagay na dinadakila ng maraming police force sa buong mundo: ang due process.

Muli nating napatunayang incompetent ang pulis sa mga imbestigasyong kailangang gamitan ng utak. Muli nating napatunayang hindi mahalaga sa kanila ang hustisya. Halatang-halatang na pagpapapogi at pagpapabango ang importante sa pulis – at kung may sekswal na elemento sa teorya nila, mas maganda.

At ‘yan din ang kwento nina Hubert Webb at Paco Laranaga na ginugol ang kanilang kabataan sa kulungan. Sa bayang ito, talagang mababa ang kartada ng katotohanan.

Hitik ang buong 2020 sa mga kwento ng police brutality: ang kaso ng mag-inang Gregorio, ang pamamaril kay Winston Ragos, ang pambubugbog at pagkaladkad ng isang fish vendor na walang face mask, at ang pagkulong nang napakatagal sa mga quarantine violators. Ngayon namang 2021, sinampal tayo ng police incompetence.

Mananawagan pa ba tayong pagtatanggalin sila sa pwesto? Baka maubos ang kapulisan. At mangyayari ba, gayong nanunuot sa buto ang kanser ng pulisya at hindi ito kaso lang ng ilang “bad eggs?” Lalo na kung mismong Presidente ang nagsabing “shoot them dead?”

Tila may passes sa bad behavior ang pulis. Kaya’t wala tayong magawa kundi magalit. At nawa’y maging matagumpay tayo sa pag-iwas, paglayo, at pag-ilag sa mga alagad ng batas na magpapahamak, sisira, at maaaring pumatay sa atin.

Sabi nga ng awit ni Bamboo at Buklod na “Tatsulok:” Totoy makinig ka, ‘wag kang magpa-gabi | Baka mapagkamalan ka’t humandusay dyan sa tabi.

‘Yan ang pamana ng tokhang at ng institusyonal na pagsasantabi ng procedure at due process. ‘Yan ang pamana ng maya’t-mayang pagpatay ng pulis dahil “nanlaban” ang umano’y durugista. ‘Yan ang kawalan ng respeto sa human rights ng administrasyong ito.

Takot ba kayo sa kriminal? Habang aminado kaming may matitino pa rin sa serbisyo, mas nakakatakot ang mga bantay-salakay: ang mga pulis na walang kaluluwa at halang ang sikmura. – Rappler.com