Duterte, kontra-kababaihan

0
234

Nitong nakaraang linggo, pinag-usapan na naman sa mga pahayagan ang banat ni Duterte sa kababaihan. Ang sabi niya, ang kailangan daw na ang susunod na Ombudsman na papalit kay Ombudsman Conchita Carpio Morales ay hindi dapat pulitiko. Higit sa lahat, hindi siya dapat babae.

Napuno ng batikos sa Duterte dahil sa pahayag na ito. Tulad ng dati, pinagtanggol siya ng Malakanyang.

“Play on words” lamang daw ang pahayag ng Pangulo at dulot ito ng mga babaing may hawak ng sensitibong puwesto sa gobyerno tulad ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno at Ombudsman Morales na kapwa naging mahigpit na kritiko ng administrasyong Duterte.

Ngunit alalahanin natin na ang ating batas ay puno ng mga probisyong nagbibigay ng proteksiyon sa kabaibaihan. Noong 2004, halimbawa, ay ipinasa ng ating Kongreso ang Republic Act No. 9262 o ang Anti-Violence Against Women and their Children (VAWC).

Ayon sa batas na ito, pinaparusahan ang ano mang pagsagawa ng pisikal na karahasan sa isang babae o kanyang anak, pagtanggal ng pinansiyal na suporta sa isang babae o sa kanyang anak; o pagsagawa ng anumang bagay na makapagdulot ng emotional o psychological distress sa isang babae o sa kanyang anak.

Kasama sa mga pinagbabawal ng batas na ito ang pagsagawa ng anumang bagay na makapagdulot ng kahiyaang pampubliko o mental o emosyonal na kalungkutan sa isang babae o kanyang anak.

Sa ilalim ng batas na ito ay maaring humingi ng Protection Order mula sa Barangay o sa Regional Trial Court ang sinumang babae na biktima sa ilalim ng batas na ito upang pagbawalan sa kanilang gawain ang sinumang akusado.

Ang mga deklarasyon ba ni Pang. Duterte ay pasok sa VAWC?

Kung hindi man, maaari itong pumasok sa Magna Carta of Women (Republic Act No. 9710) na inaprubahan noong 2009.

Ang RA 9710 ay naglalayong isulong ang karapatang pantao ng kababaihang Pilipina sa pamagitan ng pagkilala, pagbigay ng proteksyon at pagsulong sa kanilang karapatan, lalo na sa mahihirap na kababaihan.

Dahil sa layuning ito, pinagbabawal ng RA 9710 ang diskriminasyon sa mga babae batay sa kanilang kasarian, marital status, edad, relihiyon, at iba pa.

Ang Estado ay pinagbabawalang maging mapanghamak sa kababaihan at sa paglabag sa kanilang karapatan. Inuutusan din ang Estado na bigyan ng proteksiyon ang kababaihan laban sa diskriminasyon
ng pribadong mga tao o kompanya.

Tinutulak din ng batas na ito na madagdagan sa loob ng limang taon ang bilang ng mga babaing nagtatrabaho sa pulisya, medico-legal, legal services, forensic services, at social services hanggang sa ang kalahati sa mga nagtratrabaho rito’y babae.

Ganun din sa civil service. Binabanggit ng batas na ito na kailangang dagdagan ang kababaihang empleyado ng gobyerno na umookupa sa mga third–level positions upang pumantay na sila sa bilang ng kalalakihan sa loob ng limang taon.

Tinayo ng batas na ito ang Philippine Commission on Women (PCW) sa ilalim ng Office of the President upang tiyakin ang pagpapatupad sa mga probisyon nito.

Dahil sa pagkilala ng ating batas sa karapatan ng kababaihan, imposibleng hindi alam ni Duterte na tumataliwas siya rito pagdating sa kanyang proklamasyon tungkol sa taong ipapapalit niya kay Ombusman Morales.

Ngunit tulad ng nangyari sa pangako niyang hindi natupad sa labor contracting, maaaring nagbibiro na naman si Duterte.

Kailan kaya matatapos ang pagbibirong ito?