Download Usapang IBON Yearend 2017 primer here
Umiigting ang ligalig sa administrasyong Duterte, wala pang dalawang taon sa panunungkulan. Lumalala ang kalagayan ng mamamayan, habang ipinatutupad pa rin ng gubyerno ang mga kontra-mamamayang patakarang neoliberal.
Tuluyan nang napako ang mga popular na pangako ni Duterte, pero patuloy pa rin ang kanyang pagpapanggap na siya ay para sa mahirap. Ipinagpapatuloy ng kanyang rehimen ang mga polisiyang neoliberal ng mga nagdaang administrasyon — ito ang Dutertenomics. Sa katunayan, nasa yugto na ng pagkompleto ng halos apat na dekada ng neoliberalismo si Duterte, at magbubunsod ito ng mas matinding pasakit sa mamamayan.
Isang mayor na indikasyon sa panahong ito ang pagpasa ng anti-mahirap, maka-mayaman at maka-negosyong pagbubuwis, ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN). Tutustusan nito ang grandyosong programa sa imprastruktura ni Duterte, ang “Build Build Build” na magbubukas ng malawak na oportunidad sa mga oligarkiya sa ekonomiya, negosyo, at maging sa mga opisyal ng gobyerno.
Hindi na maitatwa ang layunin ng gobyernong Duterte na isentralisa ang kapangyarihan at mangunyapit sa poder. Mabilisang maniobra ni Duterte at ng kanyang mga kasapakat sa Kongreso na baguhin ang Konstitusyon (Cha-cha), todong buksan ang ekonomiya sa dayuhan, at iwasiwas ang pederalismo na diumano ay solusyon sa lahat ng kaguluhan na kasalukuyang dinaranas ng sambayanan.
Hindi nagdadalawang-isip ang rehimen na tahakin ang diktadurya at anumang bahid ng tiranya. Mula sa kanyang marahas na kampanya kontra-droga, paglabag sa karapatang-tao, hanggang sa panggigipit ng kanyang mga kalaban sa politika, pagpapalawig ng martial law sa Mindanao ng isa pang taon, at paggamit sa mga trolls sa social media para patahimikin ang mga kumukontra sa pamahalaan, hubad na si Duterte ng anumang plumahe na siya ay para sa nakaarami, Ang totoo, nanganganib ang demokrasya sa ilalim ng rehimen.